Ulat nina Eunice Dianne Y. Algar at Mark Vincent R. Mercene
ito ang una sa dalawang bahaging ulat na ito
Ang pagkasira ng pananim dahil sa mga peste at sakit ay isa sa mga pangunahing suliranin na kinakaharap ng mga magsasakang katulad ni Girsky Anda mula sa Atimonan, Quezon. Gaya ng karamihang magsasaka, naniniwala rin siya na nakakatulong ang mga payo ng eksperto ukol sa epektibong pangangasiwa ng nasabing problema sa agrikultura.
Ngayon ang mga payo mula sa eksperto ay mas madali nang mapapasakamay ng mga magsasakang tulad ni Girsky. Ito ay sa pamamagitan lamang ng isang smartphone application na nilikha ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB). Ang nasabing app ay may kakayahan na tukuyin ang mga peste at sakit ng mga pananim gamit lamang ang camera ng isang android smartphone. Ito ay kilala bilang Smarter Pest and Disease Identification Technology (SPIDTECH) na binuo sa ilalim ng Project Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines (SARAI), sa pangunguna ni Angelo Guiam. Ang pag-aaral nila patungkol dito ay nailimbag sa Philippine Journal of Science noong 2021.
Mga Sakuna sa Pananim
“‘Yung awareness ng farmers in regards to how they manage their insects, their pests, hindi nila na mamaximize ‘yung opportunities sa field because of lack of education,” ani Guiam. Sa katunayan, may mga insektong akala ng mga magsasaka ay peste, ngunit ito ay nakakatulong pala sa pananim nila.
Ayon sa International Rice Research Institute (IRRI), mayroong katampatang 37% na kawalan sa ani ng palay taon-taon dahil sa mga peste at sakit. Ito ay lubos na nakakaapekto sa kinikita ng mga magsasaka. Ang problemang ito ang nag-udyok sa grupo nina Guiam na likhain ang SPIDTECH, kung saan benepisyaryo si Anda.
Smart Agriculture
Ang SPIDTECH ay isang halimbawa ng smart agriculture. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng teknolohiya katulad na lamang ng mga sensor, robot, at artificial intelligence para mas maging epektibo ang iba’t ibang gawain kaugnay sa pagsasaka.
Mayroong Ingles at Filipino na bersyon ang SPIDTECH. Ito rin ay may tatlong pangunahing kakayahan: Insect Pest and Disease Identification, Insect Pest and Disease Library, at Insect Pest and Disease Remote Monitoring. Pero hindi lang ito ang kayang gawin ng SPIDTECH.
Mayroon din itong Library Feature na naglalaman ng komprehensibong impormasyon tungkol sa 104 na peste at 89 na sakit ng mga pananim. Nilalaman nito ang mga pangalan ng peste o sakit; ano-ano ang mga senyales ng pagkakaroon nito; kung paano ito lumalaki, dumadami, at nakakapinsala; at kung paano puksain ang mga ito.
Panghuli ay ang Remote Monitoring Feature nito na ginawa para sa mga developer ng app. Iniipon nito ang mga datos mula sa mga user ng SPIDTECH upang masuri at makagawa ng isang mapa kung saan makikita ang distribusyon ng mga peste at sakit ng pananim mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay magagamit ang SPIDTECH sa mga pangunahing pananim sa Pilipinas katulad ng palay (rice), mais (corn), kape (coffee), kakaw (cacao), niyog (coconut), tubo (sugarcane), saging (banana), utaw (soybean), sibuyas (onion), at kamatis (tomato). Ito ay maaaring i-download nang libre sa Google Play Store at Huawei App Gallery. Kinakailangan lamang nito ng 60 MB na storage at magagamit ito sa kahit anong device na may operating system na Android 4.4 (Kitkat) o mas bago. Ang maganda pa rito ay maaari rin itong magamit kahit walang Internet connection.
Basahin ang pangalawang bahagi ng ulat na ito: MATALINONG PAGSASAKA: Pagsulong sa SPIDTECH
Ang ulat na ito ay orihinal na nailimbag sa wikang Ingles sa FlipScience.ph.
Panoorin and dokumentaryong ito: