Ulat nina Beatriz Aguila, Gabriel Almera, Laurenz Cruz, at Jerico Silang
Malaki ang pangamba ni Rolando Amulong, canteen owner, sa nagbabadyang pagkaubos ng Sardinella tawilis, isang uri ng isdang endemic sa Lawa ng Taal, na malaking bahagi ng kabuhayan sa kanila dahil mabenta ito sa mga turista sa Tagaytay. Ayon sa kanya, nagsisilbing malaking bahagi ng kabuhayan ang mga produktong Tawilis sa kanilang lugar dahil binabalik-balikan ito sa mga palengke, maging sa mga restaurant na nagluluto nito. Dagdag pa niya, ang crispy Tawilis ang unang hinahanap ng mga turista katambal ng ipinagmamalaki nilang bulalo.
Noong 2019 din ay idineklarang endangered o nanganganib nang maubos ang Tawilis ng International Union for Conservation of Nature (IUCN). Alinsunod dito ang pansamantalang pagbabawal ng panghuhuli at pagbebenta nito.
Bilang na nga ba ang araw ng Tawilis sa Lawa ng Taal?
Isang grupo ng mga siyentista mula sa UP Los Baños ang nilapitan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (PCAARRD-DOST) upang maisalba ang ang mga Tawilis ng Lawa ng Taal. Isa sa mga pag-aaral nila ukol dito ay nailimbag sa Philippine Journal of Science noong Hunyo 2022.
[PANOORIN: TAWILIS, NASAN KA NA GA?]
Pagliligtas sa Tawilis
Matapos ang tatlong magkakasunod na pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero 2020, Hulyo 2021, at Marso 2022, nalagay sa matinding panganib ang mga isda sa lawa ng Taal kabilang na ang Tawilis. Dahil dito, nanganib din ang kabuhayan ng maraming mamamayan sa pagkaubos ng naturang isda bilang pangunahin nilang pinagkakakitan.
Si Rolando ang isa sa mga naapektuhan ng mga iniimplementang pansamantalang pagbabawal ng panghuhuli at pagbebenta ng Tawilis mula sa lawa.
“Noong pumutok ang [Bulkang] Taal, siyempre nawala ang Tawilis. Hindi naman talaga pinapayagan ng DENR manghuli ng Tawilis kapag gano’n. Sumusunod kami sa batas, kung anong dapat gawin,” ani Rolando.
Dagdag pa n’ya, noon pa man ay madalas nang itanong ng mga turista kung mayroon silang crispy Tawilis na maaaring itambal sa sikat na Bulalo ng Tagaytay.
Noong 2019, itinuring ng International Union for Conservation of Nature and Natural Resources ang Tawilis bilang endangered species dahil sa patuloy na pagbaba ng populasyon nito dulot ng mga iligal na pangingisda at ang lumalalang polusyon sa lawa.
Kaya bago pa man maganap ang mga aktibidad sa Bulkang Taal, isinulong na ang Taal Volcano Protected Landscape – Protected Area Management Board (TVPL-PAMB) Resolution No. 49 Series of 2018 na nagtatakda ng Tawilis Closed Fishing Season tuwing buwan ng Marso at Abril kada taon. Ito ay naglalayong makapagbigay ng sapat na panahon para makapagparami ang mga Tawilis na batay sa pag-aaral na isinagawa ng National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI) sa panahon ng pangingitlog ng mga naturang isda.
Katuwang nito, dati na ring nagsagawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng ilang proyekto para sa konserbasyon ng Tawilis ngunit bigong maisakatuparan ang translocation o ang paglilipat ng mga ito mula sa lawa patungo sa mga pasilidad ng artipisyal na pagpaparami ng isda.
Solusyon: Ang FISH ARK Project
Noong Pebrero 2021, nilapitan ng PCAARRD ang Institute of Biological Sciences ng UP Los Baños upang pangunahan ang FISH ARK project na naglalayong iligtas ang Tawilis sa potenyal na pagkaubos sa pamamagitan ng paglilipat, pangangalaga, at pagpaparami ng naturang isda sa labas ng natural nitong tirahan. Ang nasabing proyekto ay pinapangunahin ni Dr. Ma. Vivian C. Camacho.
Gamit ang mga pukot o fish net, hinuli ng mga eksperto ang Tawilis at pansamantalang inilagay sa mga tanke na may tubig na galing sa lawa ng Taal. Sa kabuuan, 333 Tawilis ang kinolekta at muling inilipat sa mas malalaking tangke na nasa pamamahala ng UPLB Limnological Station.
“We have already developed efficient collection protocols, which yielded high survival of our Tawilis, sabihin na nating 80 to 90%, as well as, efficient transport protocol, which also had yielded high survival,” ani Dr. Camacho sa isang 2021 Museum of Natural History Biodiversity Seminar.
‘Di pa nagtatagal sa mga pasilidad, naobserbahan na ang mga inaasahang pinsala sa ilang isda tulad ng pamamaga at pagdurugo ng iba’t ibang parte ng katawan at ang pagkatanggal ng mga kaliskis nito.
“Individuals in housing tanks that did not survive were seen to have injuries in their snout and upper and lower jaws as well as fin bases such as pectoral dorsal and pelvic fins probably due to physical trauma incurred while swimming in the enclosure,” ani Dr. Camacho.
Naitala sa unang tatlong araw ang malaking pagbaba ng bilang ng mga Tawilis. Matapos ang apat na buwang pagsisiyasat, matagumpay nilang napanatiling buhay ang 21.8% o halos 73 mula sa 333 na nahuling Tawilis sa loob ng 30 araw.
“We have successfully kept them alive for more than two months now. We have determined suitable live feed for them; however, survival rate is still low,” ani Dr. Camacho.
Bagaman kaunti na lamang ang mga natirang Tawilis sa mga pasilidad makalipas ang isang buwan, maituturing pa ring matagumpay ang naturang proyekto dahil ito ang kauna-unahang pagkakataong nakapagpanatili sila ng buhay na Tawilis sa kabila ng mga hamon ng transportasyon at mismong pagbibigay ng mga pangangailangan ng isda sa bawat araw. Sa puntong ito, nakita ng mga eksperto ang malaking potensyal ng pagpaparami at pangangalaga ng Tawilis sa labas ng natural nitong tirahan.
Ayon sa mga eksperto, lubos na makatutulong ang mga resulta sa pag-aaral na ito sa mga susunod pang mga pagsisiyasat hinggil sa pagpaparami ng populasyon ng Tawilis sa mga kontroladong pasilidad gamit ang mga artipisyal na pamamaraan.
Hakbang ang programang ito upang mapalawig ang natural na pagpaparami ng populasyon ng Tawilis sa mga karatig-lawa na maaaring panirahan ng mga naturang isda.
Para naman sa mga mangingisda, maging sa mga nagnenegosyo ng Tawilis katulad ni Amulong, ang pagpapatuloy ng proyekto nina Dr. Camacho ay higit na makatutulong upang tuluyang bumalik ang sigla ng kanilang mga hanapbuhay. Kasama nila, hiling ni Dr. Camacho na muling makibahagi ang pamahalaan sa kanilang mga susunod na proyekto tungo sa mas epektibong pagpaparami ng Tawilis.