Ulat nina Lemuel San Gabriel at Paula Arreglo
“Isang activity na sinimulan namin to take care of everyone’s mental health ay edible gardening… Tawag pa nga namin sa edible gardening namin ay farmville,” ani Armand Valdevieso, isa sa mga estudyante ng UP Los Baños (UPLB) na na-stranded sa Laguna noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong 2020.
Upang magkaroon ng produktibong pagkakaabalahan habang naka-lockdown ay nag alaga sila ng isang edible garden sa bakuran ng kanilang dormitoryo.
Kumalat sa social media ang kanilang mga litrato sa tulong ng mainstream media at umani ang mga ito ng papuri mula sa netizens. Dahil nagawa nilang magpatubo ng sarili nilang gulay ay hindi na nila kailangang lumabas pa para mamili ng pagkain at ilagay ang sarili nila sa panganib ng COVID-19.
Ngunit bago pa man ang pandemya ay matagal nang isinusulong ng UPLB ang edible landscaping sa komunidad nito bilang isang paraan ng pagsasaka at pagtugon sa seguridad sa pagkain sa bansa. Sa katunayan, may isang pag-aaral na nailimbag sa Journal of the International Society for Southeast Asian Agricultural Sciences (J. ISAASS) noong 2018 na inalam ang impact ng Edible Landscaping (EL) sa mga kalahok sa mga training ng UPLB Edible Landscaping Team, ang nangunguna sa EL program ng unibesidad.
Stranded UPLB student-farmers
Noong 2020 ay may humigit dalawang libong estudyante ang nastranded sa loob at labas ng UPLB campus. Isa ang seguridad sa pagkain sa napakaraming pagsubok na kinaharap ng mga dormers. Kasama na rito ang paghahanap ng mga mapaglilibangan sa loob ng panahong napakaraming limitasyon. Umusbong din sa panahong ito ang mga plantito at plantita — ang bansag sa mga taong nakahiligan ang pagtatanim ng gulay at pag-aalaga ng mga ornamental plants.
Nakikita naman ng mga UP dormers na sina Armand at Ceej ang benepisyo ng EL sa kanila at nagnanais na magpatuloy ito sa pagdating ng inaasaang pagbabalik eskwela sa unibersidad.
Ayon kay Ceej, mag-aaral ng BS Agriculture student at isa sa mga dorm head ng ATI dorm, ay nafeature pa raw ang kanilang garden sa mga publication materials ng UHO dahil sa ganda at sa pagtubo ng kanilang mga itinanim. Aniya ay nakatulong din sa pagkaalis ng pagkabagot at pagkakabahalan sa panahon ng pandemya.
Walang Pilipinong Magugutom
Maliban sa pagiging isang produktibong libangan, ang pagkakaroon ng edible garden sa bawat bakuran ay makakatulong sa pagkamit sa Sustainable Development Goal (SDG) 2 o “Zero Hunger” na naglalayong mawakasan ang lahat ng uri ng kagutuman at malnutrisyon sa taong 2030. Ito rin ang pangunahing layuning ng EL Team sa pangunguna ni Dr. Fernando C. Sanchez, Jr., propesor mula sa UPLB College of Agriculture and Food Science (CAFS).
“The idea (ng EL) was to have food production in a household level. Technically, the basic concept was to replace ornamental plants sa mga bahay to edible plants,” ani Dr. Sanchez.
Binigyang diin din ni Dr. Sanchez na ang edible landscaping ay hindi tungkol sa siyensya, ngunit isa rin itong uri ng sining upang mapaganda ang bakuran.
Aniya, “EL evolve to be a revolutionary crop production technology where you combine the science of crop production and the art of garden design and planning.”
Ang teknolohiyang ito ay maihahalintulad sa tradisyunal na pagtatanim na dinagdagan ng konsepto ng disenyo. Maaari itong gawin kahit sa maliliit na espasyo lamang na kayang makapagbigay ng kagandahan sa mga matang makakakita nito. Bahagi rin ng teknolohiyang ito ang pagpapakilala ng mga halamang may kakahayang mabuhay kahit hindi gaanong inaalagaan at tinututukan.
Noong pagdating ng pandemya, mas naramdaman ang benepisyo at kahalagahan ng EL dahil sa pagkasira ng food supply chain sa loob at labas ng bansa. Isa ang EL sa maaaring solusyon sa problema ng importasyon. Ayon kay Dr. Sanchez, kung ma-adapt man ang pamamaraan na ito sa pagtatanim ng mahigit-kumulang 20% – 35% ng pamilyang Pilipino, ang resiliency, o ang kakayanan ng bawat pamilya na mabuhay nang hindi naghihintay sa tulong ng iba, ng bawat pamilya ay tataas. Dagdag pa niya, “Being resilient is being independent in a sense that you can survive on your own.”
Naalala rin ng ilang UPLB dormers na gumawa sila ng edible garden sa labas ng kanilang mga dormitoryo sa tulong ng ilang dormers na agriculture students noong pandemya.
Patuloy pa rin na ipinapakalat nina Dr. Sanchez at ng EL Team ng UPLB ang edible landscaping sa iba’t ibang komunidad sa bansa. Ilan pa sa kanilang mga proyekto ay ang ang Edible Landscaping Technology Promotion and Information Dissemination Campaign na patuloy na isinasagawa para ipakilala ang EL at matulungan ang mga benepisyaryo na magkaroon ng kanilang sariling edible landscape garden.
Isinulong rin ang programang Edible Landscaping: Magtanim Ng Gulay Para Sa Isang Masagana, Malusog, at Makulay Na Buhay upang mai-adapt ng urban settlers and urban farming sa kanilang mga pamumuhay. Ilan lamang ito sa mga programang patuloy na ginagawa nina Dr. Sanchez at EL team, kasama ang kanilang pakikipagugnayan sa iba pang ahensya para sa pagkamit ng food self-sufficiency ng bawat pamilya at komunidad.
Nananatili rin ang tagline nina Dr. Sanchez at EL team na “No Filipino Should Be Hungry” sa pagpapatuloy ng kanilang alab sa kanilang serbisyo upang magturo para maging resilient ang mga tao. Ipagpapatuloy nila ang paginnovate at mas maintindihan pa ang mindset ng mga tao para sa pagkonsumo ng kanilang teknolohiya.
Ang edible landscaping ay isang innovative plant production technology. Ito ay pinaniniwalaan na kayang makatulong mapunan ang food security concern ng bansa. Hindi man ito ang tanging solusyon, ngunit ito ay isang magiging malaking tulong.
Impact ng Edible Landscaping Training
Ilan sa mga aktibidad at proyekto ng EL Team ay ang Edible Landscaping in Urban Communities towards Self-Sufficiency na naglalayong magkaroon ang mga kabahayan sa urban ng ELmabigyan sila ng kapasidad upang makamit ang food self-sufficiency, at Enhancing Regional Capacities on Urban Agriculture towards Nutrition-sensitive Crop Production through Edible Landscaping na magpapaunlad ng kapasidad ng mga pang-rehiyon na opisina ng Kagawaran ng Agrikultura sa pagharap at metodolohiya sa produksyon ng pananim gamit ang EL. Isa rin dito ay ang pagsasagawa ng mga pagsasanay na nilalahukan ng iba’t ibang komunidad ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Layon ng pag-aaral na alamin ang kahalagahan at epekto ng mga pagsasanay ng halos higit isang daang kalahok sa EL trainings noong taong 2017. Mahalaga rin ito upang makuha ang mga puna ng mga kalahok para sa pagpapabuti ng EL training sa hinaharap.
Ang Kirkpatrick’s model ang ginamit na instrumento upang pag-aralan ang epekto ng training sa mga kalahok. Ito ay may apat na lebel – Reaction, Learning, Behavior, at Result. Ngunit ang pag-aaral ay limitado lamang sa dalawang lebel ng modelo.
Una na ang pag-alam ng reaction ng mga kalahok at ang kanilang opinyon ukol sa sa kanilang naranasan sa pagsasanay, kagaya ng kahalagahan nito para sa kanila. Pangalawang lebel na ginamit ay ang learning o natutuhan kung saan inalam ang mga konsepto na pinakanaalala nila o kung kung may impresyong nadala ang pagsasanay sa kanila.
Ang mga bayan at lungsod na kanilang inaral kung saan isingawa ang mga training ay ang Los Baños at Nagcarlan sa Laguna, Quezon City, Cebu City, at Batangas City.
Matapos ang pagsusuri ay nalaman na naging epektibo ang pagsasanay sa dalawang lebel ng Kirkpatrick’s model ayon sa humigit 80% na mga kalahok. Samantala, 98.3% naman ng mga kalahok ang nagsabing gagamitin ang teknolohiyang natutuhan habang 94.5% naman ang may posibilidad na ibahagi ang natutuhang teknolohiya sa iba. Naging pabor naman ang mga ginawang pagsasanay sa halos karamihan ng mga kalahok sa iba’ibang bayan na sinuri. Ngunit may 14% na nagbigay ng mababang marka sa dahilan na inaasahang mas mabigyang oras ang demonstrasyon ng EL. Sa ibang pagaaral, nalaman rin na epektibo ang demonstrasyon kesa sa mga tradisyunal na pagtuturo.
Upang malaman naman ang epekto nito sa dalawa pang lebel ay kailangang magkaroon ng field evaluation upang malaman kung mayroong nag-iba sa kasanayan ng mga kalahok matapos ang pagsasanay.