Lambat ng Kaalaman, Lambat ng Saganang Huli

Ulat nina Joshua De Vera at Ed Karl Perez

KAAGAPAY SA KINABUKASAN. Pagsasalin ng mga nakolektang ichthyoplankton samples o itlog at semilya ng isda sa silindrong lalagyan ng mga mananaliksik upang masuri sa laboratoryo (Kuha ni: M. Mutia).

Piping saksi marahil ang payapang pagdaplis ng sinag ng araw sa mainit na tubig tabang ng Lawa ng Taal sa suliraning kinakaharap ng mga mangingisdang tulad ni Tatay Obeth, 41, bunga ng patuloy na pag konti ng huling isda. 

“Dati, madami at malalaki ang mga nahuhuli naming isda tulad ng Tawilis. Ngayon kaunti na lang at maliliit pa,” daing ni Tatay Obeth. 

Likas na yaman ang siyang pising nag-uugnay sa tao at kanyang kapaligiran. Subalit, sa paglipas ng panahon, ang bigkis na ito ay unti unting napapatid ng dahil sa lumalang problema sa huli. 

Kaya naman, ito ang pinag-aralan nina Dr. Maria Theresa M. Mutia, Chief Science Research Specialist at kaniyang mga kasamang mananaliksik mula sa National Fisheries Research and Development Institute ng Freshwater Fisheries Research andpamoso Development Center (NFRDI-FFRDC). Ito ay pinamagatang Early Life Stages of Fishes in Lake Taal, Philippines: Assessment and Implications for Biodiversity Management and Conservation.

Naghandog sila dito ng mga rekomendasyon batay sa resulta ng kanilang ginawang pag-aaral upang mapanatili ang biodiversity o sigla ng Lawa ng Taal. Ang kanilang pag-aaral ay nalimbag sa Philippine Journal Science noong 2021. 

PAGALUGAD SA LAWANG NG BUHAY. Ginagalugad ni Dr. Maria Theresa Mutia, Chief Science Research Specialist ng National Fisheries Research and Development Institute ng Freshwater Fisheries Research and Development Center (NFRDI-FFRDC), ang lawa ng Taal gamit ang GPS upang matukoy ang distribusyon at kasaganaan ng mga lugar kung saan nangingitlog ang mga isda (Kuha ni L. Merilles).

Malalaking butas ng Lambat

Ang ikatlong pinakamalaking lawa sa Pilipinas, ang Lawa ng Taal ay matatagpuan sa paligid ng Bulkang Taal. Sagana sa yamang likas ang lawa at nagsisilbing santuwaryo ng iba’t ibang uri ng isda tulad ng tilapia, maliputo, at ang pinakasikat na tawilis. 

Binansagang “icon” ng tubig tabang ang isdang Tawilis (Sardinella tawilis), ang kaisa-isang uri ng sardinas na nabubuhay sa tubig-tabang sa buong mundo. 

Sa kasalukuyan, nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagbaba ng ang produksyon ng isda sa lawa – mula 8,792 metriko tonelada (MT) noong 1992 hanggang 882 MT noong 2000 at 460 MT noong 2011. Inuugnay ni Dr. Mutia ang masalimuot na pangyayaring ito sa samut saring salik gaya ng iligal at labis na pangingisda, polusyon, at mga aktibidad ng aquaculture.

Hindi nalalayo ang karanasan ni Tatay Samuel, 67, patungkol sa kalagayan ng pangingisda sa Lawa ng Laguna. Ibinahagi niya ang gabundok ding problema sa Lawa ng Laguna at tulad ng sa Taal, masasalamin sa repleksyon ng dalisay nitong katubigan ang kanilang problema sa huli. 

“Mabagal ang mga isdang lumaki. Isang taon pa bago ko maharvest…hindi katulad noong mga 1978, 3-6 months, pwede na iharvest ang mga isda”, pahayag niya. 

Magkaibang lawa pero iisang larawan ang pinipinta ng mga mangingisda mula sa lawa ng Taal at Laguna.

Ang kanilang mga tinig at istorya ay lubos na pinatotohanan ni Boy Morales, 72. Si Boy ang tumatayong presidente ng Kilusan ng mga Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal (KMMLT). Sa kaniyang karanasan sa buong kilusan nila, naitahi niya ang patuloy na paglala ng kalagayan ng lawa sa ilegal na gawain ng mga taong gumagamit ng active fishing gears gaya ng Suro at Pukot. 

Pagtatagpi tagpi sa mga butas ng Lambat 

Ang pag-aaral ng NFRDI ay naglalayong tukuying ang distribusyon at kasaganaan ng mga lugar kung saan nangingitlog ang mga isda sa Lawa ng Taal. 

Iba’t ibang paraan ang ginamit ng mga mananaliksik ng NFRDI upang malaman kung saang mga lugar sa Lawa nangingitlog ang mga isda. Ang mga naturang pamamaraan ay may sari-sariling aspetong sinusuri upang mas maintindihan ang pangingitlog at pagpaparami ng mga isda. 

PAGSUSURI SA ITLOG NG KASAGANAAN. Ineeksamen ng isang mananaliksik mula sa National Fisheries Research and Development Institute-Freshwater Fisheries Research and Development Center (NFRDI-FFRDC) ang mga itlog ng isda sa Lawa ng Taal na ginagabayan ng metodo ng Icthyoplankton survey (Kuha ni: M. Mutia ).

Gaya na lamang ng ichthyoplankton survey o ang pagsusuri sa mga itlog at semilya ng isda na nakokolekta mula alas-otso ng gabi hanggang alas-otso ng umaga upang mapagaralan kung saang family level nabibilang ang mga ito at kung gaano karami ang mga tulad nitong uri na nasa buong lawa. 

Ganito rin ang ginagawa sa phytoplankton survey at zooplankton survey kung saan pinag-aralan naman ang distribusyon at dami ng pagkain ng mga semilya ng isda sa Lawa.

Ang mga datos na nakalap sa mga ito, tulad ng komposisyon, distribusyon, at kasaganaan ng isda ay pinaghambing-hambing at pinag habi-habi sa mas importanteng salik: ang kapaligiran ng mga isda.

Bukod sa paggamit ng mga pamamaraang siyentipiko, sina Dr. Mutia rin ay gumamit ng maka-Pilipino at katutubong mga pamamaraan katulad ng pagtatanong tanong at pakikipagkwentuhan sa mga mangingisdang tubong Taal. 

Aniya, napakahalaga ng batis ng kaalaman mula sa mga lokal bilang suporta sa kalidad ng mga numero sa kanilang pag-aaral at makumpirma ang mga kuta kung saan at kailan nangingitlog at nagsisimulang magparami ang mga isda tulad ng Tawilis. Partisipasyon ng  mga mangingisda ay isang naging mabisang susi sa kanilang pagaaral, dagdag niya. 

Isang rekomendasyon ng pag-aaral na naging basehan ng polisiya ang pagpapatupad ng ‘Closed Season’ kung saan ipinagbabawal ang pangingisda ng Tawilis lalo na sa mga buwan ng Marso at Abril dahil ito ang panahon ng pagpaparami at pangingitlog ng mga isda.

MAPA NG PAG-AHON. Isang mapa kung saan ipinapakita ang lugar kung nasaan ang Tawilis Reserved Area (Lawaran muna Sa Ngalan ng Lawa FB Page).

Sa unang sulyap, mistulang perpekto ang rekomendasyon subalit para sa panig ng mga maliliit na mangingisdang tulad nina Tatay Obeth at Samuel ay may pangamba ng kawalan ng kabuhayan ang dala ng polisiya.

Kaugnay nito, nakasaad sa Philippine Fisheries Code of 1998 na sino mang lalabas sa batas ng “Closed Season” ay mapaparusahan ng pagkumpiska ng kanilang mga gamit sa pangingisda at multa na aabot sa tatlong beses na halaga ng kanilang isang huli o tinatayang P20,000.00. 

Upang maibsan ang pagdarahop ng mga mangingisda, nakakatanggap sila ng kaunting kusing kada taon mula sa Protected Area Management Board (PAMB), isang samahan na binubuo ng mga alkalde ng sampung bayan na pumapalibot sa Lawa ng Taal. 

Paghahanda sa lambat para sa pagpalaot

Ang pagpapaigting ng polisiya na nakapaloob sa Taal Volcano Protected Landscape (TPVL) at pagkonsidera sa kapakanan ng mga mangingisda hindi lamang tuwing “Closed Season” ang isa sa mga pangunahing panawagan ng ahensya ng NFRDI upang mapanatili ang sigla ng Lawa. 

Bukod dito, binibigyang linaw rin ni Dr. Mutia ang kahalagahan ng paghahanap ng balanse at pagkakatugma sa pagitan ng dalawang tungkulin ng tao—ang maghangad sa patuloy na pag unlad at ang pangasiwaan nang ayon sa nararapat ang kalikasan para sa mga susunod na henerasyon. 

“Be sustainable sa mga development. Follow the rules and regulations, it [projects and programs] must be science-based,” aniya. 

Kung susuriin sa mas malawak at kritikal na perspektibo, ang pag-aaral ng mga nasa akademiya, maging ang mga maliliit na mangingisda para sa pagpapanatili at pagsisiguro na buhay ang buhay sa ilalim ng katubigan sa lawa ay mababalewala lamang kung walang matibay na balangkas mula sa polisiya at planong galing itaas na ibinababa lamang sa kanila ng lokal na pamahalaan.  

Sa kasalukuyan, ayon kay Dr. Mutia, ang NFRDI ay patuloy na nagsasagawa ng mga pag-aaral para sa pagpapaunlad ng biodiversity ng Lawa ng Taal katulad ng Fish Stock Assessment, Monitoring Implementation of the Closed Fishing Season, Carrying Capacity of Taal Lake Aquaculture, at Risk Assessment ng mga bagong species sa Lawa. 

Magkaibang lawa, pero iisang pangarap: Batid nina Tatay Obet at Tatay Samuel ang mga gampanin ng tao, partikular na nilang mga mangingisda bilang mga tagapangasiwa ng kalikasan at ang likas yamang handog nito. Sa kabila nito, nanawagan sila sa pamahalaan na masama ang kanilang mumunting tinig sa paggawa ng mga polisiyang makakaapekto sa kanilang kabuhayan at sa kinabusakan ng industriyang kanilang kinabibilangan.