Bukas na ang trail patungong Peak 2 ng Mt. Makiling, ayon sa isang anunsyo ng Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME) na ipinaskil sa Facebook page nito noong Enero 31, 2023.
Sinimulang buksan ng MCME ang Mount Makiling Forest Reserve (MMFR) sa publiko noong Abril 2022 sa ilalim ng limitadong kapasidad matapos ang dalawang taong COVID-19 lockdown para sa taunang Make It Makiling! na aktibidad nito tuwing Semana Santa. Ngunit hanggang Aguila Base o Station 11 lang pinapayagan ang mga bisita. Ayon sa mga opisyal ng MCME ay kinakailangan munang linisin ang trail patungong Peak 2 dahil naging masukal na ito.
Binuksan na rin ang iba pang tourist spots sa MMFR, katulad ng Flat Rocks, Mudspring, at mga campsite, pati na rin ang Makiling Botanic Gardens (MBG).
Kinakailangan munang magparehistro online bago bumisita sa MMFR.