Sitio Riverside: Panganib ng pagtira sa tabing-ilog

Ulat nina Jan Paolo Pasco at Aliah Anne Zyrelle Pine

Makikita sa Sitio Riverside ang mga barong-barong na siyang nananatiling tirahan ng mga
residente sa tabing-ilog kaakibat ang panganib na nagbabadya dulot ng delikadong lagay ng
lugar.

Tagpi-tagping kahoy. Pinagpatong-patong na semento, yero, at mga tarpaulin. Iyan ang kalimitang uri ng kabahayan na makikita sa may tabing-ilog. Kasama na rito ang gawa-gawang tulay na siyang nagsisilbing tawiran ng mga residente kahit pa man madalas itong mabuwag dahil sa pagragasa ng tubig sa ilog.

Sa kabila ng kawalan ng kasiguraduhan at kaligtasan sa kinalalagyan ng kanilang tahanan ay hindi maalis sa mga residente ng Sitio Riverside sa Barangay Batong Malake ang desisyong manatili na lamang sa tabing-ilog.

“Tahimik kasi dito noon. Pang-apat kami sa pinakamatagal na rito at pinakamatanda na naninirahan sa lugar. Maganda kasi dito noon, katabi ng ilog at may mapagkukuhanan pa ng pagkain,” pahayag ni Antonette Macam, 38, isang residente dito.

Agos ng buhay ng mga taga-Riverside

Ilang metrong lubak-lubak na daan muna ang dapat lakarin bago makarating sa mismong komunidad ng Sitio Riverside.

Bago pa man marating ang mismong komunidad ng Sitio Riverside ay ilang metrong lubak-lubak na daan muna  ang dapat lakarin papasok sa mismong mga bahayan at makipot na daan upang marating ang tabing-ilog.

LIBLIB. Masukal ang ilang bahagi ng komunidad sa tabing-ilog ng Brgy. Batong Malake, Los
Banos, Laguna. Liblib kung maituturing kahit pa man paglabas sa patag na kalsada ay
malalaking gusali at mga taong hindi magkanda-ugaga sa paglakad ang makikita.

Ayon kay Barangay Chairman Ian Kalaw, nagsimula ang pag-usbong ng komunidad ng Sitio Riverside noon pang 1980s. Mula rito ay dumami na nang dumami ang mga residente at sa ngayon ay may 150 na pamilya na ang nagsisiksikan sa lupang hindi tiyak ang kaligtasan at seguridad lalo na sa paiba-ibang kalagayan ng panahon ngayon.

“Pero ang akin lang naaalala d’yan ay ‘wag paramihin ang mga residente doon kasi Sitio Riverside ay ilog nga. Dinadaanan ito [ng tubig] mula Dampalit dire-diretso papunta dito sa lawa. Kaya naman ang sinasabi natin ay danger prone area talaga ‘yan for the residents. Kaya lang, for so many years o decades na nga, hanggang ngayon naroon pa rin [ang mga residente],” saad ni Kapitan Kalaw.

Dagdag pa niya, iilan lamang noon ang mga residente rito ngunit tila nagsi-sunuran din ang mga kamag-anak ng ilan na nagmula pa sa iba’t ibang mga probinsya, maging sa Visayas at Mindanao. Bagaman ito ay isang ganap na problema na mula pa man noon, hindi naman magawang paalisin ng barangay ang mga residente dahil lang sa sinasabing ang lugar ay delikado tirahan dahil ayon sa kapitan ito raw ay “hindi makatao”.

“Hanggang dumating sa point na dumami na nga ‘yung mga naninirahan d’yan, kumbaga iyong mga anak-anak na nila, d’yan na rin nag-asawa at nagbuo ng pamilya kaya dumami ‘yung mga tao doon. Wala naman talagang documented kung paano sila nagsimula [manirahan],” dagdag pa ni Konsehal Christina Sumiran, mahigit 20 taon nang konsehal ng barangay.

Ngayong nagbabalik na ang face-to-face na mga klase sa Batong Malake, delikado para sa mga estudyante ang matirik, madulas, at maputik na mga daanan patungo sa kani-kanilang mga bahay. Ang munting sementong ginawa bilang tulay lamang ang nagsisilbing tawiran patungo sa kabilang bahagi ng lugar ang siyang madadaanan ng mga bata at estudyanteng kinakailangan pang tumawid sa kabila.

Kung kaya sa tuwing tumataas ang tubig, nananatili na lamang ang mga bata sa kanilang mga tahanan upang masigurado kahit papaano ang kanilang kaligtasan. Subalit kung talagang kailangan ay mahabang ikutin pa ang kailangang daanan ng mga residente sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).

Nakadepende sa tuwirang pagtaas at pagragasa ng tubig ng ilog ang agos ng buhay ng mga taga Sitio Riverside. Ayon kay Mang Louie Cabab na 26 taon nang naninirahan sa lugar ay kahit pa man walang ulan ay kusa nang tumataas ang tubig sa ilog dahil catch basin din ito ng tubig mula sa Bundok ng Makiling. Kalapit din ito ng creek.

“Gusto sana namin ng hanging bridge na kahit pang-tao lang sana para lang maging maalwan sa mga bata kung tatawid. Kahit walang ulan kasi dito at mainit, biglang bababa ang tubig mula Makiling papunta rito kaya bigla ring tataas ang tubig sa ilog,” saad ni Mang Louie.

Usaping Relokasyon

Ayon kay Kapitan Kalaw, kahit pa man gustuhin ng barangay na magpalagay ng tulay o mismong hanging bridge sa Sitio Riverside ay hindi ito puwede dahil ang sitwasyon ng mga residente rito ay ilegal na paninirahan sa tabing-ilog na dapat ay napapanatiling malinis at maayos ang daloy ng tubig.

“Galing na nga rin sa kanilang mga isipan at mga salita na delikado nga ‘yung area na ‘yon kasi syempre nasa may ilog sila pero ginusto nila kasi doon. Ginagawan natin ng paraan na ma-relocate, inuunti-unti lang talaga. Hindi naman kaya na basta-basta na lamang mailipat. Kailangan talaga ng lupa na may kuryente at tubig bago pa man magpatigil doon. Hindi naman basta lupa lang na ‘d’yan na kayo, okay na’ hindi pupwedeng ganoon,” pahayag ni Kapitan Kalaw.

Dagdag pa niya ay hinihikayat at ginagawan na ng paraan ng pamahalaang barangay at pamahalaang bayan ng Los Baños ang isyu ng relokasyon ng mga lokal na residente nito na naninirahan sa mga danger prone areas kagaya ng komunidad sa Sitio Riverside, sa bundok na malimit ang mga landslide at soil erosion, at komunidad na katabi ng riles.

“Mayroon na ring napag-uusapan sa ating butihin mayor na mayroon siyang nakitang relocation site dito rin sa barangay Anos. May nakita siyang loteng malaki, inaayos pa naman. Hindi naman pupwedeng ilipat agad sila kasi inaayos pa ‘yung kuryente at tubig tsaka ‘yung right of way ng mga tao. ‘Yun ang status natin ngayon d’yan,” saad ni Kapitan Kalaw.

Kinasanayang agos at kanilang mga panawagan

Kung ang mga residente ng Sitio Riverside ang siyang tatanungin, gugustuhin nilang makalipat na sa isang tirahang mapakikinabangan ng buong pamilya at hindi lamang basta maging ligtas ang kanilang mga buhay. Isang tirahang may sapat na mapagkukuhanan ng pagkain, trabahong maaaring pasukan at hindi malayo sa bayan, at may malinis na tubig na naghihintay.

“Mananawagan na mabigyan kami ng sariling tahanan na hindi kami nakititira. Na kahit papaano ay mapakikinabangan din ng pamilya dahil gusto rin naming maging maayos ang buhay namin na malayo sa sakuna at mga bagyo,” ani Antonette Macam 38 taon nang residente ng Sitio Riverside.

Ayon kay Antonette, hindi maikakailang noon ay tahimik at magandang manirahan sa lugar kung kaya dito rin sumunod ang kaniyang mga magulang bunsod upang dito rin siya ipanganak. Pahayag pa niya na talagang kinasanayan na lamang ng mga residente lalo higit ang kaniyang pamilya ang buhay sa tabing-ilog bagamat delikado dahil na rin sa kakulangan ng perang pantustos upang makalipat sa ibang ligtas na lugar.

PANANDALIANG GINHAWA. Sa madalas na biglaang pagtaas ng tubig, ginagamit ito ng mga
ina sa Sitio Riverside upang maglaba ng maruruming damit ng kani-kanilang pamilya. Ngunit sa
likod nito ay ang pangamba sa panandaliang ginhawang dulot ng rumaragasang agos.

Pahayag naman ni Severo Gamayon, 61, at 28 taon nang naninirahan sa lugar, alam nila kung gaano kadelikado ang lugar dahil ang mga bahayan ay nasa tabing-ilog na sa tuwing lumalakas ang agos ng tubig ay maaari ring maanod ang kanilang mga barong-barong. Kung kaya saad niya, kung may relokasyong ibibigay ang gobyerno ay agaran silang lillipat.

“Ang nais lang naman dito ay mabigyan talaga ng pagkalalagyan nang maayos ang tao dahil kawawa naman sila. Kaya kailangan na mailagay sila sa isang lugar na safe para maging maayos na ang buhay ng mga tao rito,” pahayag naman ni Delilah Eduarte, dating presidente ng samahan ng mga residente ng Sitio Riverside.

Kagaya na lamang ng mga residente ng Sitio Riverside na hangad lamang ay kaligtasan para sa kanilang mga pamilya, hangga’t walang pera upang makalipat sa ibang lugar, lulunuking muli ng ordinaryong Pilipino ang tinik na nagpapahirap sa kanila. Dahil kaakibat ng desisyong manatili sa delikadong lugar na ito ay ang panganib na naghihintay sa mga residente ng tabing-ilog.