Ulat nina John Michael S. Monteron at Aira Angela J. Domingo
Unti-unti nang nakababawi ang mga jeepney driver na bumabyahe sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) matapos ang mahigit dalawang taong iregular na pasada dahil sa pandemya. Sa kabila nito, pangamba naman nila ngayon ang paglitaw ng jeepney modernization na maaaring lumikha ng kompetisyon sa kanilang hanapbuhay at magdulot ng phaseout sa tradisyunal na jeepney na gamit nila sa pamamasada.
Ayon sa pangulo ng El Danda – Forestry Jeepney Operator Drivers Association Inc. (ELF JODAI) na si Ronilo Perez, pinakamahigpit nilang kalaban sa pamamasada ang jeepney phaseout. Kapag naipatupad at nagsimula nang bumiyahe ang mga yunit ng modern electric jeepneys (e-jeeps) sa loob ng campus, magiging malaki ang epekto nito sa kita ng mga kagaya niyang tsuper ng tradisyunal na jeep.
Pag-arangkada ng bagong hari: Biyahe ng e-jeeps
Inilunsad noong Enero ngayong taon ang modern e-jeeps sa loob ng UPLB. Katuwang ng unibersidad sa paglulunsad ng e-jeeps ang lokal na pamahalaan ng Los Baños at ang Samahan ng Nagkakaisang Drivers at Operators ng Los Baños (SNODLOB). Ayon kay Mark Dondi Arboleda, Director of Safety and Security Office of UPLB, nais palitan ng pamahalaan at ng pamantasan ang mga tradisyunal na jeep para sa cleaner energies at renewable energy upang isulong ang “green mobility” sa campus.
“Hindi kami ‘yon [nag-prefer sa e-jeeps] pero the administration prefers it kasi nga, wala kaming data noon, pero I’m from environmental science as well, [‘yung] ibang thesis students natin napapansin na mataas ‘yung ating air pollutants”, ani ni Arboleda.
Isa ring pangunahing dahilan kung bakit itunutulak ng pamantasan ang naturang bagong teknolohiya ay dahil mas makatutulong ito sa paghahatid ng mas magandang serbisyo para sa mga pasahero. Ayon pa rin kay Arboleda, ilan sa kanilang preferences para maging mas convenient sa mga pasahero ang pagsakay sa jeep ay ang paggamit ng mga beep card, pagkakaroon ng ng CCTVs at iba pang uri ng teknolohiya.
Taong 2021, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTR) ang akreditasyon ng mga e-jeepneys sa loob ng UPLB. Sa oras na magkaroon na ng sapat na e-jeeps sa campus ay tuluyan nang maipapatupad ang bagong jeep sa campus. Sa ilalim ng bagong sistema, sa parehas na ruta ng mga tradisyunal na jeep bibiyahe ang mga e-jeeps.
Sa kabila ng halos pulidong plano para sa modernisasyon ng mga jeep, hindi pa rin ito tuluyang maipatupad dahil walang kakayahan ang mga tsuper na bumili ng mga yunit ng e-jeep na nagkakahalagang higit dalawang milyong piso.
Ayon kay Chief of Operations of Safety and Security Office of UPLB Rizal Huelgas, sa laki ng magagastos para sa transisyon mula sa tradisyunal papuntang modernisadong jeep, mahihirapan ang mga tsuper.
“Kapag phinaseout mo ‘yan [tradisyunal na jeepney], talagang phaseout, ‘di mo na bibigyan ng prangkisa. Eh kawawa rin naman ‘yung mga drivers na di maka-afford. Paano ka mag-aano ng e-jeep eh mahal nga,” dagdag ni Huelgas.
Sa kasalukuyan, hindi huhulihin ang mga tradisyunal na jeepney na pumapasada sa campus dahil marami pa ring problema sa pagrerehistro at pagpopondo para sa kapalit nitong e-jeeps. Ayon kay Arboleda, wala pang malinaw na plano kung ano ang mangyayari sa mga tradisyunal na jeepney sa oras na ito ay tuluyang i-phaseout.
“I don’t know what they [admin] would do with that [tradisyunal na jeepney], kung gusto nila i-ano [ilagay] sa mga provinces. Otherwise within the campus we would prefer, we’re not ordering them, but we prefer also [because] by national law. Kasi by next year, if I’m not mistaken, aanuhin [ipapatupad] ng LTO ‘yung mga PUVs na electric”, dagdag ni Arboleda.
Nagsimula ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) taong 2017 sa administrasyon ng noo’y pangulong Rodrigo Duterte. Sa ilalim ng programang ito, layon na gawing modernisado ang sistema ng pampublikong transportasyon. Naantala ang pagpapatupad ng nasabing programa dahil sa dalawang taong pandemya sa bansa na nagpahinto rin sa pamamasada ng mga jeepney.
Pangamba sa Pasada
Maraming mga tsuper ang nawalan ng trabaho nang magkaroon ng pandemya. Ang ilan sa mga miyembro ng ELF JODAI ay naghanap ng ibang pagkakakitaan kagaya ng pagtitinda ng gulay sa palengke, pagpasok sa construction, pagiging pahinante ng truck at marami pang iba.
Ayon sa pangulo ng ELF JODAI, maraming hindi nakapag-parehistro ng kanilang jeepney dahil sa kakulangan ng pambayad dulot ng pandemya, kaya mula sa 155 na miyembro ay naging 85-87 na lamang ang kasalukuyang pumapasada sa kanilang asosasyon.
Tulad ni Perez, nagpahayag din ng kaniyang pag-aalala ang jeepney driver na si Ariel Vega ukol naman sa napipintong modernisasyon ng jeepney sa loob ng campus.
“Ang masasabi ko lang ay sana ‘wag na [ipatupad] ‘yung modernization kasi marami pa naman kaming jeep na nabyahe dito. Kasi ‘pag pinasok yun, wala na kaming hanapbuhay, maraming mawawalan”, wika ni Vega.
Sinegundahan naman ito ni Perez, pangulo ng ELF JODAI, at ipinaliwanag na mahihirapan nang humanap ng ibang pagkakakitaan ang mga tsuper dahil sa kanilang edad at sitwasyon sa buhay.
“Libo sa Los Baños ang matatanggalan ng trabaho. May mga miyembro ako na matatanda na, talagang ‘di na kaya tanggapin sa construction eh. Katulad ako, ‘pag ba nag-apply ako sa isang kompanya matatanggap pa ako? Hindi na ”, paliwanag ni Perez.
Sa kabila ng katandaan ay kinakailangan pa ring magtrabaho ng maraming tsuper para suportahan ang kanilang mga pamilya subalit gustuhin man nilang magkaroon ng bagong pagkakakitaan ay magiging malabo na dahil sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho sa bansa.
Busina para sa panawagan ng mga tsuper
Sa kabila ng pagtutulak ng modernong mga jeepney ng mga ahensya ng gobyerno kagaya ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at ng Land Transportation Office (LTO), ay patuloy ang pagtutol ng iba’t ibang mga grupo dahil maraming pamilya at mga tsuper ang maapektuhan nito.
Ayon sa praymer ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper and Opereytor Nationwide (PISTON) at No to Jeepney Phaseout Coalition, 2 milyong pamilya ang apektado ng bagong sistema ng jeepney dahil sa ganitong uri ng kabuhayan umaasa ang mga ito. Dagdag pa rito, milyon-milyong mamamayan ang magdurusa dahil sa dagdag na pamasaheng babayaran sa modernisadong jeepney.
Ayon kay Perez, nais nilang magkaroon ng pag-uusap sa bagong sistemang balak ipatupad ng administrasyon ng UPLB. Kaya panawagan ng ELF JODAI na magkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang asosasyon ng mga tsuper ng tradisyunal na jeepney upang mapakinggan ang kanilang hinaing.
“So hihilingin ko na upuan muna at pag-usapan. Pakinggan muna nila ‘yung saloobin ng mga jeepney drivers bago sila gumawa ng hakbang. Siguro pag-isipan muna kasama ‘yung mga organisasyon at [mga] asosasyon para makuha rin nila kung paano ang paliwanag. Isama nila ‘yung mga asosasyon sa pag-upo”, paliwanag ni Perez.
Natapos man ang halos dalawang taong pandemya, hindi pa rin tumitigil sa panawagan ang mga tsuper ng tradisyunal na jeepney dahil hindi rin humihinto ang kanilang pangangailangan para sa maayos at regular na hanapbuhay. Kaya patuloy pa rin ang kanilang pagpapaabot ng hinaing para masiguradong walang maiiwan sa biyahe ng kanilang serbisyo para sa pamantasan.