Ulat ni Abby Gayle Repotente
“Of Age and Years” exhibit, pinasinayaan sa UPLB DL Umali Hall Sining Makiling Gallery kahapon, Marso 8.
Ibinida sa opening ang mga manlilikha na sina David Ignacio, Yvette Co, Bal Bibal, Luntian Bibal, Ana Bibal, Mika Bibal, Cayo Mizal, at Liam Padolina, na ipinamalas ang kanilang mga likha na gawa mula sa kahoy at putol na puno.
Layon ng exhibit na bigyang-halaga ang parte at gampanin ng mga puno sa buhay ng mga tao. Isa sa mga inspirasyon sa likod ng exhibit ang pagkaputol ng mga kilalang puno na noon ay matatagpuan sa UPLB.
Ang kahoy mula higit sandaang-taong mga puno ng Acacia na pinutol noong 2020 at puno ng Kapok naman noong 2022 ay ginamit sa ilang likha na matatagpuan sa exhibit. Ang iba ay kumuha naman ng kahoy mula sa puno ng Narra at mga nahulog na sanga mula sa mga nagdaang bagyo.
“I invite everyone and anyone who has time to visit the ‘Of Age and Years’ exhibit at the Sining Makiling Gallery and see the artworks for yourself, have some time to reflect on the quiet trees that surround the campus and see how much they have seen throughout the years, and what we can do to sustain them for future generations,” paanyaya ni Ignacio habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng mga puno kasabay ng pagbabago.
Maaaring bisitahin ang ‘Of Age and Years’ exhibit mula Marso 7 hanggang 25, Lunes hanggang Biyernes, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-sais ng hapon. Sa darating na Marso 8 at 10 ay magdaraos ang exhibit ng ilang mga artist talks para sa publiko. Inaanyayahan din ng mga manlilikha na lumahok ang madla sa libreng carving workshop sa Marso 14, at resin workshop naman sa Marso 16.
Note: Nagdagdag ng detalye sa istoryang ito matapos ang panayam kay Yvette Co – Ian Raphael Lopez, Editor