Ulat nina Seth Gayahan at Taj Lagulao
Tinalakay ang iba’t ibang mga isyu sa Barangay Mayondon sa kanilang Barangay Assembly noong ika-25 ng Marso 2023 sa pamumuno ng DILG at ng Barangay Mayondon.
Sa nagdaang assembly, dumalo ang 178 residente ng Barangay Mayondon. Sa pangunguna ni Punong Barangay Rommel Esbby Eusebio Maningas, ibinahagi niya sa publiko ang iba’t ibang highlights sa ilalim ng kanyang termino sa taong 2022.
Isa sa pangunahing isyu na tinalakay ni Kapitan Esbby ay ang tuluyang pagbaha at hindi madaan-daanang kalsadang papasok sa Dangka, Mahogany Street, ayon sa mga delivery rider.
Ayon sa kapitan, pagkatapos i-donate ang lupa na ito sa barangay ay agad-agad napa-sementuhan ang daan.
Bago pa matapos ang taon, nangako siya na magkakaroon na ng maayos na kalsada roon. Bukod pa rito ang ibang infrastructure projects sa barangay tulad ng rehabilitasyon ng mga roads, barangay pathways, at canals, tulad ng sa Purok 5.
Para raw mapabuti ang seguridad, isa sa mga ginawa ng barangay ang pagbili ng iba’t ibang gamit tulad ng dalawang motorcycle patrol, dalawang fire hydrant motor, solar street lights, public address systems, at CCTVs.
Pagkatapos nito ay ani Kapitan Esbby na nararamdaman na ng mga negosyante madalang pagnanakaw at kaguluhan sa Barangay Mayondon.
“Kaya sa ngayon nakikita niyo naman, kung noon mabagal pa bago dumating ang ating mga responde, ngayon nagagawa nating mabilis ang responde. Hindi natin masisi, noong araw maliit ang sinasahod o tinatanggap ng tanod, kaya ang ginawa natin linakihan ang sweldo ng tanod para sila ay magtrabaho at magmalasakit sa barangay,” sabi ni Kapitan Esbby.
Sa gitna nito, iginiit ni Kapitan Esbby ang usapin ng ambulansya na ngayon ay hindi na libreng gamitin.
“Pag emergency libre po talaga yan, pag check up lang gagamit ng ambulansya kasi syempre may bayad yan para sa gasul. Kasi sa limitadong pondo na meron tayo, pag ginawa nating libre ‘to para sa lahat, baka Mayo palang wala na tayong ambulansya,” sambit ni Kapitan Esbby.