Lupong Tagapamayapa ng Brgy. Batong Malake, nanguna sa LTIA Provincial Assessment

Ulat ni Christian Dave Caraggayan

Nagsagawa ng assessment noong Abril 4 ang ilan sa mga validators mula sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) Provincial Awards Committee (PAC) sa Brgy. Batong Malake. Kuha mula sa Batong Malake Lupong Tagapamayapa Facebook Account.

Kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan ng kanilang pamayanan.

Ilan lamang iyan sa mga naging motibasyon ng mga bumubuo ng Lupong Tagapamayapa ng Brgy. Batong Malake sa Los Baños, Laguna upang makamit nito ang unang pwesto sa Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA) Provincial Assessment sa kategorya ng 1st to 3rd Class Municipality na isinagawa noong ika-3-4, at ika-11-12 ng Abril.

Sa apat na magkakasunod na pagkakataon, ang  Batong Malake ang nangunguna sa LTIA sa bayan ng Los Baños kung kaya naman sila ang naging kinatawan sa LTIA Provincial Assessment na dinaluhan ng mga validators mula sa Department of Interior and Local Government  (DILG), Philippine National Police (PNP), ilang Provincial Board Members, at iba pang bumubuo ng Provincial Awards Committee (PAC).

Ayon sa DILG, layunin ng LTIA na bigyang insentibo at kilalanin ang mga natatanging Lupong Tagapamayapa na nagpakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay.

Nakaangkla ang pagkakatatag ng Katarungang Pambarangay sa Republic Act No.7160 (R.A. 7160) o ang Local Government Code of 1991. Ayon sa batas na ito, mahalaga ang gampanin ng Katarungang Pambarangay na siyang ipinatutupad ng mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa dahil sila ang nagsisilbing “mediator” o tagapamagitan sa mga problema o mga isyung idinudulog sa kanila ng mga residente. Sa ganitong paraan ay nababawasan din ang mga inaakyat na mga kaso sa korte dahil naaayos na ito agad sa kanilang komunidad pa lamang.

“Kaya naman happy ang ating national government, with the help and aide ng barangay, tinitingala naman na ang justice system ng barangay na tumutulong sa kanila. Napapa-ease yung trabaho nila kasi talagang hindi na kailangang pumunta pa sa Municipal Trial Circuit Court or even sa Regional Trial Court. Dito pa lang sa barangay level, nagkakasundo na, nagkakaayos na, nagkakabalikan na ng loob,” pahayag naman ni Kapitan Ian Kalaw na sya ring tumatayong Chairman ng Lupong Tagapamayapa sa Batong Malake.

“Malaki ang ambag namin sa pagpapanatili ng kapayapaan, sa pagkakasundo ng mga magkakamag-anak, magkakapitbahay, [at] magkakalapit.  Hindi lang within the barangay, minsan meron tayong parties na ang inirereklamo ay taga dito pero taga kabilang barangay or kabilang geographic location. Basta kadikit, pwede yan dito,” giit ni Pio Mijares Jr., miyembro ng Lupong Tagapamayapa ng Batong Malake.

Isinilaysay ni Jimmy Villegas ang kanyang karanasan nang minsan nyang inilapit sa Lupong Tagapamayapa ng Brgy. Batong Malake ang reklamo laban sa kanya.

Kwento ni Jimmy Villegas, 47 taong gulang, namamasada ng tricycle, naranasan na niyang dumulog ng kaso sa Lupong Tagapamayapa sa Batong Malake dahil sa alaga nitong aso na naka-kagat ng isang residente mula sa ibang barangay. “Alam nyo sa lupon, meron din naman silang sinusuggest, tip lang sya kumbaga. Okay din naman eh, kasi yung nakikita ko sa lupon, nung ako’y inireklamo, hindi naman ako inagrabyado,” dagdag pa ni Jimmy.

“Masaya sa loob namin, sa pakiramdam namin, na naging bahagi kami para sa kanilang pagkakasundo,” ani Mijares. Ayon pa sa kaniya, dahil sa sistemang nabuo ng kanilang pangkat at pagiging consistent, halos 100% ng idinudulog na mga problema sa kanila ay nabibigyan ng resolusyon o umaabot sa amicable settlement.

Magiging kinatawan ng lalawigan ng Laguna ang Brgy. Batong Malake kasama ang Brgy. San Vicente mula sa lungsod ng Biñan at Brgy. Ibabang Atingay na mula naman sa bayan ng Magdalena para sa LTIA Regional Assessment. 

Wala pa mang pinal na detalye ukol dito, pinaghahandaan na ng pamahalaang pambarangay ng Batong Malake ang anila’y “bagong karanasan” para sa kanila. Paalala rin ng Lupong Tagapamayapa na huwag mahiyang dumulog sa kanila upang ilapit ang kanilang mga problema nang sa gayon ay magkaroon ito ng agarang solusyon.