Kusina ni Chona: Kwento ng Kultura at Migranteng Manggagawa

Ulat nina Jay Justine Panghulan at Jasper Alvarado

KULTURA SA HAPAGKAINAN. Ipinagmalaki ng dating migrant worker na si Chona ang homemade shawarma na natutunang lutuin sa kaniyang pamamalagi sa Saudi Arabia.

Hindi nagmamadali. Determinado at puno ng puso. Tulad ng sa pagluluto. Tulad ng sa buhay.

Sa isang gate sa Banahaw street, Batong Malake, Los Baños, makikita ang trapal laman ang pagkaing hindi natural sa Pilipinas, at kalakip ng pagkaing ito ang kwento ni Chona Jarmin, 42, isang masipag na asawa, mahusay na kusinera, at dating migrant worker. 

Lumaki sa Mindanao, ang asawa ni Chona ang dahilan kung bakit siya napadpad sa Los Baños. Mula sa simbahan kung saan sila nagkakilala, bitbit ang pangakong habambuhay na pag-iibigan, dito na namalagi si Chona; at sa tatlong taong pamamalagi niya rito, minahal na ni Chona ang bayan—dito na bumuo ng pamilya at ng pangarap. 

Ngunit hindi na bago para kay Chona ang pagpapalipat-lipat ng matitirahan. Sa katunayan, ginugol niya ang 15 taon ng kaniyang buhay sa pagtatrabaho sa lugar na higit na mas malayo mula sa Mindanao—sa bansang Saudi Arabia. Ang kanyang karanasan sa ibang bansa ay nilahukan ng mapagsasaluhang kuwento ng pagsubok, pagkatuto, at pangarap. 

Pita Bread Winner

Ayon sa International Labour Organization, mahigit isang milyong Pilipino ang umaalis ng bansa taon-taon upang magtrabaho sa ibang bansa, at ang nangungunang destinasyon ay sa Saudi Arabia. Malaking pagsubok ang pangingibang-bansa lalo na’t ibang-iba ang kanilang gawi, wika, at kultura, ngunit para sa migrant worker na tulad ni Chona, ito ay butas ng karayom na handang pasukin para lamang matugunan ang mas malaking pagsubok na kinakaharap sa Pilipinas: ang paghahanap ng trabahong sasapat upang mabuhay at masustentuhan  ang pamilya.

“Labimpito kaming magkakapatid tapos tinutulungan ko ‘yung parents ko na maipagtapos ‘yung walong kapatid ko…so ako ang bread winner sa amin,” kuwento ni Chona.

Taong 2002 nang lumipad siya papuntang Saudi upang tustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga kapatid. Kasama ang sampu pang kusinera, tagapagluto si Chona sa palasyo ng dating Prime Minister ng Saudi. Ngunit sa katotohanan, hindi niya pakay na maging trabaho ang pagiging cook sa nasabing bansa. “Pagdating doon hindi pala gano’n, kahit saan ka [pala] ilalagay, kung sa’n nagustuhan ng amo mo, pipili kasi sila,” paliwanag niya. 

Sa kabila nito, nagmistulang hulog ng langit ang naging kinahinatnan ng pakikipagsapalaran ni Chona sa Gitnang Silangan—natutuhan niyang magsalita ng Arabic, makisalamuha sa iba pang mga migrant worker, tumikim at mag-aral ng kulturang nakahain, at sa huli ay magpasya namang ibahagi ang mga ito sa sarili niyang bansa. 

Resipe ng Pakikipagkapwa

Bago pa man magking cook sa Saudi, mahilig na si Chona sa pagluluto. “Gano’n kasi kapag may mga kasal, papa ko ang nagluluto kaya parang namana siguro sa akin,” isinalaysay ng kusinera.

Gayumpaman, inamin ni Chona na hindi siya mulat sa mga pagkain ng Gitnang Silangan bago siya maging isang migrant worker. Subalit sa tagal na 15 taong pamamalagi roon, tila naging eksperto na siya sa pagluluto ng chicken biryani, shawarma, at iba pang resipe sa kulturang naging parte na rin ng kaniyang pagkatao.

Pagkauwi sa Pilipinas noong 2017 at nang magsimulang manirahan sa Los Baños matapos ikasal, ninais ni Chona na ipagpatuloy ang pagkagiliw niya sa pagluluto. Kasama ang kaniyang asawa, nagsimula silang magbenta ng mga tusok-tusok gaya ng fish ball, chicken ball, kikiam, lumpia, at iba pa. Hindi kalauna’y naisipan na rin niyang magdagdag ng samu’t saring ulam upang ihain sa harap ng kanilang bahay. 

Sa araw-araw niyang pagbebenta, napansin niyang napakarami palang mga dayuhan sa Los Baños, dagdag pa ang ilang lakad lang na Muslim Center mula sa kanilang bahay. Kaya naman nakita niya itong oportunidad upang ipamalas ang mga natutuhan niyang resipe sa ibang bansa. 

“Nung nag-display na ako diyan ng tarpaulin, yung mga ex-abroad namimiss nila ang food,” masigla niyang sabi. 

Dinig ang ligaya sa kaniyang boses nang ikuwento niya kung paano niya naibabahagi ang ligayang ito sa mga tulad niyang dating migrant worker. Nagmistulang daan ang pagbebenta ni Chona ng biryani at shawarma upang makipagkapwa sa mga taong may parehong danas at istorya. Hiwa-hiwalay man sa ibang bansa, nagkaroon naman ng pagkakataong magkasama-sama sa sarili nilang bayan.

Pampalasa Bilang Pagkakakilanlan

Bagama’t hindi talaga pormal na layunin ni Chona na ibahagi ang kultura ng Gitnang Silangan sa pagbubukas niya ng kaniyang negosyo, nasasalamin pa rin sa bawat piraso ng biryani at shawarma na ibinebenta niya ang hitik na kultura ng naturang rehiyon sa Asya. Kaya marami ang natuwang mga ex-abroad workers noong maisipan niyang magbukas ng ganitong negosyo dahil nais pa rin nilang makatikim ng awtentik na biryani at shawarma kahit na sila ay nasa Pilipinas na. 

Sa pag-usbong ng samu’t saring shawarma shops at iba pang mga negosyong nag-aalok ng mga pagkaing tubong Gitnang Silangan, naniniwala si Chona na ang kaniyang resipe ay nananatili bilang pinakatotoong bersyon mula sa kung saan ito hinango. 

“Middle East talaga ‘yung timpla na ‘yan. Hindi ko talaga ginagawan ng version ko. ‘Yung anong niluto ko doon, gano’n din dito.”

Ipinaliwanag din niya ang malinaw na pagkakaiba ng kulturang pagkain ng Gitnang Silangan at Los Baños. Ipinunto niyang mas marami ang pampalasa ng rehiyon kumpara sa mga simpleng rekado na inilalagay natin sa ating mga lokal na pagkain. Hindi lamang sila limitado sa bawang at sibuyas dahil marami pa silang mga eksotik na pampalasang mahalaga sa niluluto nila tulad ng masala. 

Samakatuwid, pampalasa ang pangunahing nagbibigay ng pagkakakilanlan sa bawat pagkaing mula sa Gitnang Silangan. Sentro sa mga luto nila ang kakaibang kiliti na naidadagdag ng mga pampalasang sangkap sa mga inihahain sa kanilang hapagkainan. 

Pagtigil at Pagpapatuloy

Pursigido si Chona na ipagpatuloy ang kaniyang negosyo, ngunit tulad ng karamihan sa micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs), isang malaking hamon sa kaniya ang kapital upang makapagsimula ulit. Noong Disyembre, napagpasyahan niyang iligpit muna ang pisikal nilang food stall dahil wala masyadong kustomer. Dagdag pa rito, nagkasakit din ang kaniyang asawa kaya’t napilitan siyang huminto muna sa paggawa ng biryani at shawarma.

Sa ngayon ay pinaplano pa lamang ni Chona ang pagbabalik ng kaniyang negosyo sa Los Baños lalo na’t hindi pa sapat ang kaniyang puhunan para rito. Subalit idinagdag niya na pupunan pa rin niya ang kagustuhan ng mga tumatangkilik sa kaniyang mga luto. Sa kasalukuyan, tumatanggap siya ng mga online order mula sa mga gustong matikman ang lutong Middle East na kaniyang ipinagmamalaki.

Parehong lasap sa mga inihahain niyang pagkain ang kulturang kinilala niya nang lubos sa loob ng 15 taon at ang kaniyang pagmamahal sa mga kapwa niya Pilipinong kinailangan ding makipagsapalaran sa ibang bansa. 

Bukod dito, marami pang nakahaing plano sa hapagkainan ni Chona, ngunit ngayon ay sinisiguro niyang ang luto niyang biryani at shawarma ay nakapaghahatid ng awtentisidad at ligaya. Hindi nagmamadali. Determinado at puno ng puso. Tulad ng sa pagluluto. Tulad ng sa buhay.