Ulat ni Emerey Ralph P. Racoma
Mga kwento ng pagsubok at pagpupunyagi ng ilang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) sa Los Baños, Laguna ang ibinida sa isang podcast series noong nakaraang Abril.
Ang Kwento Kwenta Podcast ay may apat na episodes na naglalayong talakayin ang mga nasabing maliliit na negosyo at ang kanilang mga adbokasiya para sa komunidad ng Los Baños.
Sa unang episode, ibinahagi nina Sis. Laura “Lau” Chavez at Ms. Shirley Jolejole ang mga women-empowered livelihood programs ng Sisters Club of St. Therese sa Brgy. Tuntungin-Putho. Bilang founder ng nasabing grupo, ikinuwento ni Sis. Lau kung paano nagsimula ang Tahian ng Tahanan, isa sa kanilang livelihood programs, na nakatulong upang mapalawig ang kanilang adbokasiya.
“Ang kahalagahan kasi dito no’ng advocacy ng empowerment sa mga kababaihan ay nabigyan nila ng kahalagahan ang sarili nila bilang babae, bilang nanay…”, ani Sis. Lau.
Tampok naman sa ikalawang episode ang kwento ng Likhaya Community Store & Cafe sa ES Plaza, Brgy. Batong Malake na pagmamay-ari ni Mr. Rommel “Ome” Bailey. Ilan sa kanilang mga adbokasiya ay ang pagpapahalaga sa kalusugan sa tulong ng organic soy-based products mula mismo sa mga tinanim at inani ng mga lokal na magsasaka. Gayundin, pinagtutuunan nila ng pansin ang pagtuturo ng mga kasanayan sa paggawa ng mga produktong ito sa mga agricultural-based communities gamit ang mga iniaangkop na teknolohiya.
Ayon kay Bailey, mahalaga ang mga nasabing teknolohiya para sa sustainability ng ating lokal na mga mekanismong pang-agrikultura para sa ating mga magsasaka.
“So ang isang adbokasiya ng Likhaya ay magbigay-suporta rin para maging sustainable ‘yung agrikultura natin, ‘yung pagsasaka ng ating mga [local] farmers… at bukod d’on, ‘yung pagiging local kasi gusto nga natin kunin dito sa lokal, hindi kailangan imported.” dagdag ni Bailey.
Ibinida naman sa ikatlong episode ang isa sa mga patok na patok at budget-friendly na kainan sa UPLB, ang We Deliver. Ikinuwento ni Mr. Cyril Mabesa, may-ari ng nasabing kainan, ang muling pagbabalik nito matapos matigil ang kanilang negosyo nang pitong taon. Ayon kay Mabesa, malaking tulong ang mga dating mag-aaral na tumangkilik sa kanila upang muling maipakilala ang We Deliver.
Ayon kay Mabesa, sinisigurado nilang abot-kaya ang pagkain at maayos ang kanilang serbisyo. Sinang-ayunan naman ito ni Martin Tungol, isang mag-aaral mula sa UPLB at masugid na customer ng We Deliver.
“…kada punta ko ng We Deliver, parang wala pang dalawang minuto, nakaserve na ‘yung pagkain. Gagawin mo, kakain ka na lang… isa ‘yon sa mga points na kailangan bigyang pansin ng mga tao, ng mga businesses”, ani Tungol.
At sa ikaapat at panghuling episode, itinampok ang kuwento ng Bags4Life kasama sina Ma’am Ghay Mamiit, kasalukuyang lider ng nasabing negosyo, at ang miyembro nitong si Ma’am Malou Chavez. Layunin ng Bags4Life na mahikayat ang mga kababaihan ng Brgy. Tuntungin-Putho na gumawa ng mga bag gamit ang recycled materials upang magbigay ng karagdagang-kita at kabuhayan para sa kanila.
Kasama sina Kate Pagayon at ER Racoma bilang mga host ng nasabing podcast series, inalam nila ang mga naitulong ng mga adbokasiya hindi lamang sa kanilang negosyo, pati na rin sa kani-kanilang komunidad. Mapakikinggan ang kanilang mga kwento sa Kwento Kwenta Facebook page (https://tinyurl.com/Kwento-Kwenta-FB-Page) at sa Spotify (https://tinyurl.com/Kwento-Kwenta-Spotify).