Ulat ni Jon Richard A. Palupit
Sa dalawang taong implementasyon ng online classes bunsod ng COVID-19 sa ating bansa, naging oportunidad ito para sa mga mag-aaral na isabay ang paghahanap-buhay sa kanilang pag-aaral. Ngunit ngayong nagbabalik na ang face-to-face classes sa mga unibersidad, naging mahirap ito para sa kanila.
Inalam natin ang kwento ng ilang mga working student dito sa Laguna at kung paano sila nakararaos sa kabila ng iba’t ibang suliraning kanilang kinahaharap sa pagbabalik ng klase.
Juvy Sedurante (Sales Associate sa isang kilalang convenience store)
Si Juvy, 21-anyos, ay isang third year BS in Business Administration major in Marketing sa Laguna State Polytechnic University – Los Baños. Bago magtagal sa kasalukuyan niyang trabaho, minsan na rin niyang sinuong ang iba’t ibang trabaho tulad ng pagiging isang fast food crew, production operator at call center agent.
Nauna siyang magtrabaho sa isang fast food chain bilang isang crew. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay umalis siya dito matapos ang walong buwan. Matapos nito ay sinubukan naman niya ang pagiging isang production operator sa isang kumpanya.
Subalit kagaya ng nauna niyang trabaho, umalis siya nang hindi pa nagtatagal ng halos isang taon. “Nag-production operator ako pero ‘yon nga hindi kaya ipagsabay ang pagiging production operator sa school ko kase 12 hours yung trabaho sa production so nagtagal lang ako doon ng three months”, saad ni Juvy.
Matapos ang pagiging operator, nagtrabaho siya bilang call center agent na nakabase sa Makati. Nagbitiw naman siya makalipas ang apat na buwan nang magbalik on-site ang kumpanya.
“During that time and nasa transition na kasi kami na mag back to on-site setup na kami. So nag-struggle din ako kasi nga syempre working student pa ko sa Los Baños and then ‘yung work na napagtrabahuhan ko is sa Makati pa, sa Glorietta, so struggle kaya nag-resign ako do’n”, ani Juvy.
Nagtagal naman siya sa pagiging sales associate sa isang kilalang convenience store makaraan ang halos isang taong pagpapalit-palit ng trabaho.
Sa kasalukuyan, isang taon at limang buwan na siyang nagtatrabaho rito.
Tunay na isang hamon sa katulad niya ang pagtatrabaho sa kasagsagan ng face-to-face setup.
Labis na mabigat ang kanyang schedule na kailangan niya mapagsabay ang kanyang trabaho at pag-aaral.
“So ang pinaka major talaga na naging struggle ko noong nag-face-to-face [setup] is ‘yong schedule ko. ‘Yon. Schedule talaga. Kasi working student. Lalo ‘yong klase pa namin is tuloy-tuloy sa isang linggo from Monday to Saturday,” ani Juvy.
Ilang beses na ring sumagi sa isip niya ang sumuko dulot ng labis na pagod na kanyang nararanasan sa paghahanap-buhay matapos ang kanyang klase.
“Ang hirap niya [ng pagod] minsan i-handle kasi may mga pagod na hindi talaga nadadaan sa tulog. So darating talaga sa point na feeling mo gusto mo na sumuko,” dagdag pa ni Juvy.
Sa kabilang banda, patuloy pa rin siyang kumakayod upang makamit ang kanyang mga pangarap para sa kanyang namayapang lola na walang sawang sumuporta sa kanyang laban bilang isang working student.
“From the past years kasi, simula noong nagtrabaho ako, siya talaga ‘yong kasama ko sa bahay at kasama ko sa [mga] journey ko and siya yung nag-boost sa akin na hindi ako pwede sumuko sa trabaho ko at sa pag aaral ko”.
Justine Olaes (Licensed Financial Advisor, Events Coordinator at Party Host)
Si Justine naman, 22-anyos, ay isang fourth year BS Development Communication student sa University of the Philippines Los Banos. Bago magkaroon ng part-time na trabaho bilang events coordinator, party host, at financial advisor, ay dati na siyang isang full-time service coordinator sa isang opisina sa Bay, Laguna.
Bunsod ng pagbabalik ng face-to-face classes, nagbitiw siya sa kanyang full-time na trabaho upang paglaanan nang mas maraming oras ang kanyang pag-aaral.
“Huge step na ‘yon for a working student kasi ano eh, parang iyon na ‘yong biggest source of income tapos kailangan mo pa siyang ma-sacrifice”, ani Justine.
Dagdag pa niya, isa sa mga dahilan ng pagbibitiw niya sa kanyang full-time na trabaho ay ang pagiging “demanding” ng pagbabalik ng face to-face classes higit lalo ng kanyang mga laboratory classes
Bilang isang mag-aaral na nagnanais makaraos sa isang araw, palaisipan pa rin sa kanya kung saan kukuha ng pantustos sa kanyang pang-araw-araw na gastusin.
Bilang tugon dito, pinasok niya na ang larangan ng insurance bilang isang part-time licensed financial advisor. Kapag madalang ang natatanggap niyang kliyente rito, nagpa-part-time naman siya bilang isang events coordinator at party host.
Ayon sa kanya, umaabot pa minsan ng madaling araw bago matapos ang kanyang trabaho. Kaya papasok siya nang kulang sa tulog at hirap umunawa ng aralin sa klase.
Bagamat nahihirapan siya sa mga pagsubok na kanyang kinahaharap sa pagbabalik ng klase, hindi pa rin siya natinag sa pagsusumikap na maabot ang kanyang mga pangarap.
Mga payo sa kapwa working student
Hinimok ni Juvy ang mga kapwa niya working students na huwag sumuko at magpatuloy lang sa paglaban upang hindi masayang ang kanilang mga pinaghirapan.
“Una sa lahat, proud ako sa inyo kasi hindi naman lahat ng tao is napagsasabay ‘yong mga ganoong bagay. Kase pag naging working student ka mahirap talaga ‘yan.Gaya ng sabi ko kanina, ‘yong pagod, ‘yong stress, hindi lang sa school. Pangalawa ay wag sana kayo sumuko at panghinaan ng loob kase walang mangyayari at masasayang lang ang effort niyo kapag sumuko kayo,” ani Juvy.
Sa kabilang banda, binigyan diin naman ni Justine ang kahalagahan ng bawat oportunidad at hinikayat niya ang kapwa working students na huwag itong sayangin kapag ito ay dumating sa kanila.
“When opportunity knocks, don’t hesitate to open your doors. Kasi ang opportunity, hindi habang buhay nandyan. Lalo na yung mga opportunities for your personal development, kasi sino bang magbe-benefit diyan? Sarili mo rin naman. So, set your priorities, but always leave your door open for the opportunities that will come”. Ani Justine.
Umaasa silang balang araw ay makapagtatapos sila ng pag-aaral sa kabila ng mga hamon na kanilang kinakaharap bilang isang working student. Kahit na mahirap, patuloy silang kakayod para sa mga taong sumusuporta sa kanila na nagsilbing lakas nila sa mga panahong sila’y walang wala at nagdadalawang isip na tumindig sa hamon ng buhay.
Malayo na ang kanilang narating, ngunit malayo pa ang kanyang tatahakin. Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsubok na hinaharap nina Juvy at Justinne bilang mga working student sa pagbabalik ng klase, hindi sila nagpatinag dito, bagkus ay patuloy silang nagsusumikap sa paghagilap ng kani-kanilang mga pangarap sa buhay.