Tahanan ng Karunungan

Nina Alexander P. Delizo and Servillano S. Morales Jr.

Tangan ng bawat libro ang tulay ng mga aral patungo sa pagkatuto. Sa bawat pahinang binubuklat, nakasalalay ang kabanatang tatahakin ng mambabasa nito.

Saksihan ang Book Nook Rizal, bilang aklatan at tahanan ng karunungan.

Sa panayam kay Yuri Vista, guro ng Alternative Learning System (ALS) Manpower Training Center, isa sa kanyang mga pangarap ang magkaroon  ng isang tanyag na manunulat ang kanilang bayan ng Rizal, Laguna. 

Noon pa man nakitaan na ng pagmamahal sa pagbasa si Yuri mula sa kanyang palagiang pagbili ng mga libro, lalo na ang mga kwentong pambata. 

Nang magkaroon siya ng koleksyon ng libro, ibinahagi niya ito sa kanyang pinagtatrabahuhan, ang Rizal Elementary School (RES).  Sa  kasamaang palad ay nabasa ang mga ito dahil sa isang bagyo noong 2014. Malimit rin siyang nagpapahiram ng libro sa kanyang mga kakilala nang magkaroon ng lockdown dulot ng pandemya.  

Dahil labis na naapektuhan ng pandemya ang literacy rate sa bansa, umaasa si Yuri na matugunan ang nasabing suliraning ito kasabay ng mithiing patuloy na pag-usbong ng mga manunulat sa kanilang bayan. Kung kaya’t naghanap siya ng mga proyektong maaaring makatulong sa paglutas nito. 

Kalaunan ay natuklasan niya ang Book Nook, isang inisyatibo ng National Book Development Board o NBDB kung saan nagbibigay ang pamahalaan ng grant sa isang piling komunidad upang magkaroon ng mga librong maaaring mahiram at mabasa  lalo na ng kabataan. 

Ang NBDB ay isa sa mga probisyon ng Republic Act No. 8047 o ang Book Publishing Industry Act. Layunin ng batas na ito na mabigyan ng pamahalaan ng sapat na atensyon ang halaga ng mga libro sa pag-unlad ng bansa. 

Mandato ng NBDB na magbalangkas at magpatupad ng mga proyektong magpapaunlad sa industriya ng paglilimbag ng mga libro sa Pilipinas. Karugtong nito ang pagpapayabong ng kultura ng pagbasa at pagsulat. 

Mula sa kaalamang ito ay nagpursiging mag-apply si Yuri sa grant na ibinibigay ng NBDB. Noong Enero 2022, sa tulong ng principal ng kanilang paaralan,  nagsumite siya ng aplikasyon sa pag-asang makatanggap ng nasabing grant ang kanilang paaralan. 

Tambayan para sa bayan. Umabot na sa mahigit isanlibong libro ang makikita sa Book Nook Rizal. Mula ito sa pinagsamang bigay ng NBDB at mga donasyon. (Kuha ni Yuri Vista)

Nang sumapit ang Hunyo 27, 2022, isang magandang  balita ang kanilang natanggap. Isa ang Rizal, Laguna sa mga natatanging bayang napili at nakatanggap ng grant mula sa NBDB na humigit kumulang isanlibong libro na nagkakahalaga ng 350,000 piso.

Ang silong ng Gabaldon Building ng RES ang napili upang maging Book Nook ng paaralan. Pinasinayaan ito noong Disyembre 19, 2022, kasabay ng paggunita sa araw ng pagkakatatag ng kanilang bayan.

Upang masiguro ang kaangkupan at kakayanan ng paaralan na maipagpatuloy ang layunin ng proyekto, sumailalim ang ilan sa mga guro ng RES sa Tuklas Dunong, isang webinar na hatid ng NBDB para sa nakatanggap ng Book Nook grant.  

Kakikitaan ng iba’t ibang uri ng libro ang Book Nook. Karamihan sa kanilang mga libro ay mga kwentong pambata na kalimitang nasa wikang Filipino. Ilan rin sa mga librong maaaring mabasa dito ay mga komiks, nobela, pocket books, at iba pang mga obra ng literaturang Pilipino.

Bukas para sa lahat ng residente ng Rizal, Laguna ang Book Nook. Dahil nakabase ito sa paaralan, bukas lamang ito mula ika-pito ng umaga hanggang ika-lima ng hapon.

Sa araw naman ng Sabado, maaaring makapunta sa Book Nook sa pamamagitan ng isang request sa paaralan.

Ayon kay Yuri, kadalasang pinupuntahan ang Book Nook bago at matapos mananghalian ang mga mag-aaral. Sa anim na buwan simula nang mailunsad ang proyekto, ay napansin nilang nagkaroon na ng isang kultura ng pagbabasa ang mga mag-aaral ng paaralan.

Saad pa niya na nagsimula lamang ito sa panggagaya ng mga bata sa isa’t isa hanggang sa naging libangan na nila ang manghiram at magbasa ng mga libro. 

Dahil dito ay isinakatuparan nina Yuri ang pagkakroon ng isang sistema ng panghihiram kung saan may sariling borrower’s card ang isang bata na may kaakibat na numero. Binanggit din  ni Yuri na mas nakatulong itong ma-track ang mga librong hinihiram at ibinabalik. .  

Mula sa sistemang ito ay nagkakaroon ng “sense of ownership” ang kabataan kung saan mas nakakahikayat pa ito sa mga batang gamitin ang mga libro sa Book Nook.

Madiing hinihikayat ni Yuri at ng kanyang mga kasamahan ang mga mag-aaral ng ALS at ang mga out-of-school youth na makiisa sa kanilang proyekto bilang isa isa sa mga target na makinabang dito. 

Pag-asa ang pagbasa. Inisyatibo mula sa National Book Development Board ang Book Nook na naglalayong mapayabong ang kultura ng pagbasa at pagsulat sa bansa. Nakabase ang nasabing aklatan sa Rizal Elementary School sa Rizal, Laguna. Bukas ito para sa lahat ng naninirahan sa munisipalidad. (Larawan mula kay Yuri Vista)

Ibinahagi naman ni Flerida Dela Cruz, kaagapay ni Yuri sa pamamahala ng Book Nook, ang kaniyang obserbasyon sa mga librong ginagamit ng mga bata.

Aniya, inklusibo ang mga librong inihahain ng Book Nook dahil bukas ito para sa lahat ng edad at kasarian.

Dagdag pa niya, nagiging oportunidad ang mga libro upang mapag-usapan ang mga paksang hindi i gaanong tinatalakay noon para sa mga bata.

Halimbawa nito ang librong pambatang may pamagat na “Ako ay may Titi”. 

“‘Di ba dati masyadong taboo? Taboo po masyado ang word na ‘yon. Sinasaway ng mga matatanda. Pero maganda po na nagkakaroon ng ganito, mula sa proyekto ng gobyerno. Ine-encourage natin ang mga bata na magkaroon ng awareness sa kanilang parts of the body. Self-care na rin po ‘yon,” ani Flerida. 

Isa ring halimbawa ang kwentong pambata na pinamagatang ”Ang Ikaklit sa Aming Hardin,” na nagpapakita ng isang pamilyang may dalawang ina.

“Minsan ang akala natin is ‘yong tradisyunal na family is nanay at tatay. Pero ngayon, Tinatanggap na rin natin [ang konsepto ng kwento]. Iminumulat natin ang mga bata na sa pamilya, hindi lang basta nanay at tatay. Pwede ang dalawang nanay, at dalawang tatay.”

Bagamat bago pa lang ang Book Nook sa Rizal, hindi maitatangging malaki ang potensyal nitong maka-impluwensiya sa pagkatuto ng mag-aaral. 

Magsisimula ito sa pasimpleng paggaya ng mga bata sa kapwa nila, sa pagbabasa ng mga makabagong librong pambata, hanggang sa tuluyan nang maging parte ng kanilang mga gawain  ang pagbabasa.

Tulad sa lahat ng bida sa kahit anong kwento, madadala nila ang mga aral na hatid ng libro hanggang sa kanilang pagtanda. #