Ulat nina Con Javier and Christelle Sales
Nagkamit ng 200,000 piso ang mga mananayaw na nakilahok at isang milyong piso naman ang premyo na ibinahagi sa lokal na pamahalaan ng nasabing munisipalidad.
Itinampok sa presentasyon ng Cavinti ang kanilang ipinagmamalaking pandan at ang kanilang taunang Sambalilo Festival.
Sinundan naman ito ng bayan ng Los Baños na nagtamo ng 2nd place at nakapag-uwi ng 150,000 piso para sa mga mananayaw at 500,000 piso para sa munisipyo ng Los Baños. Bida naman sa kanilang sayaw si Mariang Makiling at ang mga likas-yaman mula sa Lawa ng Laguna, kagaya ng mga isda.
Nagkamit din ang bayan ng Victoria ng 100,000 piso para sa kalahok na grupo at 300,000 piso para sa munisipalidad bilang pagkakapanalo ng 3rd place sa kompetisyon. Tampok naman sa kanilang presentasyon ang itik, na kung saan nakilala ang kanilang bayan.
Bawat grupo ng mananayaw na nakibahagi sa patimpalak ay nakatanggap naman ng consolation prize na 30,000 piso.
[PANOORIN: Anilag 2024 Streetdance Competition]
“Hindi lang po kami basta sumasayaw, naipapakita po namin sa iba kung gaano katalentado ang Cavintiin, naipapakilala at naikkwento po namin ang Cavinti through street dancing.” ani Apple Villanueva, miyembro ng nanalong grupo mula sa Cavinti, Laguna.
Ngayong taon, nakipagtagisan ng galing sa sayawan ang 11 na kalahok mula sa iba’t ibang lungsod at munisipyo sa Laguna kabilang na ang Lumban, Calauan, Calamba, Mabitac, Siniloan, Sta. Cruz, Cavinti, Pakil, Victoria, Los Baños, at Nagcarlan.
Ang Anilag (Ani ng Laguna) Festival, na may taunang tema: “Tuloy-tuloy ang saya, Tara na sa Laguna!” ay gaganapin sa loob ng isang linggo, mula Marso 10 hanggang Marso 17, kung saan itatampok ang samu’t saring aktibidades na pang-ekonomiya at pangkultura mula sa lalawigan ng Laguna. Tinaguriang mother of festivals sa lalawigan ang Anilag.
Kasama sa mga programa sa unang araw ng Anilag Festival ay ang Heritage Fluvial Parade, Marian Procession, Thanks Giving mass, Opening of Trade Fair Exhibit and Competition, Laguna Events Supplier Wedding Expo, at Land Float Parade and Competition.