Ulat nina: Redjie Myr Florendo & Pia Camarillo
Bilang proteksyon sa mga indibidwal na biktima ng karahasan sa loob ng kanilang tahanan, pormal na inilunsad ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng Calamba ang Katarungan Laban sa Karahasan sa Tahanan Program (KALAKASAN) sa Calamba City Hall, ika-18 ng Marso.
Ang KALAKASAN ay isang inisyatibang binuo ng Calamba City Justice Zone katuwang ang lokal na pamahalaan ng Calamba na naglalayong magbukas ng help hotlines mula sa National Hotline, Calamba Police Station, at Women and Children Protection Unit na siyang sasaklolo sa mga biktima ng karahasan sa kanilang sariling tahanan.
Ayon kay Atty. Angelita Bantatua-Alonzo ng City Legal Service Office, ilan sa mga karaniwang karahasang nararanasan sa loob ng tahanan ay pang-aabuso, pananakit, pangmamaltrato, at hindi pagsustento ng mga magulang sa anak.
“Kung ikaw mismo ay biktima ng ganitong sitwasyon, huwag mong tiisin. Kung may kamag-anak naman na may kaharahasan, huwag mo sana itong baliwalain,” aniya.
Dagdag naman ni Atty. Glenda Mendoza Ramos, Executive Judge ng Regional Trial Court Calamba at Convenor mula Calamba City Justice Zone, ang mga nabanggit na insidente na maipararating sa tanggapan ay ipadadala sa barangay para ipa-blotter. Ihaharap naman ang biktima sa Philippine National Police (PNP) para sa medical assessment, isasangguni sa social workers para sa counseling, at bibigyan ng abiso sa Dulugang Bayan.
Ang Dulugang Bayan ay naglalayong makapagbigay ng libreng konsultasyong legal, payo, at gabay sa mga “kapos-palad” na taga-Calamba. Kasama ang mga awtoridad mula sa siyudad, maari ring itong magbigay ng endorsement patungo sa mga ahensya ng pamahalaang may direktang kakayahan na makapagbigay-solusyon sa kanilang problema.
Pangungunahan ito ni Atty. Alonzo, kasama ang ilang mga miyembro mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), Metro Calamba League of Lawyers, Public Attorneys Office (PAO), at Commission on Human Rights (CHR).
Kasama rin sa naging programa ang ceremonial turnover ng advocacy poster ng Dulugang Bayan at KALAKASAN program, maging ang advocacy video mula sa Sangguniang Kabataan (SK) ng siyudad.
Bukas ang Dulugang Bayan tuwing Biyernes, 9:00 am hanggang 2:00 pm, sa pangalawang palapag ng Calamba City Hall. Maaari namang tumawag o magsumbong sa KALAKASAN hotlines, na makikita sa ibaba, sakaling makasaksi o makaranas ng anumang uri ng karahasan sa tahanan:
National Hotline: 911
Calamba Police Station: SMART: 09183318641 / Globe: 09154067505
Women and Children Protection Unit: SMART: 09621385132 / GLOBE: 09270852950