Pangamba, Pagdiriwang, at Pag-asa: Lagay ng Pag-iitik sa parating na DaLakTik Festival

Ulat nina Regina Angeldawn Sena at Renz Remedios Marie Bautista

Ano ang DaLakTik Festival?

Pangingisda, pagbubulaklak, at pag-iitik – Ito ang tatlong industriyang bumuhay at bumubuhay sa Barangay Mayondon sa Los Baños. Gamit ang huling pantig ng tatlong industriyang nabanggit, nabuo ang pangalan ng pagdiriwang na pinagbubunyi ang kasaysayan at kultura ng mga ito. 

Ayon sa Ordinansang No. 007 series of 2019 ng Los Baños, Laguna, ang DaLakTik Festival ang opisyal na pista ng Barangay Mayondon. Ito ay ginaganap bago ang unang Linggo ng Mayo bawat taon. Layunin nitong magbigay ng mga oportunidad para sa pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng turismo at negosyo, habang itinatampok ang kahalagahan ng tatlong pangunahing industriya sa barangay. Kasalukuyan itong nasa yugto ng pagpaplano. 

Makikita mula sa Facebook page ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Mayondon ang kanilang panghihikayat at pakikilahok sa gaganaping street dance competition. Bagama’t hindi pa nailalathala ang listahan ng kompletong mga aktibidad ng barangay sa gaganaping pista, nagsisimula na silang maglabas ng mga anunsyo tungkol dito. Nauna nang nagkaroon ng pagpupulong sa mga planong gaganapin sa pagdiriwang, Enero pa lamang ng kasalukuyang taon. 

Subalit, sa gitna ng mga plano para sa makulay na pagdiriwang ay ang mapanglaw na kalagayan ng isa sa tatlong mahahalagang industriya na kasalukuyang humaharap sa krisis: Ang industriya ng pag-iitik. 

Pagsubok sa Pag-aalaga ng Itik: Hamon sa Industriya ng Agropoultry

Isinaad ni Oliver mula sa isang pag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños noong 2016, na ang industriya ng itlog ng itik sa Laguna ay nakaranas ng malaking pagbagsak noong 2005 hanggang 2015. Mula sa pangunguna ng Laguna sa produksyon ng itik, ngayon ito ay nasa ika-11 na pwesto na lamang sa buong bansa. Patuloy na ipinaliwanag ng artikulo na ang industriya ay nahaharap sa mga hamon tulad ng hindi epektibong pangangalakal at pagbaba ng bilang ng mga namimili ng itik.

Noong 2022, ang avian influenza o mas kilala sa tawag na bird flu ay nag-iwan ng malubhang epekto sa industriya ng agropoultry. Ito ay humantong sa malawakang pagkamatay ng maraming ibon sa buong mundo, na umabot sa mga rehiyon ng Luzon at Mindanao. 

Kasunod ng pagkalugi na natamo mula sa epekto ng bird flu, at iba pang komplikasyon sa pag-aalaga ng itik, nasaksihan ng Barangay Mayondon ang paghina ng industriya ng agropoultry partikular na sa mga negosyong may kaugnayan dito. Ilan lamang ang mga maliliit na tindahan sa lubhang tinamaan ng mga epekto nito.

Mga ibinibentang balut ni Karen Angeles sa kaniyang negosyong Andy’s Balutan sa Mayondon. Kuha ni Renz Remedios Marie Bautista, 2024.

Isa pa sa nakaranas ng mga dagok na ito ay ang noo’y mangingisda at tagapag-alaga ng itik na si Elbo. “Ang dami ng itik ko noong araw. Ngayon iilan-ilan na lang,paglalarawan niya. Ibinahagi ni Elbo ang kasalukuyang pagbaksak ng bilang ng mga itik sa Barangay Mayondon at ang pagbaba ng pisikal na kalagayan ng mga ito. “Mga payat na ang itik ngayon. Hindi tulad noong araw—matataba,” dagdag pa niya. Sa kasalukuyan, pinasok niya ang pagiging tricycle driver bilang alternatibong pansustento sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya.

Ayon sa artikulo mula sa Journal of Nutrition and Food Sciences, maaaring may kaugnayan ang kalusugan ng mga itik na itinataguyod sa paligid ng lawa ng Laguna sa kondisyon ng kapaligiran nito. Karagdagan pa rito, may kinalaman din ang antas ng polusyon at ang kagamitan ng mga natural na pinagkukunan ng pagkain tulad ng mga kuhol, kaya’t mahalaga ang patuloy na pagmamanman at pagpapatupad ng malinis na kapaligiran, wastong nutrisyon, at ligtas na mga pamamaraan sa pagsasaka para sa kalusugan at paglaki ng mga itik.

Pagbabahagi ni Elbo ng kanyang mga saloobin tungkol sa agropoultry noon at ngayon. Kuha ni Renz Remedios Marie Bautista, 2024.

Halos kaparehas din ang mga naging obserbasyon ni Roland Soriente, isa ring tricycle driver na dumalo sa DaLakTik Festival noong nakaraang taon, sa lagay ng industriya ng agropoultry sa Mayondon. Pagpapaliwanag niya, bagama’t nananatili ang kalidad ng mga itik sa paglipas ng mga taon, napansin niyang mas kaunti ang bilang nito kumpara sa dati. “Yung ibang itikan dito, tinayuan na ng bahay. Kakaunti [na] lang [ang] may itikan dito,” ani niya.

Pagbabahagi ni Ronald na napakahirap na makahanap ng itikan sa kasalukuyan sa Mayondon. Kuha ni Renz Remedios Marie Bautista, 2024.

Inilarawan ng kasalukuyang kapitan ng Mayondon na si Kap. Rommel Maningas ang tila pagguho ng industriya ng pag-iitik sa barangay kumpara sa pangingisda at pagbubulaklak “Noon, talagang malago yan… ngayon kasi, halos nawawala na siya,” pahayag niya.  

Aniya, mas madali ang pag-aalaga ng itik noon dahil mas malawak ang tabing-lawa. Ito ang nagbigay-daan sa kanila upang magkaroon ng sapat na lugar sa pag-aalaga ng mga itik noon. Liban sa kinakailangang espasyo, naibahagi rin sa kanya na ang mga paraan na kailangan sa pagpapalaki ng mga itik ay hindi madali. “Mahirap din mag-alaga ng itik dahil una, pag hindi ka talaga marunong mag-alaga, medyo hassle mag-alaga.”

Tabing-lawa sa Brgy. Mayondon Court. Kuha ni Regina Angeldawn Sena, 2024.

Gayundin ang saloobin ni MC Kycee Perez, may-ari ng JPA Poultry Supply sa barangay. “Noon, maraming space, kasi yung karagatan doon, ‘di pa masyadong tinatayuan ng bahay. Mas malawak yung alagaan ng itik,” paliwanag niya. Napansin din ni Perez kung gaano kumonti ang bumibili ng pellets para sa mga itik mula sa kanyang negosyo dulot ng unti-unting pagkawala ng mga tagapag alaga ng itik sa Barangay Mayondon.

JPA Poultry Supply ni MC Kycee Perez sa Brgy, Mayondon. Kuha ni Renz Remedios Marie Bautista, 2024.

Ang mga Panawagan at Inaasahang Pagbabago

Sa gitna ng mga hinaing at pananaw ng mga residente ng Mayondon hinggil sa industriya ng pag-aalaga ng itik, matibay ang kanilang pag-asa na muling mabuhay ang dating sigla nito.

Umaasa si Roland Soriente na mapalalago ng DaLakTik Festival ang industriya ng pag-iitik sa Barangay Mayondon at mabibigyan ng pagkakataon na muling umunlad upang maibalik ang dati nitong pamumukadkad.

Suporta mula sa pamahalaan para sa industriya ng agropoultry naman ang hiling ni Elbo. Sa kanyang pananaw, ito ay magbubukas ng mga bagong oportunidad sa industriya at magdudulot ng magandang kinabukasan sa mga tagapag-alaga ng itik sa lugar.

Samantala, batay sa mga obserbasyon ni Perez sa mga nakaraang pagpunta niya sa naturang pista, napansin niya ang kakulangan sa pagbibigay-diin sa industriya ng pag-iitik. Ipinahayag niya ang kagustuhang magkaroon ng mas kaugnay at makabuluhang mga programang nakatutok sa pagpapaunlad ng industriyang ito.

Barangay Hall ng Brgy. Mayondon. Kuha ni Renz Remedios Marie Bautista, 2024.

Bilang tugon sa mga ganitong hinaing, nabanggit ni Kapitan Maningas na kanilang tinitingnan ang pamamahagi ng mga itik upang buhayin muli ang industriya. Dagdag pa rito, ilulunsad nila ang mga produktong tulad ng longganisang isda at tapang itik sa nalalapit na pagdiriwang ng fiesta. Ibibida ang mga lokal na produktong ito upang tangkilikin ng mga tao at mabigyan ng bagong sigla ang industriya.

Ang DaLakTik Festival bilang Susi sa Pag-angat ng Industriya ng Pag-iitik sa Mayondon

Malinaw ang malaking papel ng industriya ng pag-iitik lalong lalo na sa konteksto ng hanapbuhay ng mga residente ng Mayondon. Sa kadahilanang ito, mahalagang mabigyan sila ng espasyo para rito – higit sa espasyo ng itikan ay espasyo at pagkakataon para mas palawigin pa ang industriyang ito. 

Ang kahalagahan ng DaLakTik festival sa tatlong pangunahing industriya ng Mayondon ay hindi maitatanggi. Ang festival ay hindi lamang nagbibigay-daan sa paggunita ng kanilang mga kabuhayan, kung hindi binubuksan din nito ang kanilang mga pintuan upang ipamahagi ang pagdiriwang ng pangingisda, pagtatanim ng bulaklak, at pag-iitik sa mga residente at bisita.

Kung sumentro sa saya at selebrasyon ang pagdiriwang ng naturang pista noong nakaraang taon, umaasa ang mga residente ng Mayondon na magsisilbi naman itong pagkakataon, ngayong taon, upang makasabay sa pag-angat ang industriya ng pag-iitik. Bukod sa pag-alala sa nakaraan, hiling nila ang pagpapalakas ng mga istratehiya na makakatulong sa muling pagbuhay ng napag-iiwanang industriya. 

Ang DaLakTik Festival ay gaganapin mula Abril 28 hanggang Mayo 5 sa covered court ng Barangay Mayondon. Inaasahan ni Kapitan Maningas ang pagdalo upang mas palakasin ang tatlong pangunahing industriya ng barangay.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring hanapin ng mga interesadong kalahok ang opisyal na Facebook pages ng Barangay Mayondon at Sangguniang Kabataan ng Barangay Mayondon.