Ulat ni Thesa Elaine Mallo at mga kuhang larawan ni John Matthew Asis at PAKISAMA
Sumentro sa agrikultura ang tema ng 18th UP CombroadSoc Gandingan Awards 2024 na ginanap sa UPLB Baker Hall noong ika-4 ng Mayo 2024. Nagsilbing katuwang ng Gandingan Awards ang Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA), isang confederation ng mga pamilyang magsasaka o family farmers sa Pilipinas.
Ang Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) ang nagsilbing partner organization ng 18th UP CombroadSoc Gandingan Awards 2024 na ginanap noong ika-4 ng Mayo 2024 sa Charles Fuller Baker Memorial Hall sa University of the Philippines Los Baños at umere rin sa Facebook. Ngayong taon, ito ay may temang “Agrikultura: Kwento ng Hamon at Pag-asa”
Ang nasabing organisasyon ay isang national confederation ng mga pamilyang magsasaka o family farmers sa Pilipinas na itinatag noong 1986 pagkatapos ng EDSA Revolution. Ang organisasyon ay binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, katutubo at mga kabataan sa agrikultura.
Tampok sa isang bidyo na ipinalabas sa Facebook page ng Gandingan Awards ang pagpapakilala sa partner community nito na PAKISAMA. Tinalakay sa bidyo ang kasaysayan, adbokasiya, at ilang isyu na kinaharap ng kanilang samahan tulad ng kawalan ng suportang serbisyo mula sa gobyerno. At sa huling bahagi nito, isinulong ni Randy Cirio, pangulo ng PAKISAMA, na nawa’y mabigyang-atensyon ang mga family farmers ng bansa.
Samantala, ilang parte ng kita mula sa 18th Gandingan Awards ay mapupunta sa partner community nito na PAKISAMA.
Mga nanalo
Nakamit ng DOSTV: Science for the people ang dalawang major awards ng Gandingan. Ito ay ang UP ComBroadSoc’s Choice Gandingan ng Agrikultura at Gandingan ng Kaunlaran: Most Development-Oriented Radio/ TV station/ Online platform na kanila rin nakamit noong Gandingan 2023.
Habang nagwagi naman ang Radyo Sagada 104.7 FM ng Ka Louie Tabing Memorial Achievement Award bilang pagkilala sa natatangi nitong kontribusyon sa paghahatid ng mga impormasyon at balita para sa komunidad ng mga katutubong Pilipino sa kalakhang Norte.
Samantala, nagwagi rin ng General Awards ang ilang mga istasyon ng telebisyon at radyo, mga personalidad, at mga online platforms maging ng mga Core Awards para sa mga natatanging programa at personalidad.
Pagsulong sa agrikultura
Bilang paunang pagbati, pinangunahan ni Chancellor Jose V. Camacho ang pagkilala sa Gandingan Awards bilang respetadong award body na itinataguyod ng mga estudyante at faculty. Ito ay pinangungunahan ng mga estudyante mula sa UP Community Broadcaster’s Society o UP ComBroadSoc na kumikilala sa mga natatanging personalidad, programa, at istasyon ng telebisyon man o radyo kada taon.
Nagbahagi rin ito ng kanyang mensahe para sa sektor ng agrikultura.“As nations strive for food security amidst anthropogenic climate change, agriculture’s importance on the global stage cannot be understated, yet our farmers and fisherfolks are marginalized and excluded. Their concerns are unheard, and their needs unmet,” pahayag nya mula sa talumpati.
Binigyang-diin din ng Dean ng College of Development Communication (CDC) na si Dr. Ma. Stella C. Tirol ang kahalagahan ng agrikultura sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino, lalong lalo na sa usaping pagkain. “Let us watch and listen to the stakeholders of our agriculture as they share their experience,” sapagkat ang agrikultura aniya para sakaniya ay pundasyon ng buhay.
Samantala, nagbahagi rin ng mensahe ang founder at director ng Gandingan Awards na si Asst. Professor Mark Lester Chico. Dito ay nailahad niya ang ilan sa mga hamon na kinakaharap ng sektor sa kasalukuyan. Kabilang dito ang kalabisan sa produksyon, pakikipagtagisan sa merkado, kakulangan sa suportang pang-imprastaktura at hamon ng nagbabagong panahon.
“Kinikilala nito na sa bansa na umaasa sa agrikultura, may mga kwento ng hamon ito na kailangan suungin at pagtagumpayan,” aniya. Kaya naman, ang temang “Agrikultura: Kwento ng Hamon at Pag-asa” ng Gandingan awards 2024 ay naglayung magsilbing liwanag sa tunay na kalagayan ng mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura at pagkain.
Bukod sa pagbibigay ng karangalan sa mga natatanging alagad ng media, ang Gandingan Awards ay nilayun ding magbukas ng oportunidad upang masaksihan ng publiko ang mga naratibo ng nga ahente sa likod ng sektor ng agrikultura, partikular ang istorya ng PAKISAMA.
Ang tagumpay ng alyansang ito ay nasa kapakinabangan ng mga pamilyang Pilipinong ikinabubuhay ay ang agrikultura. Sapagkat ang isa sa mga pangunahing proyekto ng samahan ay ang pagsulong ng mga reporma sa agrikultura, at pagtataguyod ng mga polisiya na pumoprotekta sa karapatan ng mga maliliit na magsasaka sa usaping reporma sa lupa.
Samantala, kalakip ng temang pang-agrikultura, isa sa mga nagtanghal sa araw ng Gandingan ay ang Talahib People’s Music at UPLB Talent Pool. Pinaghalo ng bandang Talahib People’s Music ang tunog ng mga katutubong instrumentong Pilipino tulad ng gandingan mula sa Mindanao upang umawit ng mga musikang tumatalakay ng mga isyung-panlipunan. Nagtanghal din ang UPLB Sandayaw kung saan kanilang ibinida ang iba’t-ibang katutubong sayaw ng mga Pilipino.
Gandingan Trade Fair
Ngunit bago pa man ganapin ang 18th Gandingan Awards noong Mayo 4, 2024, nagsagawa rin ang UP ComBroadSoc ng Gandingan Trade Fair. Ito ay binuksan mula ika-29 ng Abril hanggang sa ika-4 ng Mayo sa pakikipagtulungan ng concessionaires nito na mula sa sektor ng MSMEs (Micro, Small, and Medium Enterprises).
Ang Trade Fair ngayong taon ay nagsilbing avenue upang matalakay ang mga napapanahong isyung pang-agrikultura at pagbibigay-pugay sa mga natatanging naratibo at istorya ng mga magsasaka. Ito na ang ikalawang taon na nagsagawa ng Trade Fair ang UP ComBroadSoc kasunod ng kanilang tema noong nakaraang taon na “Kabuhayan”. Hindi rin kumpleto ang isang araw sa Trade Fair kung hindi naghahandog ng talento ang ilang mga inimbitahang tagapagtanghal at mga resident member ng nasabing organisasyon.