Ulat nina Jose Mari Endona at Crysandra Cariño
Ang kauna-unahang Seven Lakes Komiks Festival ay dinaluhan ng mga komikero, local artists, at komik lovers kahapon, ika-11 ng Mayo, sa Casa San Pablo, San Pablo City, Laguna.
Ang Komiks Festival ay naglalayong suportahan at pagbuklurin ang mga local at independent artists sa pamamagitan ng pagbibigay ng espasyong matuto kung paano mapahuhusay ng kultura ang kanilang sining. Bilang pakikiisa sa National Heritage Month, layunin din nito na ipagbunyi at kilalanin ang mga Filipino komiks, komikero, at kasaysayan ng lungsod ng San Pablo, pati na rin ang mga tanyag na lugar dito.
Naging sentro ng Komiks Festival ang mga kompetisyon tulad ng On-the-spot Character Design Contest at Seven Page Komiks Making Challenge kung saan ang mga kalahok ay lumikha ng komiks batay sa “historically significant sites” sa San Pablo, gaya ng Fule-Malvar Mansion at ang Minerva Shrine.
Tampok din ang live komiks reading, komiks making workshop, komiks and art market, paglalakbay sa Komikero Komiks Museum, at iba pang live performances sa nasabing okasyon.