MakiSining ibinandera ang mga obra sa South Arts Festival 2024
Ibinandera ng MakiSining: The Makiling Art Group, isang grupo na binubuo ng mga manlilikha ng sining mula sa Laguna, ang kanilang mga natatanging obra sa naganap na South Arts Festival nitong nakaraang Mayo 11 at 12 sa The Filinvest Tent, Alabang, Muntinlupa City.
Ilan sa mga miyembrong nagbahagi ng kanilang mga obra ay sina Paul Hilario, Domiel Mercado, Paul John Galagar, Gerlynnia Galgo, James Arnoza, Nova Lucernas, Peter Bruce, Malachi Lim, Mary Grace Maribojoc, at Bezaleel Banogon.
Tampok dito ang iba’t ibang uri ng kanilang mga sining katulad ng installation arts, figurative arts, mixed media, abstract paintings, assemblage art, terracotta pottery at marami pang iba.
Ibinahagi ni Ritche Yee, kasalukuyang presidente ng MakiSining, na ang pagiging “diverse” ng kanilang mga miyembro na binubuo ng mga propesyonal, estudyante, at mga hobbyist ang isa sa mga dahilan kung bakit sila naiiba sa mga grupong nakilahok at nagtampok din ng kani-kanilang mga piyesa.
Bukod sa hangaring maibahagi at maibenta ang kanilang mga likhang sining, inilahad din ni Yee ang kanilang pangunahing motibasyon sa pagsali sa naturang kaganapan,
“[Ang] pinakamotivation namin ay ma-promote ang art, malaman nila na may nag-e-exist na MakiSining, tapos ma-promote ang mga artist, hindi lang yung art nila, tapos magkaroon [din] ng interaction sa mga kapwa artist na kalahok dito sa event.”
Hindi man ito ang unang beses na nakilahok ang MakiSining sa ganitong uri ng okasyon, inilahad naman ni Nova Lucernas, incorporator at artist ng MakiSining, ang kahalagahan ng pagsali sa mga ito. Aniya, isang malaking bagay na mapalaganap ang art scene na mayroon ang Laguna at maibandera ang talento at galing ng mga Lagunense kasabay ang kanilang mga likha.
Ang South Arts Festival ay nagsimula noong 2017 bilang isang art fair na naglalayong pagbuklurin ang mga artists, art groups, at art galleries sa The Filinvest Tent upang itanghal ang kanilang mga likhang sining. Liban sa mga obra, artists, at mambabatok mula sa Kalinga, itinampok din ngayong taon ang dance performance ng Muntinlupa Yaman ng Kalinangan Dance Company, spoken word poetry, at workshop.
Gampanin ng Sining sa Pagtataguyod ng Kultural na Pamana
Ibinahagi ni Paul Hilario, isang professional artist mula sa MakiSining ang naging gampanin ng sining noong unang panahon.
Ayon sa kanya, “Yung arts kasi, well lalo na nung unang panahon, when there’s no photography ‘di ba, we relied on artists to show what was like before photography was invented. In that sense, nakatulong yun.”
Ibinigay niya ring halimbawa ang Spoliarium na likha ni Juan Luna upang ipakita ang kahalagahan ng sining sa ating kasaysayan at politikal na aspeto.
Dagdag niya, “Yung Spoliarium ‘di ba [ni Juan Luna], that was not a photo taken [tapos] kinopya niya, hindi. Cinonceptualize niya everything from all the elements, movement, galaw, posture, lahat yon, kulay, kanya lahat yun, almost purely from imagination, so I think yung [mga] artist ay very powerful pagdating sa showcasing our cultural heritage, lalo na sa political, napakalakas.”
Buhay ang mga Obrang Salamin ay Kultura
Ilan sa mga obrang itinanghal ng MakiSining ay ang mga paintings ni Paul Hilario. Naging inspirasyon aniya ang rice culture, kalikasan, at mga magsasaka noong panahong nagtatrabaho pa siya sa International Rice Research Institute (IRRI).
Ayon sa kanya, sinasalamin din ng kanyang obra ang cultural heritage ng bansa, “Dahil nga yung mga works ko nga is rice yung theme, sa Asia it’s our staple food ‘di ba, so sa tingin ko in that way naipapakita ko.” Ibinahagi niya rin na sa kabila ng kanyang makukulay na obra, nakatanim din sa kanyang isip ang paghihirap at pagod ng mga magsasaka.
Isinalaysay din ni Hilario ang naging transpormasyon ng kanyang mga obra, mula sa pagiging sentro sa agrikultura tungo sa visual narratives, kung saan ang bawat elemento sa kanyang likhang sining ay maaaring pagdugtung-dugtungin upang makabuo ng isang istorya.
Tampok din ang assemblage art ni Nova Lucernas na may titulong “Reclaiming Babaylan,” na may layong mapalaganap ang kulturang pre-kolonyal sa Pilipinas gamit ang kanyang mga sining.
Pagsasalarawan niya, “kaya napansin niyo may mga ano siya, mga bote, kasi parang it represents yung mga ginagamit ng mga babaylan dati sa panggagamot.”
Kabilang din sa mga obra ng MakiSining ang terracotta pottery ni Bezaleel Josiah M. Banogon. Nabanggit ni Banogon na ito ang unang beses na sumali siya sa isang art gallery. Aniya, ang kanyang pagmamahal sa panonood ng mga primitive technologies sa YouTube at live asian history ukol sa Babylonia at Asya ang naging inspirasyon niya sa paglikha ng mga ito na nagsimula pa noong 2019.
Sa kabilang banda, ayon naman sa dumalo sa South Arts Festival na si Vince, ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng iba’t ibang uri ng obra. Ang kagustuhan niyang makita ang mga ito sa personal at hindi lamang sa midya ang naging dahilan ng kanyang pagpunta sa okasyong ito.
“I want to see what art is like in real life,” saad niya.
Samantala, ipinahayag ng presidente ng MakiSining na sana ay magkaroon pa ng marami pang aktibidad tulad nito na organisado naman ng kanilang kapwa artist.
Ang MakiSining ay itinatag noong 2011 at nanatiling namamayagpag sa kasalukuyan upang patuloy na buhayin ang sining at kultura ng Laguna.