Ulat ni Alexis Juriel L. Santillan
Inihandog ng UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) katuwang ang UPLB Department of Humanities at UPLB Department of Social Sciences ang “The Edifice Complex on Campus,” isang diskusyon para sa pagdiriwang ng National Heritage Month ngayong taon, ika-13 ng Mayo sa DL Umali Hall lobby.
Sumentro ang diskurso sa pagkilala sa paggamit ng arkitektura at paggawa ng mga imprastraktura sa pagbuo ng bansa, pagpapahayag ng presensya, at pagpapakita ng kapangyarihan, partikular na sa naging rehime ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos.
Nagsilbing tagapagsalita sina Dr. Gerard Rey A. Lico mula sa College of Architecture ng University of the Philippines Diliman at Dr. Mary Cita M. Hufana ng College of Arts and Sciences mula sa University of the Philippines Los Baños.
Tampok sa talakayan ang iba’t ibang gusali sa UPLB at sa buong bansa, na disenyo ng mga pambansang alagad ng sining na sina Leandro Locsin, Felipe Mendoza, at Francisco Mañosa.
Kapangyarihan ng Sining at Kultura
Ang diskusyon ni Dr. Lico ay nakatuon sa “edifice complex” ni dating First Lady Imelda Marcos o ang akto ng mabilisang pagpapagawa ng mga imprastraktura bilang tanda ng puwersa at isang porma ng propaganda.
Kasama sa ilang halimbawa ng edifice complex ni Imelda ay ang pagpapatayo ng Cultural Center of the Philippines (CCP), Folk Arts Theatre, at DL Umali Hall.
“Architecture was instant propaganda for the Marcoses,” ayon kay Dr. Lico.
Ayon din sa kanya ay malaki ang naging impluwensya ng mga Marcos, partikular na si Imelda, sa arkitekturang Pilipino. Siya, katuwang si Leandro Locsin, ang nagpauso ng brutalist architecture dito sa Pilipinas.
Binigyang kahulugan din ni Dr. Lico ang brutalist architecture. Aniya, ito ay estilo ng arkitektura na kilala sa pagiging minimal nito sa disenyo at pagbibigay pansin sa natural at simpleng itsura ng ginamit na materyales.
Dagdag pa niya ay hindi lamang sa arkitektura mararamdaman ang kapangyarihan ng mga Marcos. Ginamit din nila ang kabuuan ng sining at kultura, magmula sa musika, paintings, at eskultura sa kanilang propaganda.
Sining at Kultura tungo sa Masa
Sa sumunod na parte ng diskusyon ay iprinisenta naman ni Dr. Hufana ang kanyang case study na nakasentro sa kasaysayan ng mga imprastraktura sa UPLB at ang kurso ng aksyon ng komunidad sa unibersidad.
Ayon kay Dr. Hufana, bagamat apektado rin ng edifice complex ang unibersidad na makikita sa mga nakatayong gusali sa loob ng campus katulad ng Student Union Building (SU), Main Library, at DL Umali Hall, hindi ito basta-bastang tinanggap ng mga bumubuo ng dating UPCA, na ngayon ay UPLB.
Layunin ng dating administrasyong Marcos na palitan ang imahe ng unibersidad mula sa pagiging “college cow” o kolehiyo na nakapokus sa agrikultura at gawin itong “scientific community.” Kung kaya’t nagpagawa ang rehimen ng mga imprastraktura sa loob ng unibersidad upang makamit ang imaheng nais nila.
Bilang porma ng pagtutol, ang mga estudyante, faculty, at staff ng unibersidad ang mismong nagtakda ng mga gamit sa mga espasyong ipinatayo sa loob ng campus.
“The edifice complex did not go uncontested. Modern structures in the campus were repurposed not by gatekeepers or architects but by ordinary users of these spaces,” saad ni Dr. Hufana.
Dagdag niya na sa hindi pagsunod ng komunidad ng UPLB sa orihinal na gamit ng mga espasyong ito ay naipapakita rin ang pwersa ng masa laban sa mga nagpatayo nito.
Kahalagahan ng mga Espasyo sa Pagtanaw ng Kasaysayan
Sa pagtatapos ng diskusyon ay nagbigay ng pangwakas na pananalita si Assistant Professor Reidan Pawilen, tagapangulo ng Departamento ng Agham Panlipunan.
Kinilala ng propesor ang tungkulin ng mga espasyo at gusaling ito bilang mahahalagang marka ng kasaysayan lalo na noong panahon ng Martial Law.
“In the context of the Martial Law, buildings have become part of the dictatorships of power na hanggang ngayon ay nakakaapekto pa rin on how we perceive these particular periods in our country,” ayon kay Pawilen.
Binigyang diin din niya na ang mga diskusyong tulad nito ay hindi ginagawa upang purihin o sambahin ang mga nagpagawa ng mga imprastrakturang ito. Bagkus, ito ay mahalagang pag-usapan sapagkat ang mga espasyong ito ay nagtataglay ng kapangyarihan at kasaysayan na kailangan nating kilalanin upang tayo ay makausad bilang isang bansa.
Matapos pakinggan ng mga dumalo ang diskusyon tungkol sa naglalakihan at naggagandahang imprastraktura na pinagawa sa ilalim ng diktadurya at ginamit bilang propaganda, pabaon ni Asst. Prof. Pawilen sa mga nakinig ang mga katanungang “is beautiful always good?” at “is beautiful always true?”.