Ulat ni Rob Jared Viceral
Nagsimula nang mamahagi ang Depatment of Agriculture-Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) sa Los Baños ng mga babasahin ukol sa pagtatanim sa piling farm schools sa Calabarzon at Mimaropa noong ika-22 ng Marso 2024 hanggang ngayong Hunyo.
Ang mga ito ay gagamitin ng trainees ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) program ng PhilRice na may layuning pagandahin ang kalidad at produksyon ng palay sa Pilipinas. Adhikain ng PhilRice na makipagkumpetensya ang lokal na palay at bigas sa gitna ng pagtaas ng importasyon dahil sa RA 11203 o Rice Tariffication Law.
Ayon sa Facebook post ng DA-PhilRice Los Baños, ang mga materyales ay nagbibigay kaalaman sa iba’t ibang aspekto ng pagtatanim ng palay. Ilan sa mga paksa ng mga babasahin ay pest and nutrient management, seed certification, farm mechanization, at produksyon ng inbred rice.
Inaasahang magpapatuloy ang proyektong ito hanggang Hunyo, bago magumpisa ang mga pagsasanay ng mga farm school ngayong 2024, ulat ni RCEF communication focal person Christine M. Reyes. Ihinahatid ng PhilRice ang mga babasahing ito sa mga eskwelahan, ngunit maaari rin kuhanin ang mga materyales sa opisina nito sa loob ng UPLB campus.