DaLakTik Festival 2024 ng Mayondon sumentro sa Kabuhayan, Kabataan, Kaunlaran

Ulat ni Cristine Edhyb Palma

Kabuhayan, Kabataan, Kaunlaran.

Ito ang sentro ng ika-6 na taong selebrasyon ng DaLakTik Festival ng Barangay Mayondon na ginanap noong ika-28 ng Abril hanggang ika-5 ng Mayo 2024.

Sa loob ng isang linggong selebrasyon, itinampok dito ang mga bagong aktibidad na nakasentro sa tatlong “K” na hindi kasama noong nakaraang taon.Ilan sa mga bagong aktibidad na ito ay ang Isda and Itik Product Development na naglalayong maibida ang iba’t ibang mga produktong gawa sa mga alagang isda at itik ng mga residente. Ibinida rin dito kung paano pa mapapaunlad ang mga negosyo na pangingiisda at pag-alaga ng itik ang pangunahing produkto.

Isingawa rin ang iba’t ibang aktibidad katulad ng Batang Mayondon Exhibit Games, Dalak-Sing Kids Edition, Foam Tastic Youth Night, at Youth Amazing Race na nakasentro naman para mga kabataang residente ng Mayondon.

Samantala, muli rin namang itinampok ang mga nakagawian ng mga aktibidad na sumentro sa pag-unlad ng bawat residente ng barangay gaya ng paggawad ng “Natatanging Mamamayan ng Mayondon,” Opening of Trade Fair Booth and Kainan at Inuman, Bloodletting, at Job Fair.