Saksihan ang pagbabalik ng UPLB Sandayaw Cultural Group at panoorin ang “Muli, Sandayaw”, isang produksyon kung saan ipapakita ng mga mananayaw, koreograpo, at musikero ang kanilang pagpapahalaga at paggalang sa mga tradisyonal na mga folk dance para sa National Heritage Month. Gaganapin ito sa Charles Fuller Baker Memorial Hall, UPLB, Mayo 16 at 17, 7:00 PM.
Ang pinakaunang “Muli, Sandayaw” ay nagsisilbing kick-off, mini-concert at fundraising event ng grupo bago ang kanilang ika-20 na anibersaryo sa darating na ika-2 ng Hulyo, 2024. Layunin nitong muling ipakilala sa publiko ang kanilang grupo, ang kanilang mga talento, at ang mga tradisyunal na sayaw sa Pilipinas katulad ng Maria Clara, Lumad, Mindanaoan, Cordillera, at Rural.
Bilang parte ng kanilang preparasyon, nagbigyang diin kung paano naiiba ang kanilang ginagawa. Ayon kay Clyde Louis Arbilo, Pinunong Mananayaw ng Sandayaw, mahirap ang mga folk dance dahil nag-iiba ang estilo sa pagsayaw ng mga ito.
“Alam naman natin na ‘yong folk dance, hindi siya kagaya ng ibang dances na pwedeng mag-freestyle or you can do your own choreography. Sa folk dance kasi, mayroon siyang literature na siusundan na kung paano ‘yong tamang step, form, tamang bali.” saad ni Arbilo.
Mas nahirapan sila sa training sa panahon ng pandemya nang kailangan nilang mag-practice online sa pamamagitan ng Zoom. Ito ang dahilan kung bakit sila ay nasasabik na magkaroon ng pagkakataong ito upang muling gawing interesado ang mga tao sa iba’t-ibang kultura sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga makasaysayang tradisyong ito.
Maghanda para sa isang programang puno ng mga sayaw galing sa ibang mga rehiyon ng Pilipinas, pati na rin ang live music na nauugnay sa bawat estilo ng sayaw bilang partner ng Sandayaw ang Harmonya: The String Ensemble of UPLB.
Sa mga nais manood ay maaaring bumili ng ticket sa mismong venue o gamit ang kanilang online purchase form sa link na ito: bit.ly/MuliSandayawTickets