Ulat nina: Cristian Angelo Dacmay at Darnie Samaniego
— HANDA NA SA ULAN. Karamihan sa mga taniman ng mais sa bayan ng Calamba ay tapos nang araruhin at naghihintay na lamang sa pag-ulan upang matamnan. (Kuha ni: Darnie Samaniego)
“Sobra sobrang hirap ng pagtatanim ngayon ng mais. Kasi dati hindi kami nakaranas ng ganitong init. Parang ang ano [inaasahan] namin kapag ganitong panahon naulan na…pag ganitong buwan…last year umulan na e. E ngayon wala [walang ulan, tanim, at ani],” daing ni Frilyn Magpantay, magsasaka mula sa Brgy. Kay Anlog, isang upland area sa Calamba City.
Ito ay partikular na dagok para sa mga upland farmers sa Calamba o mga magsasakang nasa mataas na lugar ang taniman. Dagdag na hamon ang pagtaas ng temperatura sa kanilang suliranin sa irigasyon, sapagkat mas malapit sa init, ay mas malalim na hukay ang kailangan para sa tubig.
Matapos ideklara ang simula ng dry season ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration ng Department of Science and Technology (DOST-PAGASA) noong nakaraang ika-23 ng Marso, 2024, patong-patong na problema sa pagtatanim gaya ng pagkasira ng mga pananim at kawalan ng tubig irigasyon, ang kinahaharap ng ating mga magsasakang mais sa ngayon.
Walang anino ng ni isang standing crop ang mga lupang maisan sa Calamba dahil sa tindi ng init ng panahon. Sa abisong pinakamainit na klima sa bansa ngayong Abril at Mayo, kasabay ng patuloy na epekto ng El Niño, ramdam na ramdam ng mga magsasaka ang mga negatibong dulot ng hindi makontrol na panahon. Ito ay malinaw sa mga sakahang ngayon ay nakatengga imbis na maging puno ng mga nagsisitayugang mais.
Ang mga puti sa iilang dilaw
Pumapangalawa ang mais sa palay pagdating sa pinakaimportanteng pananim sa Pilipinas. Isang malinaw na indikasyon pagdating sa industriya ang kaibahan ng dilaw mula sa puting mga mais.
Ayon kay Leo Gelisan, Agriculturist I ng Calamba Agricultural Services Department (CASD), “dalawa lang kasi ang mais, in general. Kapag sinabi mong yellow more on it’s about feeds, patuka, pakain sa mga hayop. And then kapag white, ito yung pagkain ng mga tao, dito na lang din pumapasok yung special type of corn”, gaya ng sweet corn na kadalasang makikitang tinda sa mga gilid ng paaralan o lako sa kalsada.
Sa mas mabusising pagtingin ng National Corn Program ng Department of Agriculture (DA), ang puting mais ay mas nagbibigay ambag sa industriya ng food manufacturing o ang paggamit sa mga agrikultural na ani para sa paggawa ng mga pagkaing pangkonsumo ng tao. Samantalang ang dilaw naman ay malaki ang halaga sa feed manufacturing o ang paggawa ng mga produktong patuka at iba pang industry uses. Kung kaya’t patuloy ang pagtaas ng pangangailangan sa yellow corn ng mga industriyang gaya ng livestock-poultry.
Sang-ayon ito sa datos na naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) pagdating sa produksyong ani ng yellow corn sa Laguna. Sa 2,157 metro toneladang (mt) mais na inani noong unang quarter ng 2023, 1,017 ay mula sa yellow corn. Ito ay 12.6% na mas mataas sa nakaraang taon bago ang nasabing datos.
Pagdating naman sa produksyong paggawa ng yellow corn sa Calamba ay nakapag-ani ng tinatayang 1,426.55 mt ang bayan sa kabuuan ng 2023. Habang 345.61 mt naman ang huling tala na mayroon ang CASD sa ani ng yellow corn mula Enero hanggang Marso ng 2024.
Ang mga mais na ito ay umaabot sa iba’t-ibang lugar liban sa siyudad ng Calamba. Partikular ang yellow corn na nakararating sa mga feed mills ng mga karatig bayan tulad na lamang ng Lipa, Batangas. “Mas marami kang market na napupuntahan, mas maganda”, ani ni Ma’am Marissa Sanchez, CASD Corn Coordinator at Agriculturist II patungkol sa maginhawang balik na kita sa mga magsasaka sakaling maging maganda ang mga pananim na yellow corn.
Perwisyo ng Init sa Upland
Subalit sa kondisyon ng panahon ngayon, nang tanungin ang mga magsasakang gaya ni Remigio Villamayor Jr. mula sa Brgy. Hornalan, kung ramdam nga ba ang magandang kita sa pagtatanim ng yellow corn ay “Lugi. Luging-lugi…” ang kanyang naging sagot. Bagay na hindi rin maituturing na hiwalay na kaso ng iba pang mga magmamais na nakapanayam sa upland ng Calamba, Laguna.
Sa ngayon ang mga upland area ng Calamba ay wala pang maayos na irigasyon at umaasa pa rin sa tubig-ulan ang mga taniman sa lugar. Kaya ganoon na lamang ang labis na pag depende nila sa dito para sa kanilang malawakang pagdidilig sa bukid.
Pahayag ng mga magsasaka higit ang pangangailangan nila sa tubig tuwing inihahanda ang lupa para sa tanim at pag-aabono. Ilan sa kanila ay sumubok na ng drip irrigation at timba-tabong pagdidilig subalit kapos at hindi pangmatagalan ang mga paraang nabanggit.
“Hindi talaga kaya…mabilis matuyo ang lupa, parang hindi na-a-absorb ng halaman yung tubig nang maayos.”, ayon kay Nelson Caraan, magmamais sa Brgy. Bunggo.
Anila nauuwi lang sa aksaya ang kanilang gastos puhunan para sa tanim na yellow corn kung kulang ang tubig sapagkat may karampatang 20 litro ng tubig na kailangan upang mapalago ng maganda ang bawat mais. Dagdag ni Calamba Upland Farmers Multi-purpose Cooperative (CUFAMCO) Chairman mula Brgy. Laguerta, Virgilio ‘Vir’ Asuncion,, “ang pag-aabono,useless din kasi kailangan ng tubig e walang ulan.”
Bukod sa init, nagbibigay sakit sa ulo rin sa mga upland farmers ang pagdami ng mga pesteng umaatake tuwing mataas ang temperatura. Ngayong taon lamang, isang bagong bisitang insekto na “waya-waya” o corn planthopper ang namerwisyo sa mga bukirin ng upland.
— KALABANG WAYA-WAYA. Matapos salakayin ng waya-waya ang maisan ni Nelson ay mga walang siglang yellow corn na lamang ang natira sa kanya. (Kuha ni: Nelson Caraan)
Kilala ang nasabing peste na mapanipsip sa mga halaman sa ibang lugar. Mapaminsala, dahil mas mabilis itong magpadami kapag hindi maulan ang panahon. Kinukuha nito ang lahat ng tubig sa halaman hanggang sa magkandatigang ang buong puno at magmukhang tila nasunog.
Paglalarawan ni Caraan “bata pa ang mais pero natuyo na agad s’ya, nasa 70 days pa lang ang mais pero kala mo s’ya na-harvest na. Yung bunga ay magaan ang butil dahil naubos talaga yung nutrients.”
Gawa ng bago pa lamang ang pagkakatagpo sa insekto sa upland ng Calamba ay wala pang daang nakikita ang mga magsasaka kung paano pupuksain ang waya-waya.