Ulat nina: Darnie Samaniego at Gelo Dacmay
Busil na Tulong Paglilinang
Sa kabila ng kanilang kalagayan, laking tawid dunong naman para sa mga magsasakang ito ang tulong na inaabot sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Calamba. Tampok ang yellow corn sa unang Farmers Field School (FFS) ng taong 2024 sa pangangasiwa ng CASD.
Nagsimula noong 2005, ay taon-taong idinaraos ang FFS upang makapaghatid ng mga bagong kaalaman para sa mga lokal na interesado sa pagtatanim at agrikultural na sektor ng bayan. Ito ay hindi lamang limitado para sa mga magsasaka. Ngayong taon ay nakapagtala ng pinakamaraming estudyante ang FFS na umabot ng higit 40 na kalahok.
Pagpapaliwanag ni Sanchez hangad daw talaga nila na maipagpatuloy ito kahit kung minsan ay mahirap dala ng mga problema sa budget. Ani naman ni Gelisan, ang paglipat kaalamang pangteknolohiya, pagtutulungan ng mga estudyante, at ang pagtaas ng kumpyansa ng mga magsasaka sa kanilang ginagawa ay ilan lamang sa mga paborito nyang hatid ng FFS. “Isa s’yang non-formal education…sa totoo lang yung mga farmers namang ‘yan marunong na naman talaga sila, alam na nila yung ginagawa nila. Baka lang, may mga hindi pa sila alam na pwede pa nilang matutunan dito sa ginagawa natin [FFS],” sambit ni Gelisan.
Sinang-ayunan naman ito ni Villamayor, sa aspeto ng direktang pagtuturo sa kanila ng mga bagay na noon ay natutunan lang nila sa sariling karanasan. Dagdag nya, “Hindi na katulad dati na nakikibalita ka lang kung ano yung magaling…kung ano yung maganda, ngayon naituturo sa amin ng sapat.”
Ayon kay CUFAMCO Chairman Vir, ngayon ay mas nagiging matalino na ang kanilang desisyon sa pagbili ng binhi, dami ng abono na gagamitin at iba pa dahil sa FFS. “Komo ikaw ay nag-aral at nakita mo na yung magiging performance nya [binhi] alam mo na kung ano ang bibilhin mo, ‘yon ang isang kagandahan na nagkaroon ng ganitong pag-aaral [FFS],” pahayag niya.
Ito ay matapos nilang matuklasan na mula sa limang uri ng binhi ng mais na ibinebenta sa merkado na Pioneer P3585YAR, Advanta P339, Syngenta NK6410, Cornworld CW1777, at Dekalb 6919S; ay lamang ang Dekalb sa tangkad at timbang ng halaman para sa dry season at ang Advanta sa parehong dahilan para naman sa wet season. Dahil bigat ang pinagbabasehan sa pagbebenta ng mais sa paggawa ng pagkaing hayop o forage ay nakatulong ang pagkumpara nila sa itsura, haba, timbang at bilang ng butil ng mga mais na itinanim nila sa loob ng 105 na araw sa FFS upang maipresyo nila sa tamang halaga ang mga ani.
Bagaman may mga kaalamang nakukuha sa mga ganitong programa ng CASD, hindi pa rin maiiwasan ang mga hinaing tuwing malala ang kondisyon ng panahon tulad na lamang ng grabeng init ngayon. Sa kasalukuyan ay nakabinbin pa ang ayuda ng mga magsasaka para sa mga nasirang pananim na natamo nila sa huling talaksan ng pagtatanim. Saad ni Sanchez kailangan pa raw munang patunayan ang mga napinsalang pananim sa pamamagitan ng pictures para ma-aprubahan ng rehiyon ang budget na ilalabas para sa ayuda.
“Buti nga kamo mayroong mga crop insurance. Kumbaga hindi naman s’ya ganoon kalaki pero meron syang konting tulong sa mga farmers. Na kahit papano ay nakakaano [tulong] din para sa nasirang..talagang tuyot na [tanim],” pahayag ni Magpantay sa benepisyong natanggap alinsunod sa agricultural insurance ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Matapos madali ng dry spell, mga insekto, at bagsak presyo ng mais sa market pakiusap na lamang nila na sana ay mas makadama pa ng tulong ang mga magmamais at industriya ng pagmamais higit lalo sila sa problemang kawalan ng tubig. Iyak ni Chairman Vir “Paano tayo makakapagprodyus ng 45 days na manok? Paano tayo makakapag-produce ng table egg, ng gatas…lahat naman ‘yan 50% halos ay mais kaya napakahalaga ng yellow corn…kaya lang sa pamamagitan ng kahalagahang ‘yon ay makita rin ng gobyerno na [maibigay] yung full support talaga hindi lang pabarya-baryang suporta.”
Ang yellow corn na wala naman sanang pinipiling panahon ngayon ay apektado ang paglaki at ang lupang tinataniman ng dahil sa init. Ang mga magsasakang ito na ang hangad lamang ay makabawi sa lugi ay apektado ang oras ng trabaho dahil sa bantang panganib ng init. Kaya naman sa kasalukuyan ay wala ng ibang paraang mapili kundi ang maghintay sa sahod ng ulan para mapawisan ang lupang pagpupunlaan ng mga mais.