Ulat ni Moira Kristiana Abriam
Ang Institute of Cooperatives and Bio-Enterprise Development (ICOPED) ng University of the Philippines Los Baños, katuwang ang Federation of People’s Sustainable Development Cooperative (FPSDC), ay kasalukuyang nagsasagawa ng Youth Leadership and Enterprise Development Program na nagsimula noong ika-16 ng Marso 2024 at magtatagal hanggang ngayong Mayo.
Mayroon silang 14 na kabataang kalahok na nasa edad 15 hanggang 35 at pawang mga miyembro ng katuwang na kooperatiba. Kasama naman ng ICOPED ang Department of Agribusiness Management and Entrepreneurship (DAME) sa pagbibigay ng mga lektura at paggabay sa mga kalahok sa pamamagitan ng one-on-one mentorship session tuwing Sabado.
Ayon kay Adriann Quilloy, University Extension Specialist mula sa ICOPED, layunin ng programang ito na tulungan ang mga kabataang kalahok na maging mas maagap, malikhain, at matatag na entreprenyur. Nais din ng ICOPED at FPSDC na tulungan ang mga kabataan na mapalago ang kanilang kapasidad at kaalaman sa iba’t ibang sangay ng entrepreneurship.
“At the end of this, the enterprise that they thought of and they keep on pitching to their cooperative, whether it’s approved or not, we hope that it is really for the needs of the customer or their community. Because the key takeaway from the lectures is, of course, you build an enterprise because you want to address a specific need of the people around you,” pahayag niya.
Sa kasalukuyan ay nakatapos na sila ng walong sesyon kung saan natalakay ang iba’t-ibang mga paksa tulad ng entrepreneurship, leadership, trends in agri-based products, product ideation, value chain, enterprise planning, assessment at evaluation.
Ang naturang programa ay nakatakdang magtapos sa ganap na ika-30 ng Mayo 2024 kung saan nakatakdang magpresenta ng kanilang mga ideya ang mga kalahok sa isang face-to-face pitching session at ang mapipili mula dito ay target na mapondohan at maisakatuparan ng kanilang kooperatiba.