Ulat nina Jose Mari Endona at Crysandra Cariño
Opisyal na binuksan ang UPLB Sculpture Garden nitong ika-22 ng Mayo 2024 sa Animal Science Complex sa loob ng University of the Philippines Los Baños.
Bukas sa publiko, ang Sculpture Garden ay nagsisilbing permanenteng eksibit ng mga pinarangalang mga eskultura ni Luis E. Yee Jr., o kilala bilang “Junyee” ang “Father of Installation Arts in the Philippines.”
Hindi rin mawawala sa programa ang bahagi ni Junyee, kung saan inilahad niya ang kanyang paglalakbay upang maisagawa ang proyekto. Ibinahagi niya ang kuwento sa likod ng kanyang mga eskultura. Bukod pa rito, nagbigay pasasalamat rin siya sa mga sumuporta sa proyekto, at sa mga kapwa niya manlilikha ng sining na tumulong sa kanya.
Dagdag pa niya, nagsimula sa labindalawang eskultura lamang ang proyekto base sa plano niya noong 2018. Ngayon, sa tulong ng kanyang mga kaibigan at kapwa artista na nagbigay ng sarili nilang mga eskultura, mayroong dalawampung (20) eskultara ang kabilang dito.
Bilang bahagi ng pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe sina Vice Chancellor of the Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) Roberto P. Cereno, National Scientist Emil Q. Javier, at ang alkalde ng Los Baños na si Mayor Anthony F. Genuino.
Nagpadala rin ng birtwal na mensaha si Senate President Pro Tempore Loren Legarda, na nanguna sa launching at turnover ceremony ng UPLB Sculpture Garden noong ika-4 ng Abril 2024. Opisina rin ni Legarda ang nagbigay ng pondo para sa proyekto.
Ayon kay Vice Chancellor Cereno, nilikha ang Sculpture Garden upang isulong ang “culture in the arts, inclusion, diversity”.
Nais naman ni Hon. Legarda na maisulong ang kamalayan at pagpapahalaga sa “cultural heritage, environmental conservation, and the beauty of Filipino artistry” sa pamamagitan ng Sculpture Garden.
Unang nabuo ang konsepto ng proyekto labindalawang taon na ang nakaraan, sa pangunguna nina Javier at dating UPLB Chancellor Luis Rey Velasco.
Mga sanggunian:
(2024, April 19). Artist Jun Yee carves Sculpture Garden in UPLB. University of the Philippines Los Baños. https://uplb.edu.ph/all-news/artist-jun-yee-carves-sculpture-garden-in-uplb/
Loren Legarda. (2023, February 7). Sculpture Garden in UPLB. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=FLpX12QonC8
UPLB Sculpture Garden features the works of Junyee | Philstar.com. (2024, April 20). www.philstar.com.https://www.philstar.com/lifestyle/2024/04/20/2348931/uplb-sculpture-garden-features-works-junyee