Ulat ni John Martin Pedaria
Gaganapin ang Southern Tagalog Pride March 2024 sa ika-23 ng Hunyo sa Carabao Park ng University of the Philippines Los Banos (UPLB). Layunin nitong patambulin ang hinaing at panawagan ng LGBTQ community ukol sa pagsulong sa karapatang pantao.
Ayon sa Facebook page ng Southern Tagalog Pride, ang tema ng martsa ngayong taon ay “Aklas, Vakla! LGBTQ of Southern Tagalog, March for Human Rights and Resist Against Imperialist Aggression.” Nagpaabot din ito ng panawagan para sa mga boluntir.
Kabilang din sa layunin ng Pride March ang isulong ang pagsasabatas ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill, na halos 24 taon nang nakabinbin sa Kongreso simula noong inihain ito noong 2000.
Samantala, samu’t saring Pride events naman ang isinagawa noong nakaraang taon sa Los Baños, katulad ng ST Pride Cultural Night, LB Gayla Night, Ride with Pride, at paglunsad ng Rainbow Crosswalk sa UPLB.