Ulat nina Jesu-Christina Ferrer at Allyza Fhaye Marquez
Ang Laguna Prime Multi-Purpose Cooperative (LPMPC) ay nagsagawa ng membership seminar para sa mga empleyado ng University of the Philippines Los Baños nitong Mayo 29, 2024 sa Agricultural Systems Institute Lecture Hall ng UPLB.
Ang pagpupulong na ito ay naglalayong magbigay ng dagliang impormasyon tungkol sa lagom ng operasyon ng kooperatiba. Tinalakay dito ang mga proseso at paunang bayarin upang maging kasapi ng kooperatiba kung saan ang paunang deposito ng mga miyembro ay nagkakahalaga ng ₱500. Maging ang iba’t ibang serbisyo na inaalok para sa miyembro tulad ng loans, time-deposit, at consumer’s store, na kung tawagin nila ay ‘Kasambili’, ay binigyang linaw din.
Ito ay kadalasang ginaganap linggo-linggo sa Zoom, ngunit sa mga susunod na buwan ay regular na itong gaganapin sa lilipatang opisina ng LPMPC sa Barangay Maahas para sa mga miyembro ng komunidad na interesadong mas kilalanin pa ang kooperatiba.
Ayon kay Ingrid Tañedo, LPMPC Manager, hindi lamang mga kasapi ang nakikinabang sa isang kooperatiba. Mayroon ding pagkakataon na nakakapagbalik sa komunidad ang kooperatiba sa pamamagitan ng mga adbokasiya na isinusulong ng LPMPC.
“Sa pagkikipagyembro natin sa co-op, hindi natin namamalayan, nagbabalik tayo sa komunidad,” aniya.
Dagdag pa niya na sa tulong ng mga kasapi nito at sa mga programang idinaraos, ang kooperatiba ay nakakatulong din sa mga taong walang kakayahang mag hanapbuhay.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng LPMPC dito.