Ulat ni Christine Pullos
Naglunsad ng libreng Measles Rubela Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA) ang Municipal Health Office (MHO) sa iba’t bang barangay sa Los Baños nitong Mayo bilang bahagi ng “Chikiting Ligtas” campaign, isang malawakang programa ng Department of Health (DOH).
Ito ay naglalayong pataasin ang paggamit ng mga regular na bakuna sa mga batang may edad na 0-59 buwan, partikular na ang bakuna sa tigdas-rubella (MR) at ang bivalent oral polio vaccine (OPV) at maiwasan ang mataas na kaso ng mga sakit na ito.
Isa ang Barangay San Antonio sa mga kalahok sa vaccination drive, kung saan 430 na mga bata ang naturukan.
“Sa Los Baños ay wala pang naitatala na polio pero dahil malapit tayo sa Calamba na meron ng case ay dapat magkaroon ang Los Baños ng proteksyon,” ani Dollie Eroles, supervisor ng Barangay San Antonio Health Center.
Sa kabila ng mga problema na kinaharap ng barangay health center, katulad ng hindi pagbubukas ng pinto, at mga magulang na ayaw pabakunahan ang kanilang mga anak dahil kinakailangan pang magkonsulta sa pediatrician ay patuloy at lumalabas pa rin sila upang maghatid ng tulong kasama ang mga Barangay Health Worker (BHW) at Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay. Dahil ayon kay Eroles, karapatan ng bawat isang bata mula ng sila ay sanggol na magkaroon ng proteksyon.
Ang measles o tigdas ay isa sa mga nakakahawang sakit sa mundo. Ito ay nailalarawan sa mataas na antas ng lagnat, pantal, ubo, sore eyes, runny nose at maaaring humantong sa mga komplikasyon tulad ng pneumonia, pagkabulag, matinding pagtatae, pamamaga ng utak, at maging kamatayan.
Ang polio naman, o Poliomyelitis, ay isang potensyal na nakakapanghina na sakit na nagdudulot ng lagnat, paninigas ng leeg, panghihina ng kalamnan, at maaaring humantong sa panghabambuhay na paralisis.
Ang rubella naman ay isang nakakahawang viral infection na naipapasa sa pamamagitan ng airborne droplets na kadalasang nangyayari sa mga bata at matanda.
Sa ngayon, walang partikular na gamot para sa tigdas at polio, at ang tanging maaasahang proteksyon ay sa pamamagitan ng pagbabakuna. Ang mga bata na hindi nababakunahan ay higit na nanganganib sa mga implikasyon ng mga sakit na nabanggit.
Bukod pa sa MR OPV SIA, mayroon ding iba pang programa na ginagawa ang MHO, katulad ng mumps vaccine, Patak Vitamin A supplementation, at \deworming.
Para sa karagdagang kaalaman, maari kayong makipag-ugnayan sa pinaka malapit na health center sa inyong barangay o kaya ay bisitahin ang Los Banos Municipal Health Office Facebook page para sa iba pang mga updates.