Ulat ni Dara Barile
Umabot na sa mahigit 2000 residente mula sa bayan ng Los Baños, Bay, at Calauan, Laguna ang lumagda sa isang online na petisyon laban sa Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC) na nagsimula noong ika-1 Hunyo 2024.
Ilan sa mga pangunahing reklamo ng mga residente ng lalawigan sa LARC ay ang patuloy na problema sa suplay at kalidad ng tubig, maling impormasyon sa social media, at hindi magandang serbisyo nito sa mga kustomer.
Makikita sa mga Facebook post ng ilang mga residente ng Bay at Los Baños na mula pa 2021 ay mayroon nang mga reklamo ang mga konsyumer ng LARC pagdating sa suplay nito ng tubig. Dagdag dito ay ang kasalukuyang isyu ng ‘arsenic content’ ng tubig sa lalawigan na naitala ng Commission on Audit (COA) noon pang 2018, na hindi pa rin nasolusyonan noong 2022.
Ayon kay Genevieve, residente ng Los Baños na nagpasimula ng petisyon, nakararanas na ang kanilang barangay sa Tuntungin-Putho ng paputol-putol na suplay ng tubig magmula pa noong nakaraang taon. Nais niya na sana ay magbunga ng positibong resulta ang petisyon na isinasagawa.
“What would be the direct compensation for all the inconvenience that this has caused to all the consumers? Kasi ganun nga po eh, they [LARC] charge minimum cubic, ano di ba every month, tapos hindi naman nila nabibigay yung service na dapat. So papano na kami, sana meron ding ganon na para maging fair sa lahat. Papano kaya gagawin to solve the problem as soon as possible,” ani Genevieve.
Hiling ng mga residente na magkaroon ng agarang aksyon ang LARC sa pag-imbestiga ng mga isyu sa suplay at kalidad ng tubig, mas maayos na istraktura at maintenance, refunds at compensation kaakibat ng serbisyong ibinibigay ng kumpanya, at mas maayos na pagpapaalam sa publiko ng mahalagang impormasyon sa pagkawala at pagbabalik ng suplay ng tubig sa mga apektadong lugar.
Ang pamahalaang bayan ng Bay at Los Baños ay kasalukuyan ding gumagawa ng mga hakbang upang imbestigahan at matugunan ang mga isyu at problema na hinaharap ng mga mamamayan nito patungkol sa serbisyo ng LARC.
Sa kasalukuyan, tumataas pa ang bilang ng lumalagda sa nasabing petisyon. Maari itong makita sa https://www.change.org/…/improve-water-service-for.
Patuloy na naghihintay ang Los Baños Times na makapanayam ang LARC sa tugon at paliwanag nito sa mga nasabing isyu ng mga residente ng Laguna.