90 kalahok, sumargo sa 1st VM Evangelista Billiard Tournament

Isinulat nina Eunice Reyes at Hadassah Ramil

Kuha noong ika-25 ng Abril, 2024

Sa kauna-unahang bilyar open Los Banos (LB) Tournament sa Scartch Billard, binigyan-daan ang halos 90 na manlalaro mula sa iba’t ibang barangay ng munisipalidad na maipamalas ang kanilang husay sa larangan ng nasabing isport, noong ika-25 ng Abril, 2024.

Nahahati ang mga kalahok sa dalawang kategorya, 32 sa Class B kung nasaan ang mga advanced players at 58 naman sa Class C kung nasaan ang mga karaniwang manlalaro o mga baguhan pa lang sa pagbibilyar.

Sa nasabing palaro, makakapaguwi ang parehong kampeon sa Class B at Class C ng 10,000 pesos at trophy. Samantala, 5,000 pesos at trophy naman para sa 1st placer ng pareho ring kategorya na siyang matutukoy gamit ang knock out system o elimination.

Dagdag pa rito, ipinunto naman ni Rodel Bautista, pangulo ng LBliyarista, isang organisasyon na nabuo lamang bago ang pandemya, na bukas ang naturang palaro sa mga estudyante at lahat ng kasarian. Naging daan din umano ito upang bigyan ng pagkakataon na makakilala ng iba pang manlalaro ng bilyar sa munisipalidad na may kaugnayan sa kanilang mga interes.

“Lagi nga naming sinasabi yung mga beginners dito mga estudyante, yung mga walk in na estudyante sumali kanina. Karamihan ng mga kasali ay mga working papa na. Walang age-limit. Pwedeng estudyante at babae,” saad niya. 

Labis itong ikinatuwa ng mga naging parte ng nasabing palaro, sapagkat ang mga ganitong paligsahan ay karaniwan lamang umano ginaganap sa mga iilang barangay at madalas na nauuwi lamang ng paulit-ulit na mga manlalaro ang kampeonato. 

Ayon kay Nikko, isang regular na manlalaro ng bilyar at kilala rin sa lugar bunsod na pagkapanalo nito sa mga nagaganap na tornament sa lugar, mahalaga ang pagbibigay-pansin sa larong bilyar at ang pagtanggap nito bilang isang legítimong sport dahil na rin sa mabuti nitong epekto nito sa kalusugan, maging sa aspeto ng kabuhayan na tumutostos sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

“Wala passion eh… Pero kapag sinabi kasing bilyarista, hindi lang siya passion… doon na kami kumukuha ng source of income,” saad pa niya.

Sa kabilang banda, malaking karangalan at tulong din ang opurtunidad na ito para sa mga regular na manlalaro ng bilyar dahil sa limitadong programang isinasagawang mga paligsaan na kalimitan lamang na nakatuon sa mga sikat na isports tulad ng basketball, volleyball at iba pa. Kaya naman, ang pagkakaroon ng atensyon mula sa Vice Mayor ay isang malaking tulong para sa mga regular na manlalaro.

“Masaya kaming lahat…noong i-open ko sa grupo ‘yon, lahat nag-agree, lahat excited. Tapos ‘yon, nabuo namin nang maganda,” ani Mauleon. 

Sinigurado naman ni Erick Mauleon, pangalawang pangulo ng LBilyarista at nagorganisa ng nasabing palaro, na sa kabila ng mataas na bilang ng mga dumalo sa patimpalak ay napanatili pa rin nila ang kaayusan at sinigurado na mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapaglaro at maipamalas ang kanilang mga husay sa billiards.

“[Gusto namin sana] maka-develop ng mga bagong manlalaro sa Los Baños…”  dagdag niya.

Dahil sa mga dati’y limitadong paligsahan, hindi nabibigyan ng pagkakataon ang ibang magagaling na manlalaro na ipakita ang kanilang husay.

Kaya naman pasasalamat ang hatid ng nasabing torneo dahil nagdulot ito ng pagkakataon sa mga manlalaro na makahanap ng mga bagong kaibigan, mas mahasa pa ang kanilang kasanayan sa laro, at higit sa lahat, manalo ng premyong 10,000 pesos.

Kinilala rin ni Chamber, isa sa mga manlalaro sa nasabing tournament, na malaking karangalan ang makasali sa kauna-unahang palaro sa buong munisipalidad ng LB at bigyang oportunidad na makadagdag sa kanilang pinagkukunang pinansyal ng kaniyang pamilya.

“Malaking tulong kasi minsan, mga pag aaral ng anak ko, minsan nasusustentuhan ko. Kaya sabi ko, aba maganda kasi hindi pinagnanakaw…pinaghihirapan ko para kumita kami,” aniya.

Ayon pa sa kanya, nais niyang magkaroon pa ng dagdag na pagkakataon na makilahok sa mas malaking paligsahan tulad ng mg inter-town meet at mas maipahayag pa nila ang kahalagahan sa patuloy na pagbibigay-pansin ang mga sports na hindi gaanong kilala, hindi lamang ang bilyar kundi sa iba pang mga isport.


Bunsod din ng matagumpay na paligsahan, umaasa rin ang mga manlalaro na magkaroon pa ng mga susunod na pagkakataon para sa ganitong uri ng paligsahan, upang patuloy na mahimok ang iba na ipagpatuloy ang kanilang suporta at pagtangkilik sa humuhubog din sa kakayahan ng bawat Pilipino kabilang na ang ganitong klaseng laro.

Ipinaabot din ng mga manlalaro ang kanilang pasasalamat sa ginawang pagoorganisa ni Vice Mayor Josephine Evangelista at sa tulong ng iba pang konsehal ng LB dahil nabigyan sila ng pagkakataon na ipamalas ang kanilang talento sa nasabing isport.

Sa huli, hangad ng mga kalahok na mas palakasin pa ang pagkilala sa bilyar bilang isang seryosong larangan sa mundo ng sports na kung saan sa pamamagitan ng mga ganitong klaseng programa, patuloy na sumusulong ang pagmamahal sa kanilang paboritong libangan, at ang pagtanggap nito bilang isang importante at respetadong sports