Ulat ni Rob Jared Viceral
Sinimulan ng University Health Service ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang taunang Operation Tuli na inisyatibo nitong taon noong Hunyo 9, 2024 sa Operating Room nito.
Sa halagang ₱3,000.00, nakatanggap ang mga lalaking kabataan ng serbisyong pagtutuli at iba pang medikal na eksaminasyon. Mas mura ito kaysa sa inaalok ng mga pribadong klinika at ospital, ayon sa UHS.
Ayon din sa isang Facebook post nito ay 50 na pasyente ang nakilahok ngayong taon. Karaniwang mga anak o kakilala ng mga tauhan sa UPLB o kaya mga naninirahan sa mga malapit na komunidad ang nakikinabang sa serbisyo nila.
Ang programang ito ay pinamunuan ng Nursing Service Department ng UHS, sa pangunguna nina Nurse Irene G. Tibor at Dr. Jessie Imelda F. Walde, Medical Director. Kilala rin si Nurse Tibor sa kaniyang pagserbisyo ng pagtutuli sa sa kaniyang barangay sa Dolores, Quezon. Dahil dito at iba pang mga napagtagumpayan ay nakatanggap siya ng parangal bilang Natatanging Kawani ng UPLB Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVVCA) sa ika-18 na anibersaryo nito noong 2015.
Nag-umpisa ang Operation Tuli na proyekto sa UPLB noong Marso 2002. Ngunit simula 2010, nalipat ang responsibilidad na ito sa Nursing Service Department na silang namumuno sa programa bawat taon.