Ulat nina Jiselle Diane Manzanero at Mayla Rosegem Mariano
Kasabay ng agos ng tubig sa lawa ng Laguna ang mga hamon sa pamumuhay na dama ng mga naninirahan malapit dito. Saksi si Evangeline Liwanagan o Nanay Vangie, fish vendor ng Barangay Bayog, sa hirap ng paghahanapbuhay sa tabing lawa. Ngunit sa kabila nito, patuloy siyang lumalaban at nagsusumikap upang labanan ang alon ng buhay.
“Okay naman [ang manirahan malapit sa lawa], masaya. Pero kung tutuusin, kung sa dagat aasa, wala. Sariling sikap na lang talaga,” aniya.
Binubuo man ng sektor ng pangisdaan ang 4% labor force sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pinakamahirap pa rin ito lalo na sa mga lokal na komunidad. Sanhi nito ang mabilis na pagkasira ng kapaligiran, kompetisyon sa komersyal na pangingisda, at ang kakulangan sa programa at polisiya ng pamahalaan. Ang mga ito ay hamon para sa mga naninirahan malapit sa mga lawa na humanap ng pangkabuhayan
Ngunit patuloy ang mga institusyong pang-akademiko sa pagsasaliksik ng mga paraan para sa pagpapaunlad ng sektor ng pangisdaan tulad ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) Los Baños na pinangunahan ang pagbuo ng Tilanggit Project, isang livelihood program para sa mga vulnerable lakeshore communities sa pamamagitan ng community-based rollout ng Tilanggit production technology.
Kababaihan bilang Sentro ng Proyekto
Isa si Nanay Vangie sa mga kababaihan mula sa Barangay Bayog, Malinta, at Mayondon sa nabigyan ng kaalaman at kasanayan sa pagbebenta at paggawa ng Tilanggit.
Ang nasabing isda ay hango sa “tilapiang malinggit” o maliit na tilapia na nanggagaling sa mga tubig-tabang gaya ng Lawa ng Laguna. Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang tilapia ay isa sa mga karaniwang isda na matatagpuan sa Lawa ng Laguna. Ngunit ang mga maliliit na huli ay kadalasang nasasayang, kaya nakita ng mga siyentista ng proyekto na solusyon ang Tilanggit. Sa pamamagitan ng pagdadanggit sa mga malilit nilang huli, maaari itong pagkakitaan ng kani-kanilang mga asawa.
Ayon kay John Michael Ramirez, Project Assistant at Assistant Professor ng LSPU, gumamit sila ng shelter prioritization tools bilang batayan sa pagpili ng benepisyaryo. Ngunit pagkatapos ng kanilang pag susurvey ay kaunti lamang ang nakuha nilang benepisyaryo na asawa ng mangingisda.
Dagdag pa ni Ramirez, “Kumuha na din kami sa community—mga fish vendor, mga kababaihan na nagwawalis sa kalsada. Hanggang sa may mga sumasali sa amin na dati silang [ano] may trabaho pero nawalan sila ng trabaho. Kagaya dito sa Malinta, mga naggagawa sila ng basahan, pinasali na rin namin. Binigyan namin sila ng chance.”
Kasama ng LSPU ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) na nagbibigay pondo sa proyekto, opisina ng Municipal Agriculture ng Los Baños, at mga barangay Local Government Units (LGUs) ng Bayog, Malinta, at Mayondon sa pagsulong ng proyektong ito.
Bago magsimula ang produksyon ng Tilanggit, dumaan muna sa mabusising pagsasanay ang mga napiling benepisyaryo, na tumagal ng isang taon. Ang proyekto ay nag-imbita ng mga propesyonal, at mga ahensya at institusyon ng gobyerno tulad ng Department of Science and Technology (DOST), Food and Drug Administration (FDA), at University of the Philippines Los Baños para sa iba’t ibang training at seminar tungkol sa produksiyon at pagbebenta ng Tilanggit.
Itinuro sa mga benepisyaryo ang angkop na proseso ng paggawa ng Tilanggit kabilang na ang paglilinis, pagtitimpla, at pagbababad nito. Pagkatapos ibabad at ibilad, maaari na itong i-repack at ibenta. Kasama din sa pagsasanay ang marketing at manufacturing ng produkto. Lahat naman ng kagamitan at sangkap sa paggawa ng Tilanggit kasama na ang isda ay ibinibigay ng LSPU.
Opisyal na matatapos ang Tilanggit Project sa darating na Disyembre at mauuubos na rin ang suplay ng sangkap at isda sa darating na Hunyo.
Mga balakid sa likod ng produksyon
Layunin man ng proyekto na hindi masayang ang mga nahuling maliliit na tilapia sa Laguna Lake, naging mailap naman ang suplay nito dahil kadalasan ay malalaki o pang-ulam ang mga nahuhuli.
Dahil dito, nag-aangkat na lamang sila ng mga isda mula sa Talim, Sta. Cruz at Pila, o mula sa fish pond ng College of Fisheries sa LSPU. Dagdag ni Ramirez, sa kikitain ng mga benepisyaryo, 60% ang mapupunta sa mga ito, at ang 40% na matitira ay gagamitin bilang puhunan sa susunod nilang paggawa.
Bagaman may mapagkukunan pa rin ng isda, hindi maipagkakaila ni Nanay Vangie na iba na ang takbo ng produksyon nito.
Aniya, “Hindi sila tulad dati na araw-araw. Pahinga lang dati namin noon, linggo, eh ngayon, kung saan lang sila may makuhang isda, ‘yun lang ang may gawa.”
Dagdag pa niya, minsan sa isang buwan ay isang beses na lamang sila nakakagawa, at may iilang pagkakataon din na wala talagang produksiyon. Bunsod nito, unti-unti na ring nabawasan ang mga benepisyaryo ng Tilanggit dahil kalimitan ay pinili na lamang na humanap ng ibang hanapbuhay.
Ang dating 20 benepisyaryo mula sa Brgy. Bayog ay naging lima hanggang anim na lamang. Samantala, ang mga benepisyaryo mula sa Brgy. Malinta ay kusa nang nag-backout sa proyekto.
“Kailangan mo rin namang kumita kahit papano kasi kapag may pamilya, hahanap ka talaga ng panghanapbuhay,” giit ni Nanay Vangie.
Bukod sa kakulangan ng suplay, naging balakid din ang kakulangan ng suporta ng mga lokal na barangay. Kabilang dito ang paglilimita ng pamunuan ng Bayog sa paggamit ng ng mga Mechanical Fish Dryers na siyang bahagi rin ng proyekto.
Ayon kay Nanay Vangie, ang mga bilaran ay ginagamitan ng kuryente kaya’t maari silang makagawa ng Tilanggit umulan man o umaraw. Subalit, naiwang nakatengga ang mga ito sa Brgy. Hall dahil kadalasang nagdadahilan ang pamunuan na may mga aktibidad o pagpupulong kaya’t hindi ito maaring magamit.
“Laging sinasabi may session. Mabaho raw, malansa, [pero] isang araw lang naman. Kesyo ang laki na raw ng bayad [sa] kuryente,” kwento ni Nanay Vangie.
Bagaman may alternatibo, nakakaapekto rin ito sa pagiging produktibo ng produksyon. Nakaasa lamang sila sa natural na pagpapatuyo, at minsan pang sarado, at walang kuryente sa evacuation area kung saan nakalagay ang mga bilaran.
Sa paghina ng produksyon ng Tilanggit, hamon ngayon sa mga natitirang benepisyaryo kung ipagpapatuloy nila ito gayong nalalapit na rin ang pagtatapos ng proyekto.
Tulong na hatid ng Tilanggit
Ngayong matatapos na ang proyekto, ipagpapatuloy lamang ni Nanay Vangie ang paggawa ng Tilanggit kung may o-order lamang nito.
“Ang hirap nung ititiwangwang mo lang nang basta. Ang hirap itengga, tulog kasi ang puhunan,” giit ni Nanay Vangie.
Titigil man ang suplay mula sa LSPU, susubukan na lamang nila umano na humanap ng mapagkukunan na mura, at iisa ang sukat. Maaari rin nilang gamitin ang sistema ng pag porsyento ng 60-40 sa kanilang kita upang magkaroon ng puhunan.
Inilahad din ni Nanay Vangie na maari naman silang magpatuloy dahil natutunan na nila kung paano ang tamang proseso sa paggawa at pagbebenta ng Tilanggit. Kumpleto na rin sila sa gamit mula sa LSPU, tanging ang bilaran na lamang ang nakikita nilang balakid dito.
Mga hamon at panawagan
Sa kabila ng mga balakid sa produksyon, mananatiling malaking tulong ang naihatid ng Tilanggit para sa mga benepisyaryo nito. Matapos man ang proyektong ito, bitbit pa rin ng mga natitirang benepisyaryo ang mga kaalaman, kakayahan, at teknolohiya upang ipagpatuloy ang paggawa ng Tilanggit.
Hamon ngayon para sa gobyerno na paigtingin ang kanilang mga proseso upang maibalik ang sigla at ganda ng Laguna Lake. Binibigyang hamon din ang mga lokal na barangay na tumalima sa kanilang kolaborasyon at ipagamit ang mga bilaran dahil ito na lamang ang tulong na maihahatid nila sa kanilang mga nasasakupan.
Kalakip din nito ang mga panawagan ng mga manggagawa, magsasaka, at mangingisda sa bansa para sa mas maayos na sahod, seguridad, at reporma.
Dahil sa bawat hamon at panawagan upang mapabuti ang kanilang panghanapbuhay, patuloy ang pagsisikap ng mga mangingisda, at fish vendor gaya ni Nanay Vangie upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya, dahil hindi kailanman matutuyo ang pag-asa.