Kinumpirma ng Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) CALABARZON ang unang kaso ng Mpox sa rehiyon ngayong araw, ika-29 ng Agosto.
Base sa ulat ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), ang 12-taong gulang na pasyente mula sa CALABARZON ay walang history of travel. Una siyang nagkaroon ng mga sintomas noong ika-10 ng Agosto. Kabilang sa kanyang mga sintomas ang lagnat, pagkakaroon ng mga pantal, pag-ubo, at pamamaga ng lymph nodes. Agad naman siyang kumonsulta sa rural health center at sumailalim sa monitoring. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa kanyang tahanan.
Mula July 2022 hanggang kahapon, nakapagtala na ang DOH ng 14 na kaso ng Mpox sa buong bansa, ayon sa press release ng ahensya kahapon. Lima dito ay aktibong kaso, habang ang siyam ay recovered na noong 2023. Lahat sa mga aktibong kaso ay dahil sa Mpox virus Clade II, na itinuturing na “mild”, kumpara sa mas malalang Clade 1b.
Ang Mpox ay isang nakakahawang sakit na dulot ng monkeypox virus (MPXV). Kabilang sa mga sintomas nito ang skin rash o mucosal lesions, kasabay ng lagnat, pamamaga ng lymph nodes, panghihina, at pananakit ng lalamunan, kalamnan, likod, at ulo.
Maaaring kumalat ang Mpox sa pamamagitan ng “close contact” sa balat o mucosal lesions ng isang taong may impeksyon. Maari ring ma-transmit ang virus sa pamamagitan ng indirect contact sa mga kontaminadong damit at kagamitan, o mga hayop na may sakit. Namamatay ang virus sa pamamagitan ng paghuhugas gamit ang tubig at sabon. Payo ng DOH, gumamit ng gloves kung naglilinis ng mga kontaminadong kagamitan.
Nananawagan ang DOH-CALABARZON sa publiko na sumunod sa health protocols upang makaiwas sa sakit. Kabilang sa mga ito ang:
- Magtakip ng bibig at ilong kapag umuubo o nababahing, at gumamit ng face mask kapag may sakit;
- Laging maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, o alcohol-based sanitizer;
- Umiwas sa contact sa mga indibidwal na may Mpox o mga sintomas nito; at
- Labhan mabuti ang mga damit at iba pang kagamitan tulad ng mga kumot at tuwalya.
Payo ng DOH, kung nakararanas ng mga sintomas tulad ng pananakit ng lalamunan, sakit ng ulo, trangkaso, lagnat at pamamantal na mukhang tagihawat, agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center, o makipag-ugnayan sa National Patient Navigation and Referral Center sa hotline no. 1555, press 2.
With inputs from DOH-CHD CALABARZON and DOH-HQ press releases