Mga Katutubong Pamayanan kinilala sa Wikapihan I ng UPLB

Ulat ni Angelleanne Marfa

Bilang pagdiriwang sa Pambansang Buwan ng mga Katutubo ngayong Oktubre, isinagawa ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang “Wikapihan I” sa DL Umali Hall nitong ika-7 ng Oktubre 2024.

Ang nasabing aktibidad ay isang impormal na salo-salo na naglalayong magkaroon ng malayang diskusyon at mas malawak na kaalaman ang mga kalahok hinggil sa wika at kultura. Inisyatibo ito ng UPLB Dibisyong ng Wika ng Department of Humanities (DHUM) ng College of Arts and Sciences (CAS)katuwang ang UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA).

Binigyang atensyon din nito ang ugnayan ng wika at katutubong sistema ng kaalaman at praktika,o Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP).

Nagsimula ang talakayan sa diskusyon ng mga mag-aaral na sina Nia Marie Alarcon mula sa College of Agriculture and Food Science (CAFS) at Hazel Coleen Catapang mula sa College of Veterinary Medicine (CVM) ukol sa mga katutubong wika tulad ng “dalaktik” at “supak” na sinasalamin ang kabuhayan at kultura ng isang pamayanan.

Samantala, ibinahagi rin ni Asst. Prof. Ariel Bosque ng UPLB Dibisyon ng Wika ang ugnayan ng etnoastronomiya at IKSP. Ayon sa kanya, bawat isa sa atin ay may representasyon at mahalagang alam natin na mayroon tayong kinabibilangang katutubo na pinagkuhanan ng ating iba’t ibang kaalaman at praktika.

Sa pangwakas na mensahe ni Dr. Katrina Ross A. Tan, pinuno ng chair ng DHUM, lubos ang kaniyang pasasalamat sa mga taong bumubuo ng aktibidad, at hinihikayat niya ang komunidad na ipagpatuloy ang pananaliksik, pagiging mausisa, at pagpapakilala sa mga katutubong na wika at kultura.

Inaasahan nila na magpapatuloy ang Wikapihan I sa mga susunod na taon.