Isinulat ni Charisse Marianne C. Platon
Isinagawa ng University of the Philippines Los Baños Interdisciplinary Life Cycle Assessment Laboratory (UPLB ILCAL) ang “1st International Symposium on Life Cycle Assessment (LCA) in the Philippines” nitong ika-15 Oktubre 2024 sa Zoom at Facebook Live.
Ang LCA ay isang sistematikong pamamaraan ng pagsusuri ng epekto ng mga produkto, serbisyo, o aktibidad sa kalikasan na maaaring makapag gabay sa polisiya. Halimbawa ng mga ito ay greenhouse gas emissions, paggamit ng enerhiya, pagkonsumo ng tubig, at iba pa.
Nagtipon ang mga eksperto mula sa Pilipinas, United States of America, Australia, Indonesia, at India, upang talakayin ang mga pinakabagong pagsulong at aplikasyon ng LCA at kung paano magbubuklod ang iba’t ibang sektor upang isulong ang likas-kayang kaunlaran.
Nilahad nila ang mga kaso ng paggamit ng LCA sa iba’t ibang sektor, tulad ng agrikultura, industriya, ekonomiya, at enerhiya. Binigyan nito ng pagkakataon ang mga eksperto at iskolar na magbahagi ng kanilang kaalaman at makipagtulungan para sa pagpapaunlad ng sustainable development gamit ang LCA.
Ayon kay Asst. Prof. Bernadette T. Magadia, ang pinuno ng UPLB ILCAL, ito ay isang mahalagang hakbang upang maitaguyod ang sustainable development sa Pilipinas. Ang LCA ay isang “multidisciplinary approach” na maaari nating masuri ang mga environmental impacts ng ating mga aktibidad at maghanap ng mga mas sustainable na solusyon.
Ang talakayan, na may temang “Sustainable Transition: Empowering Nations Through Life Cycle Assessment,” ay pinaghandaan kasama ang Philippine Institute for Chemical Engineers (PIChE) at Philippine National Consortium on Net Zero Initiative (PH NCNZI).