Mag-aaral ng BNCES nagsanay sa campus journ

Ulat ni Lance Isaac Reamon

Mga estudyante ng DEVC 126 D-1L mula sa UPLB CDC kasama ang mga mag-aaral ng BNCES sa palihan. Mula kaliwa hanggang kanan: Marlia Allih Fulgencio, Jonellyn Bautista, Mary Therese Delos Reyes, Geraldine Flores, Lance Isaac Reamon.

Bilang paghahanda sa schools press conferences, ang mga estudyanteng mamamahayag ng Bernardo N. Calara Elementary School (BNCES) ay nagsanay sa ilang kategorya ng campus journalism nitong ika-19 ng Nobyembre 2024. Kabilang sa mga ito ay ang Pagsulat ng Lathalain at ng Pangulong Tudling at Pag-aanyo ng Pahina.

Ito ay pinangunahan ng mga estudyante ng DEVC 126 (Participatory Development Journalism) ng College of Development Communication (CDC) sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), kasama ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Isa sa mga nagsilbing tagapagsalita ay si Miguel Victor Durian, isang propesor mula sa Department of Development Journalism (DDJ) ng UPLB at ang pangalawang patnugot ng Los Baños Times. Tinalakay niya ay ang istruktura at paraan ng pagsulat ng lathalain at pangulong tudling at kung paano maka-isip ng magandang paksa para sa mga ito.

Kasama rin sa mga tagapagsalita si Ian Raphael Lopez, isang Editorial Production Assistant sa Philippine Daily Inquirer at dating punong patnugot ng Tanglaw sa CDC, Tinalakay niya ang mga bahagi ng isang dyaryo at ang mga istilo ng pagdidisenyo nito.

Nang matapos ang mga talakayan, ginabayan naman ng DEVC 126 class ang mga kalahok sa pagsulat ng mga article plan at pagdisenyo ng isang dyaryo.

Bilang bahagi naman ng pagsulong nito sa dekalidad ag edukasyon sa bansa, inirecomenda ng EDCOM 2 na gawing paksa ng mga kalahok ang pagtaguyod ng kaalaman sa pagbabasa at pagsusulat ng mga mag-aaral ng BNCES.

Ang proyektong ito ay pinangunahan ng DEVC 126 students na sina Lance Isaac Reamon, Geraldine Flores, Jonellyn Bautista, Mary Therese Delos Reyes, at Marlia Allih Fulgencio, na ginabayan ng kanilang propesor na si Dara Clarisse Mae Barile.