Tungkulin ng kabataan sa pagtugon sa climate change, tinalakay sa Youth Eco-Conference 2024

Ulat ni Jhoanes Villaseñor

Paano papangunahan ng kabataan ang pagtugon sa climate change?

Ito ang naging talakayan sa Youth Eco-Conference 2024 sa Laguna na ginanap noong Nobyembre 23, 2024 sa Laguna State Polytechnic University Sta. Cruz Campus. Ito ay may temang “Addressing the urgency of climate change and empowering youth to lead local, national, and global initiatives specifically for Sangguniang Kabataan (SK) and youths residing in Laguna.”

Ito rin ay pinangunahan ng Ugnayan ng Pahinungod ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), sa Tulong ng Laguna Climate Change Adaptation and Mitigation at Youth Development Affairs Office of Laguna.

Nilahukan ng 247 kabataan ng Laguna, ang kumperensya ay nagbigay diin sa pagbuo at pagpapatupad ng mga panukalang proyekto bilang suporta sa mga lokal, pambansa, at pandaigdigang inisyatiba laban sa pagbabago ng klima.

Isa sa mga tagapag salita nila ay si Asst. Prof. Nico R. Almarines ng UPLB School of Environemental Science and Management (SESAM) na nag sasabing upang epektibong matugunan ang pagbabago ng klima, kailangan munang maunawaan ang problema at magtuon sa mga taong nasa pinakamapanganib na lugar o vulnerable sectors.

Ayon sa kanya ay kahit na may limitadong pondo, ang mga pagsusumikap ay dapat nakatutok sa mga lugar na ito. Mahalaga ang maagap na aksyon upang makapagpatibay ng resilensya, dahil magiging mas mahirap ang daan patungo dito kung walang mga hakbang upang pigilan ang pagbabago ng klima. Ang oras para kumilos ay ngayon upang mabawasan ang mga panganib dulot ng klima.

Isa din sa mga tagapag salita nila ay si Jose Limbay Lahi O. Espaldon ng UPLB Ugnayan ng Pahinungod. Pinaniniwalaan niya na ang pangangalaga sa kalikasan ay nagsisimula sa pagbuo ng magandang gawi. Aniya, kapag paulit-ulit na ginagawa ang mabubuting gawi na nagsisimula sa sarili, nagiging natural ito at nagkakaroon ng pangmatagalang epekto. Kaya hinikayat niya ang mga kalahok na mag-isip kung anong mga gawi ang kailangan nilang baguhin upang ang mga ito’y maging mabuti para sa kalikasan.

Panghuli ay si Henry B. Halawig ng Laguna Climate Change Adaptation and Mitigation Office na nagsabi na ang pangunahing problema natin ay ang basura at ang hindi wastong maghihiwalay ng mga ito. Dagdag pa niya, bilang mga ahente ng pagbabago, maaaring maimpluwensyahan ng kabataan ang mga nakatatandang henerasyon.

Nagkaroon din ng bukas na talakayan matapos ang talumpati ng mga tagapagsalita.