Ulat nina Hannah Magbanwa, Gwen Salespara, at Sachi Gacott
Upang maihanda ang mga estudyante at School Paper Advisers (SPA) nito sa nalalapit na Division Schools Press Conference (DSPC), ang San Antonio Elementary School (SAES) ay sumailalim sa isang campus journalism training na pinamagatang “BINHI: Sowing Seeds of a New Generation Journalists” noong ika-9 ng Disyembre 2024.
Pinangunahan ang pagsasanay ng Los Baños Times katuwang ang isang klase ng NSTP2 – CWTS ng College of Development Communication ng University of the Philippines Los Baños (CDC-UPLB) bilang bahagi ng kanilang community engagement project.
Nagsimula ang aktibidad sa isang oryentasyon kung saan pinapili ang mga kalahok kung saang kategorya ng press conference nila nais mapabilang, partikular na ang Pagsulat ng Balita, Pagsulat ng Lathalain, Pagwawasto ng Sipi at Pagsulat ng Ulo ng Balita, at Pagsulat ng Balitang Agham at Teknolohiya. Ang nasabing mga paksa ay nakabatay sa mga pangangailangan ng mga kalahok.
Ang isa sa mga tagapagsalita ay si Jian Abordo, estudyante ng CDC, na tinalakay ang Pagsulat ng Balita. Inilahad niya ang proseso ng pagsulat ng pamatnubay, ulo, at katawan ng balita, at mga hakbang upang maging malinaw at organisado ang mga impormasyon.
Dagdag pa rito, si Althea Hinojosa, estudyante rin ng CDC, ang tagapagsalita para sa Pagsulat ng Lathalain. Itinuro niya ang mga bahagi ng isang lathalain, kabilang ang pagbibigay-kulay at lalim sa mga kuwento upang maakit ang interes ng mga mambabasa.
Samantala, sa Pagwawasto ng Sipi at Pagsulat ng Ulo ng Balita, tinutukan naman ni Hannah Magbanwa, estudyante ng CDC, ang pagpapaliwanag ng mga batayang kaalaman sa pagsulat ng ulo ng balita, pati na rin ang tamang paggamit ng mga marka sa pagwawasto ng balarila at istruktura ng isang artikulo.
Para naman sa Pagsulat ng Balitang Agham at Teknolohiya, nagsilbing tagapagsalita si Miguel Victor Durian, isang propesor mula sa Department of Development Journalism (DDJ) ng CDC at faculty-in-charge ng NSTP 2 – CWTS class. Ibinahagi niya ang iba’t ibang paksang puwedeng talakayin patungkol sa siyensya at ang wastong pagsusulat ng tuwirang balita.
Ang bawat kategorya ay sinundan ng mga pagsasanay sa paggawa ng mga artikulo na sinuri at pinuna ng mga tagapagsalita.
Nagpasalamat naman ang mga SPA ng SAES sa tulong na pinaabot sa kanila ng pagsasanay. Ayon kay Nellia Lilia F. Tayre, “Mas maganda na kapag may contest, nakakapag-train na sila, hindi lang sa amin kundi pati sa mga resource persons. At least, mas nadadagdagan ang kanilang kaalaman at nade-develop ang interest at love for writing. Kapag nakakakita sila ng mga katulad ninyo na mismong writers, nai-inspire sila.”
Samantala, sa talumpati ni Ferkins Catapang, ang pinuno ng NSTP 2- CWTS class, ay pinasalamatan niya ang mga guro at administrasyon ng SAES at inaaasahan niyang magtatagumpay ang mga kalahok sa DSPC at iba pang mga patimpalak.
Binigyan naman ni Prof. Durian na mahalagang matutuhan ng mga kabataan ang wastong pamamahayag upang makapagbigay ng tama at makatotohanang impormasyong makakatulong sa publiko na makapagpasya nang wasto.
Nagsilbi namang tagapagpadaloy ng programa sina Alessandra Arceta at Darelle James Oracion.
Nagwakas ang programa sa pag turn-over ng mga learning materials at mga sertipiko ng partisipasyon at pagkilala sa SAES.