Ulat nina Maryrose L. Alingasa, Paolo Miguel S. Alpay, Nikole Kaye M. Battreal, Ithan Grayne J. Borbon, at Mervin A. Delos Reyes
Makalampas lamang sa may DOST-PCAARRD at pagliko sa munisipyo ng Los Baños, makikita ang mga nakahilerang tindahan ng tropikal na gulay at prutas sa Magnetic Hill. Produkto ito ng mga residente ng Purok 7B sa Barangay Timugan, Los Baños, Laguna, na siya ring mga magsasaka sa paanan ng Bundok Makiling.

NASA LARAWAN: Matatagpuan sa gilid ng kalsada ang mga prutasan sa Magnetic Hill. Isa ito sa pangunahing pamamaraan ng mga magsasakay upang maibenta ang kanilang mga inani. (Larawang kuha ni Paolo Miguel Alpay)
Taliwas sa mga sabi-sabi na mga illegal settler ang mga naninirahan sa Bundok Makiling, ang mga residente ng Purok 7B, o kilala rin bilang Magnetic Hill, ay mga magsasakang nabigyan ng pormal na pahintulot upang doon ay manirahan. Sa katunayan, sila ay miyembro ng isang organisasyong pang-agrikultura, ang Samahan ng mga Magsasaka sa Paanan ng Bundok Makiling o SMPBM.
Samahang may Malalim na Ugat sa Kabundukan
Tinatayang naitatag noong 1978, ang SMPBM ay isang samahang may pormal na kasunduan sa Makiling Center for Mountain Ecosystems o MCME ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Kapalit ng kanilang paninirahan sa kabundukan, ay ang kanilang tungkuling pangalagaan ang kabundukan ng Makiling. Subalit, limitado pa rin ang pagtira sa Purok 7B sa mga kamag-anak ng mga magsasaka at sa kanilang mga kinakasama o asawa.
“Even my father is a member. At sila, parang nung naaalala ko, kinukuwento ng father ko na may mga talks sila with UP, with the Chancellor. Kaya may agreement sila ng MCME, UP, and us, na huwag lang kaming magputol [ng puno]. We take care of the environment and they’ll also help us,” pahayag ni Tita Mimie Princena, kasalukuyang sekretarya ng SMPBM.
Sa kasalukuyan, ang SMPBM ay nagbebenta ng mga tropikal na prutas at gulay mula sa kanilang mga sinasakang lupa sa paanan ng Bundok Makiling. Ilan lamang sa mga ito ay ang mga native na mga prutas mula sa punongkahoy kagaya ng chico, santol, kaimito, lanzones, rambutan, at maging mga malalaking prutas gaya ng durian. Ayon kay Kuya Danilo Diaz, isa rin sa mga miyembro ng SMPBM, maipagmamalaki nilang organik ang kanilang mga produktong ani sapagkat “mayroon ‘yang pang-abonong pang-organic… ‘yung walang kemikal [at] walang lason.”
Mula sa Kabundukan Patungo sa Merkado
Ang pangunahing pamamaraan nila ng pagbebenta ng mga produkto ay sa mga nakalatag na estanteng matatagpuan sa Magnetic Hill makalamspas lamang sa DOST-PCAARRD pagliko sa munisipyo ng bayan ng Los Baños. Doon, pinagkukumpol-kumpol ng mga residente ang kani-kanilang mga inani upang ibenta sa mga dumaraang mga sasakyan o di kaya ay sa mga nagagawing indibidwal.
Sa kabilang banda, ang iba naman sa kanila ay sumusubok ng mga makabagong paraan at nagbebenta online gamit ang kanilang mga social media account, tulad ng Facebook. Isa na rito si Tita Mimie, madalas siyang nagpo-post ng mga produkto sa kaniyang Facebook timeline.
“Gano’n talaga eh… we have to keep up with the times. Sometimes, mag-post lang ako sa Facebook ng plants and flowers ko, then people interested in buying would send me a message. They’ll inform me—anong prutas, halaman, o bulaklak, gaano karami, kailan kailangan—then I’ll see if enough ang meron ako. Kapag kulang, I let the other members know, tapos sila ang mag supply sa akin,” wika ni Tita Mimie.
Si Tita Mimie ang tumatayong kasalukuyang sekretarya ng SMPBM. Isa siyang graduate ng Bachelor of Science in Agriculture mula sa UPLB. Naninirahan na siya sa paanan ng Bundok Makiling mula pa noong nag-aaral siya ng high school.
Malaki ang gampanin ni Tita Mimie sa mga magsasaka ng Purok 7B sapagkat isa siya sa mga may malawak na network o koneksyon pagdating sa mga mamimili. Kaya naman, bukod sa mga gulay at prutas, nakapagbebenta rin si Tita Mimie at ang iba pang mga magsasaka ng mga tropikal na bulaklak sa mga malalaking hotel sa Kamaynilaan kagaya ng Shangri-la at Okada Manila.

NASA LARAWAN: Halimbawa ng flower arrangement na isinasagawa ni Tita Mimie para sa iba’t-ibang mga okasyon kagaya ng kasal o mga kaarawan. (Larawan mula kay Tita Mimi Princena)
“I was also a student in UPLB. I graduated from the College of Agriculture, kaya marami rin akong mga kakilala inside the campus who are interested in buying. From them, word of mouth na lang din, kaya lumalawak ang network,” salaysay niya.
Hindi lamang mga gulay at prutas ang ipinagmamalaking produkto ng mga magsasaka ng SMPBM, mayroon din silang mga tropikal na bulaklak. Sa katunayan ay mayroon silang bukod na organisasyon na saklaw ang pagsasaka ng mga ito. Ito ay ang Los Baños Tropical Fruits and Flowers Growers Association o LBTFFGA.

NASA LARAWAN: Nakilahok ang mga miyembro ng LBTFFGA sa ginanap na parade ng Bañamos Festival. Ito ang unang beses na nakiisa ang mga magsasaka sa ganitong pagdiriwang. (Larawang kuha ni Ithan Grayne Borbon)
Ang LBTFFGA ay pinamumunuan ni Tita Mimie bilang kasalukuyang presidente ng samahan. Si Tita Mimie rin ang tumatayong pangunahing kontak ng mga suking namimili ng tropical flowers sa loob at labas ng Los Baños.
Kasama ng mga prutas ay tutok din ang samahan sa pagtatanim at pangagalaga ng mga bulaklak maging sa paglikha ng mga flower arrangement.
De Kalidad na mga Prutas at Bulaklak
Mataas ang kalidad ng mga tropikal na bulaklak ng LBTFFGA. Kumpara sa mga sikat na bulaklak sa merkado, gaya ng mga matatagpuan sa dangwa na mga rosas at tulips, ang mga tropikal na bulaklak ng samahan ay nagtatagal nang halos isang linggo. Malaking pagkakaiba ito mula sa mga nakasanayang bulaklak na madalas ay hanggang dalawa o tatlong araw lamang nananatiling sariwa.
Pahayag ni Tita Mimie, “We get to be known for our flowers kasi ‘pag sinabi mong flowers, sa iba, ang naiisip lang nilang flowers ay Baguio flowers, Tagaytay flowers. Meron ding tropical flowers sa Laguna na sturdy talaga… na kayang mag-last ng at least a week nang hindi nasisira.”

NASA LARAWAN: Ibinida ng mga magsasaka ang mga tropikal na bulaklak sa kanilang pwesto para sa Bañamos Festival. Ilang araw din nilang napakita ito sa harap ng munisipyo ng Los Baños. (Larawang kuha ni Nikole Kaye Battreal)
Maraming mga gawi ang mga magsasaka ng samahan upang patuloy pang pagbutihin ang kanilang mga pamamaraan sa pagsasaka at pagbebenta. Nitong nakaraang Setyembre nga ay unang beses nilang lumahok sa ginanap na parada ng Bañamos Festival, ang taunang pista ng munisipalidad ng Los Baños.
Bukod sa parada, nagtayo rin sila ng kubol o pwesto sa harapan ng Munisipyo, kasama ang iba pang mga lokal na samahan at negosyo. Paraan ito upang maipakilala sa mas marami pang mga residente ng Los Baños ang kanilang mga lokal na produkto, pati na sa iba pang mga negosyante at magsasaka.

NASA LARAWAN: Sa pinakaunang pagkakataon ay nagkaroon ng oportunidad ang mga magsasaka upang ipamalas ang mataas na kalidad ng kanilang mga tropikal na bulaklak sa mga residente at turista ng Los Baños. (Larawang kuha ni Paolo Alpay)
Layunin ng SMPBM na patuloy pang makapag-ani at benta ng mga de kalidad na tropikal na prutas at bulaklak, lalo na sa mga residente ng Los Baños.
“…Reliable source kami of flowers. We can also do [flower] arrangements for them if they need…they can get it from us na relatively cheaper na compared to other areas so, try us,” saad ni Tita Mimie nang matanong patungkol sa iba pa nilang mga plano.
Sa mga nais bumisita at mamili, matatagpuan ang mga binebentang produkto ng mga magsasaka ng SMPBM sa Purok 7B, Magnetic Hill, Brgy. Timugan, Los Bańos, Laguna. Maaari ring makontak si Tita Mimie sa pamamagitan ng kaniyang personal na Facebook account: https://www.facebook.com/mimie.princena