Ulat nina Jesu-Christina Ferrer at Nirel Lia Ortega

NASA LARAWAN: Nilakad ng mga delegado mula Taiwan ang kahabaan ng riles ng Brgy. San Antonio upang magpulot ng basura. Kuha ni Jesu-Christina Ferrer.
Nagsama-sama ang iba’t-ibang mga kalahok ng Project LAKBAY o Learning Actively through Knowledge-Based Appreciation for Youth sa naganap na clean-up drive noong ika-9 ng Pebrero 2025 sa riles ng Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna.
Pinangunahan ni Ms. Noreen Dianne S. Alazada, Head Facilitator ng Project LAKBAY, kasama ang mga residente at opisyal ng pamahalaang barangay ng San Antonio, mga guro at kawani ng University of the Philippines Open University (UPOU), University of the Philippines Los Baños (UPLB), at mga delegado mula sa Taiwan ang nasabing clean-up drive.
Binaybay ng mga dumalo ang riles mula Molawin Creek hanggang Barera Court habang nagpupulot ng iba’t ibang klase ng basura gamit ang mga mahahabang tongs at pinagbuklod ang mga ito sa iba’t-ibang garbage bags na para sa recyclable, residual, at special waste.
Sinimulan ang Project LAKBAY noong 2023 bilang bahagi ng programa ng Faculty of Management and Development Studies (FMDS) ng UPOU na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na maging aktibong bahagi ng environmental sustainability. Naglalayon itong isulong ang mga programa para sa pagkamit ng Sustainable Development Goals (SDGs), partikular na sa larangan ng pangangalaga sa kapaligiran at komunidad.
“Isa sa goals din ng Project LAKBAY is to see the disparity between the Philippines and Taiwan, and see how we can work together to come up with solutions sa mga communities that we live in,” [Isa rin sa mga layunin ng Project LAKBAY ang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan, at makita kung papaano tayo makakabuo ng mga solusyion para sa komunidad na ating kinabibilanan] ani Alazada.
Dagdag niya, nagagawa nila ito sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya ng learning visits, community immersions, at cultural visits.
Bahagi ng inisyatibong ito ang pagpapatibay ng aktibong partisipasyon at pagbuo ng tiyak na solusyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng clean-up drive upang mas lumalim ang environmental awareness at waste management sa lokal na komunidad.
“I wish this action can make the Filipino or local people here [have an] awareness with their environment,” [Sana matulungan ng programang ito na mabuksan ang kamalayan ng mga Pilipino o mga local patungkol sa kanilang kapaligiran] saad ng isang delegado mula Taiwan na si Prof. Wei Yu.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng Brgy. San Antonio sa Project LAKBAY sa pagpapalawig ng maayos na waste management sa kanilang komunidad, partikular sa mga riles. Ngayong 2025, inaasahang mula sa dalawang beses kada taon ay buwan-buwan nang gaganapin ang clean-up drive sa lugar.