Tulong-Tulong sa Pag-Unlad: Disiplina at Kooperasyon para sa Kinabukasan ng San Antonio Trolley Community

Ulat nina Aaaqil Medalla at Dana Sachi Garcia

NASA LARAWAN: Presentasyon ng Project LAKBAY sa Los Baños Senior High School Gymnasium, Barangay San Antonio, Purok 6, Los Baños. Kuha ni Aaaqil Medalla.

LOS BAÑOS, LAGUNA – Para sa tinaguriang “Trolley King” ng Barangay San Antonio na si Leean Lalog, disiplina at pakikilahok ang maituturing na susi tungo sa pag-unlad ng komunidad. 

“Pagpunta po namin doon, ang pinaka-focus po talaga namin, malaman po [kung] ano po ‘yung kultura nila, ano po ‘yung mga ginagawa nila na hindi natin ginagawa, na pwede nating ma-adapt. So, ‘yun po, sobrang ganda po na naranasan po namin ‘yun.” Paglalahad ni Lalog patungkol sa kanilang karanasan sa learning visit sa Taiwan.

Isa si Leean sa mga residente ng Barangay San Antonio na nakasama sa learning visit ng Project LAKBAY o Learning Actively through Knowledge-Based Appreciation, na isinagawa ng Faculty of Management and Development Studies (FMDS) ng University of the Philippines Open University (UPOU) at Eco-Connect Southeast Asia Association, noong Setyembre 24, 2024 hanggang Oktubre 1, 2024 sa Taiwan. Nilalayon nitong learning visit na turuan ang mga kalahok tungkol sa kultura ng bansa at palalimin pa ang kanilang kaalaman, gawi, at kasanayan sa pangangalaga sa kanilang kapaligiran.

“So, nung unang punta po namin doon, talagang ang laki po nung nakita namin na pagkakaiba mula sa atin, sa kanila. Una po doon, sobrang linis ng kapaligiran, tapos wala po mga basurahan. Ang nakita ko po talaga, disiplina,” ani Leean. 

NASA LARAWAN: Panayam kasama si Leean Lalog, ang Trolly King ng Barangay San Antonio. Kuha ni Dana Garcia.

Para naman kay Maryrose Alingasa, isang estudyante mula sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran ng University of the Philippines Los Baños na isa rin sa mga kinatawan na sumama sa LAKBAY, ang paglinang sa kapaligiran (cultivating environment), pagsulong sa pakikilahok ng komunidad (promotion of community participation), at ang pagtutulungan ng mga sektor (cross-sectoral collaboration) ay ang ilan sa mga susi para sa sustenableng pagbabago sa komunidad. 

“Importante din na ‘yung mga tao mismo [sa community], alam nila ‘yung role nila [sa pag-unlad nito],” paglahad ni Maryrose.

NASA LARAWAN: Ipinakilala ni Maryrose Alingasa ang San Antonio Trolley Community, upang magbigay ng impormasyon sa estado ng komunidad. Kuha ni Aaaqil Medalla.

Binigyang-diin din ni Maryrose ang importansya ng pagpapataas ng kamalayan sa pangangalaga ng kapaligiran at mga aksyong kaakibat nito. Naniniwala siya na ang indibidwal na kamalayan ay hahantong sa kamalayan ng komunidad, na tiyak na ikauunlad nila at ng kanilang kapaligiran.

Solusyon sa mga hamon

Sa kasalukuyan, kinahaharap ng komunidad ng San Antonio ang problema sa tamang pagtapon ng basura at kakulangan sa pangangailangang pangkalusugan, pagkain, pang-edukasyon, at pangkabuhayan. Sa kabila nito, naghahangad pa rin ang trolley community ng kaunlaran para sa kanilang komunidad.

Kaugnay nito, ilang programa ang naibalangkas ng kanilang komunidad kasama ang lokal na pamahalaan ng San Antonio at ilang mga kinatawan mula sa Trolley community, na kanilang iprinesenta noong ika-9 ng Pebrero sa Los Baños Senior High School Gymnasium, Purok 6.Ilan sa mga programang ito ay ang “Basuart”, “Trash Binsualization”, at “School Supplies para sa mga Batang San Antonio”.

NASA LARAWAN: Ibinahagi ni Jobert Arizapa, isang trolley driver at miyembro ng San Antonio Trolley Organization, ang programang “School Supplies para sa mga Batang San Antonio” na layuning matulungan ang mga bata sa kanilang komunidad na makapag-aral at matutunan din ang pangangalaga sa kanilang kapaligiran. Kuha ni Aaaqil Medalla.

Nilalayon ng “Basuart” na magkolekta ng mga recyclable materials upang magamit ito para gumawa ng eco bricks at artworks. Bukod pa rito, inaasam din ng komunidad ang lubusang pagkatuto at pagkasanay ng maayos na paghihiwalay ng mga basura (waste segregation) sa ilalim ng programang “Trash Binsualization”. Upang mas mahikayat ang lahat sa pakikilahok sa programa, pinaplano ring ilunsad ang “School Supplies para sa mga Batang San Antonio”. Sa ilalim ng programang ito, mabibigyan ng mga school supplies ang mga bata kapalit ng basurang kanilang malilikom at maibibigay.

“Kahit wala kami sa posisyon, magagawa ng organization [namin na makatulong,]” ani Kapitan Relly Palis.

Kolektibong layunin, kolektibong aksyon

Tunay ngang nakakamangha ang pagsasama-sama at pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor sa komunidad ng San Antonio upang makamit ang kanilang hangarin – ang pagpapaunlad ng bawat isa kasama ng kanilang kapaligiran.

NASA LARAWAN: SANTO, San Antonio Women’s Brigade, Kaya Natin! Ang Kabataan Los Baños, Barangay San Antonio LGU, UPOU-FMDS, ay sama-samang dumalo upang makinig sa presentasyon ng Project LAKBAY. Kuha ni Aaaqil Medalla.

“Sa tingin ko, nasa tamang landas tayo,” saad ni Kapitan Relly Palis sa pagtitibay ng papel ng gobyerno sa pag-unlad ng komunidad.

Positibo ang mga delegado ng Kaya Natin! Youth (KNY) Los Baños, Barangay San Antonio LGU, UPOU-FMDS, at Project LAKBAY na mayroong pag-asa para sa isang magandang bukas dahil sa patuloy na pagtutulungan, pagbabahagi, at pangangarap ng isang komunidad kung saan ang bawat isa ay responsable sa kanilang sarili, kasapi, at kapaligiran.

“At least at this level, we are doing better but we need to strive more” [Sa antas na ito, mas maayos na tayo, ngunit kailangan pa nating higitan pa], dagdag ni kapitan.

Naniniwala sila sa isang hinaharap kung saan ang bawat mamamayan ng San Antonio ay nagtutulungan upang mapaunlad ang kanilang tahanan.