Brgy. Bayog, nananawagan para sa bagong ambulansya

Walang magamit na ambulansya sa kasalukuyan ang pamahalaaang barangay ng Bayog, Los Baños, Laguna, matapos mabangga ang makabagong Nissan ambulance nito sa Tanauan, Batangas noong ika-7 ng Pebrero. Samantala, ang mas lumang Mitsubishi L300 na ginagamit nito bilang backup rescue vehicle ay kasalukuyang kinukumpuni dahil naman sa pagkasira ng preno kaninang umaga.

Aksidente sa daan

Wasak ang harapan ng Nissan Urvan NV350 ambulance ng Brgy. Bayog matapos itong mabangga sa isang concrete barrier sa Tanauan, Batangas bandang alas-3 ng madaling-araw noong Pebrero 7.

Malubha ang pinsalang natamo ng ambulansya ng Brgy. Bayog matapos itong mabangga sa concrete barrier sa Tanauan, Batangas noong ika-7 ng Pebrero. Larawang kuha ni Kap. Eduardo Delminguez.

Ayon kay Kap. Eduardo Delminguez ng Brgy. Bayog, maghahatid sana ang ambulansya ng cancer patient mula sa isang pribadong ospital sa Bay, Laguna, at ililipat ito sa isang government hospital sa Batangas. Matapos lumiko ng ambulansya mula sa tollway patungo sa Mabini Ave., Tanauan City, nagtangka umano itong mag-overtake sa ibang sasakyan, ngunit bumangga sa isang concrete barrier. Dahil sa bilis ng takbo nito, nagtamo ang sasakyan ng malubhang pinsala sa kaliwang bahagi ng unahan. “Basag ang mukha” at “kaladkad ang ilalim” ng ambulansya, ayon kay Kap. Delminguez, na agad nagtungo sa lugar matapos mangyari ang aksidente.

Pumanaw ang pasyenteng sakay ng ambulansya. Nasaktan naman ang pamangkin na kasama nito, kaya’t sumailalim ito sa CT scan bago pinauwi ng doktor.

Inilibing ngayong araw ang pumanaw na pasyente. Nagpaabot ng tulong pinansyal ang barangay sa pamilya ng namatay, ayon kay Kap. Delminguez.

Samantala, ang driver ng ambulansya ay nagtamo ng fractures sa tuhod at tadyang. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa kanilang tahanan. Ayon kay Kap Delminguez, bagama’t hangad nila ang tuluyang paggaling ng nasaktang driver, naghahanap na sila ng magiging kapalit nito, matapos nilang matuklasan na may record ito ng pagiging kaskasero sa dati nitong trabaho.

Ang Nissan ambulance ay natanggap ng barangay mula sa Pamahalaang Bayan ng Los Baños noong 2021. Kumpleto umano ito sa higaan, oxygen, at mga makabagong kagamitang medikal. Bukod sa Bayog, nakatanggap din ng kaparehong ambulance units ang mga pamahalaang barangay ng  Lalakay, Maahas, at Tuntungin Putho. Hindi na mahanap ng LB Times ang orihinal na kontrata para sa procurement na ito; ngunit batay sa Resolution No. 2021-137 ng Sangguniang Bayan ng Los Banos, tinatayang nasa Php5 milyon ang halaga ng isang “Rescue Ambulance with complete medical supplies and equipment” noong Hulyo 2021.

Ayon sa shared post ng Philippine Information Agency – Laguna sa La Verdad Correspondents noong Disyembre 2020, nagmula ang ambulansya sa Los Baños LGU.

Ayon sa pagtataya ng mekanino na si TJ Clemeno, maaaring abutin ng hanggang Php400,000 kung ipapagawa ang ambulansya dahil may kamahalan ang mga piyesa nito. Subalit ayon sa ilang mga online forums at references tungkol sa mga sasakyan, ang ganitong uri ng aksidente ay maaaring magdulot ng pinsala sa makina, transmission, radiator, steering, chassis, at iba pang mga bahagi ng sasakyan; at walang kasiguruhan na maibabalik pa ito sa dati nitong kondisyon. Kasalukuyang nasa Motorpool ng Los Banos LGU ang nasirang ambulansya.

“Talagang kung ipagagawa namin ang ambulansya ay matagal. Kasi alam nyo naman po, ang budget ng barangay ay napakaliit lamang,” saad ni Kap. Delminguez. “Pero sa akin, kung ako’y tatanungin, ayoko nang anuhin yan, bibili nalang kami ng bago. Kasi delikado na eh, hindi na siya magwo-work ng maganda,” dagdag niya.

Dagdag ni Kap. Delminguez, ikalawang aksidente na ito ng Nissan ambulance unit ng barangay, matapos itong makabangga ng pedestrian habang naghahatid ng pasyente sa Quezon City noong Enero 2025.

Problema sa preno

Samantala, kasalukuyang nakahimpil sa tanggapan ng barangay ang mas lumang Mitsubishi L300 na ginagamit nila bilang rescue vehicle, matapos matuklasan na mahina ang preno nito.  Ginagamit umano sa pagroronda kaninang umaga ang sasakyan nang maramdaman ng driver na wala itong preno. “Lumusot yung preno, kaya ginagawa po ngayon,” sabi ni Kap. Delminguez.

Nakahimpil sa tanggapan ng Brgy. Bayog ang Mitsubishi L300 rescue vehicle habang hinihintay ang pondo para maipaayos ang preno nito. Larawang kuha ni Jyas Bautista

Dahil walang hawak na salapi ang barangay, sa Lunes pa magsisimulang maproseso ang request para sa pondo mula sa munisipyo, bago makabili ng mga piyesa at maipaayos ang preno ng sasakyan. Ayon kay Kap. Delminguez, tinatayang nasa Php2,000 ang kailangan para dito.

Panawagan ng barangay

Kasalukuyang nananawagan si Kap. Delminguez upang mapalitan ang nawasak na ambulansya.

“Sa mga natakbong mga pulitiko ngayon, kami po ay humihingi ng tulong sa inyo lalo na po sa mga LGUs, na mabigyan kami ng bagong ambulansya, kasi yung amin pong ambulansya ay naaksidente. Kami po ay humihingi ng sponsor, sino man pong mayayaman diyan, ay kami po’y taos-pusog humihingi ng tulong sa inyo, dahil ang ambulansya po ay kailangang-kailangan ng mga tao talaga,” sabi ni Kap. Delminguez.