Kabuhayan sa Kabundukan: Pag-asa para sa Pagsibol ng mga Bulaklak

Ulat nina Maryrose L. Alingasa, Paolo Miguel S. Alpay, Nikole Kaye M. Battreal, Ithan Grayne J. Borbon, at Mervin A. Delos Reyes

NASA LARAWAN: Mariing isinalaysay ni Tita Mimie (kaliwa) ang kanyang mga karanasan bilang sekretarya ng SMPBM at bilang isang magsasaka. (Larawang kuha ni Nikole Battreal)

Maituturing na simbolismo ng pag-alala ang pagbibigay ng isang bulaklak. Mula sa iba’t ibang selebrasyon tulad ng debut, pagtatapos, anibersaryo, at kasal, hanggang sa panahon ng pagdadalamhati gaya ng pakikiramay at pagbisita sa mga namayapa, ginagamit natin ang dalisay ng mga bulaklak bilang pagpapakita ng pagmamahal sa mga taong malalapit sa ating buhay. Subalit, sa kabila ng mga halimuyak na ibinibigay nito sa karamihan sa atin, tila pait naman ng pagkalanta ang danas ng mga magsasaka nito.

Isa ang pagbubulaklak sa mga pinagkukunan ng pangunahing pangkabuhayan ng ilang mga mamamayan sa Barangay Timugan sa Los Baños, Laguna, partikular na iyong mga nakatira sa paanan ng Bundok Makiling. Dahil dito, nabuo ang Samahan ng mga Magsasaka sa Paanan ng Bundok Makiling (SMPBM) at Los Banos Tropical Fruits and Flowers Growers Association (LBTFFGA), mga organisasyon na siyang pangunahing nagtitinda ng iba’t ibang klase ng mga de-kalidad na tanim at bulaklak sa lugar. Ngunit, kahit matagal nang namamahala sa pagpapasibol ng mga bulaklak ang mga magsasakang ito, hirap pa ring mamukadkad ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Sa aming naging pagpasyal sa mga kabahayan sa nasabing bundok noong Disyembre 5, nakilala namin sina Tita Elsie, 50, at Tita Myrna, 54, mga residente sa lugar at parehong miyembro rin ng SMPBM at LBTFFGA. 

NASA LARAWAN: Masayang inalala ni Tita Elsie ang kaniyang pagdating sa Barangay Timugan, at kung paano siya nakararaos sa pangaraw-araw. (Larawang kuha ni Nikole Battreal)

Matagal nang nakatira sa lugar na ito ang pamilya ni Tita Elsie. Kwento niya, sa 50 taon niyang paninirahan sa lugar, matagal na rin siyang nagtatanim at nagbebenta doon ng kanilang mga pananim na prutas at gulay, lalo na ang samu’t saring mga bulaklak. 

“Masaya na masarap na mahirap [ang buhay dito]… masarap, pagka ‘yong makikita mong mga pananim, mga namumunga lahat, namumulaklak yung mga puno’t prutas,” salaysay ni Tita Elsie. “Masaya [rin] kasi, mapipera na namin yung mga bunga,” dagdag pa niya.

Ganito rin ang naging kwento ni Tita Myrna, na sinabing doon na sa paanan ng Bundok Makiling nabuo ang kaniyang pamilya, pati na ang sariling pamilya ng ilan sa kaniyang mga anak. Kwento niya, “Mayroong nag-hire sa amin [noon] para mag-alaga ng bukid. Pinagtanim kami nang pinagtanim [nung tao na iyon] ng magulang ko kaya kami napunta dito.” 

Subalit, sa aming naging kwentuhan, tila hindi rin mawaglit sa isipin ng parehong magsasakang ito ang mga pangamba sa tuwing may mga dumarating na pagsubok sa kanilang buhay, partikular na sa kanilang mga pananim na bulaklak. 

Kalbaryo ng Bagyo

Dahil nakapuwesto ang karamihan sa mga pananim nina Tita Myrna at Tita Elsie sa lupain ng Bundok Makiling, ang mga ito ay maituturing na prone sa mga aksidenteng magaganap sa lugar sakaling humagupit man ang mga kalamidad. Kaya naman, kadalasan ay marami sa mga ito ang nasisira, kagaya na lamang ng nangyari nang humagupit ang sunod-sunod na bagyo nitong nakaraang Oktubre hanggang Nobyembre.

NASA LARAWAN: Masayang inalala ni Tita Elsie ang kaniyang pagdating sa Barangay Timugan, at kung paano siya nakararaos sa pangaraw-araw. (Larawang kuha ni Nikole Battreal)

Ayon kay ni Tita Myrna, sa mga nagdaang bagyong ito ay tila mas marami pang nasira sa kanilang komunidad, kabilang na ang ilang mga puno, pananim, at bahay doon na pinadapa ng lakas ng hangin. Kaya naman, pangamba niya na mas humina ang kita nila sa darating na mga buwan.

“…Yung mga mapakikinabangan [na tanim], hindi na pwedeng pakinabangan ngayong taon na susunod, so siguro mas mahina ang kita next year, kumpara nung hindi pa bumabagyo,” aniya.

Ganito rin ang sentimyento ni Tita Elsie, na sinabing naging mahirap ang ganoong panahon para sa kanila “kasi, pagka gan’tong panahon na dumadaan ang bagyo, wala kaming makitang aanihin kasi, halos nilalagas [lahat] ng bagyo.”

Bagamat may natatanggap umanong tulong mula sa mga lokal na pamahalaan gaya ng mga relief goods at pananim naman na mula sa Department of Agriculture, tila hindi rin ito sapat para sa pamilya ng mga magsasaka na naninirahan sa lugar.

“Siyam kaya ang anak ko, tapos ganoon lang, hindi sapat,” saad ni Tita Elsie. Dagdag pa niya, sasapat lamang daw ang mga iyon kung ituturing na pantawid maghapon ngunit, kung sa araw-araw, “[ga]gawa ka na ng paraan, para kung sakali, may pambili ulit.”

Diskarte para Pandagdag-kita

Ang mga hamong dala ng sakuna ang siyang nagbukas din ng ideya para sa kanilang mga magsasaka na humanap ng alternatibong pagkukunan ng kabuhayan. Tulad ng mga prutas at bulaklak, tila umiikot ang buhay para sa mga magsasakang ito na siyang minsan ay nasa taas, at minsan ay nasa baba.

Kaya naman, sinusubukan ni Tita Elsie na umextra sa labas ng kanyang sakahan upang itawid ang pangangailangan nilang pamilya. Bagamat alam niyang mahirap, kinakaya ng ginang na pumasok sa iba pang trabaho para umani ng pandagdag na salapi.

 “Hindi kami pwedeng umasa ng ano sa prutas pagkaganong binabagyo kami. Kailangan may extra income talaga… tulad ng paglalaba [at] maglinis ng bahay,” kwento niya.

Maging ang sekretarya ng SMPBM na si Mimie Princena, ibinahagi rin na mayroon din siyang alternatibong pinagkakakitaan bukod sa pagbebenta ng mga prutas at bulaklak. Sa aming pagbisita, ikinweto sa amin ng ginang ang ilan sa mga ginawa niyang produkto mula sa kanya ring mga inaani.

NASA LARAWAN: Masayang inalala ni Tita Elsie ang kaniyang pagdating sa Barangay Timugan, at kung paano siya nakararaos sa pangaraw-araw. (Larawang kuha ni Nikole Battreal)

“Nung pandemic season, yung mga fruits ko, pinoprocess ko, ginagawa ko yung durian, ginawa kong pastillas, ginawa kong jam,” salaysay ni Tita Mimie. “Ngayon, after the bagyo, nagluto ako ng kung ano-ano na preserves. Like, pag meron akong papaya, nag-aatsara ako,” dagdag pa niya.

Kung titignan, hindi opsyon ang pagtigil sa pagkayod para sa mga magsasakang ito sapagkat danas ng karamihan sa kanila ang hirap ng buhay. Dahil dito, pilit nilang inilalaban ang pangaraw-araw sa tulong ng paglingap pa ng ibang trabaho, imbis na sana ay nakadepende na lamang sa pagsasaka.

“As a farmer, yun yung tipong pag hindi ka nagbanat ng buto, wala rin. Kahit pa malaki yung lupain mo, if you don’t really work, wala rin,” ika nga ni Tita Mimi

Pangarap sa mga Talulot

Batid man ng mga magsasakang kabahagi ng SMPBM at LBTFFGA ang ganitong klaseng mga suliranin, nananatiling positibo ang pagtingin nila na darating ang pagsibol, hindi lamang ng mga pananim nilang bulaklak, kundi maging ang kanilang mga pangarap para sa sarili’t kanilang organisasyon.

Para kay Tita Elsie, hiling sana niyang mabigyan ng karampatang pagtupad ang mga pangakong aksyon sa kanila ng mga kinauukulan, lalo na sa tuwing panahon ng kalamidad. Sana kung ano man yung kahilingan na ibig namin iparating sa kanila, sa mga kinauukulan, mabigyan pansin, hindi yung pangako lang ng pangako, pangako dito, pangako doon. Sana kahit kapapaano, maaksyonan agad.”

Pagbabahagi naman ni Tita Myrna, inaasam niyang maibigay na sana sa kanila ang lupang kanilang sinasakahan, partikular na iyong mga lupain sa Purok 7B sa Barangay Timugan. “Kahit na imposible yung hilingin yung ganon… kasi sa katulad namin dito na hindi naman ito talaga amin, may possibility na kami paalisin,” kanyang inilahad. 

Ayon sa ulat ng ASEAN Centre for Biodiversity, ang lupain sa Bundok Makiling, o tinatawag ding Makiling Forest Reserve, ay isang state-owned forest reserve na pinamamahalaan ng University of the Philippines Los Baños. Kaya naman, tila walang kasiguraduhan na maibibigay sa mga magsasaka roon ang lupang kanilang sakahan sapagkat maituturing itong pagmamay-ari ng gobyerno. Sinubukan din naming hingin ang panig ng lokal na pamahalaan ng Los Baños hinggil sa nasabing isyu, subalit hindi rin kami pinalad na sila’y makapanayam.

Gayunpaman, hiling pa rin ni Tita Myrna na manatili o di kaya’y mas tangkilikin pa ng mga mamimili ang mga produktong kanilang pinaghihirapan. “Sa mga mamimili namin ng aming mga produkto, lalong-lalong na sa mga bulaklak, sana tuloy-tuloy… sana hindi nila kami iwanan, hindi nila kami pabayaan. Tuloy-tuloy sana yung support para lalong lumago yung aming business na nasimulan, lalo na yung mga tropical plants,” aniya.

Ganito rin ang nais ipatambol na panawagan ni Tita Mimie nang matanong sa kanyang mga pangarap para sa organisasyon. Aniya, sana ay mas makilala pa umano ang mga bulaklak nila sa kabuuan ng Laguna at masabing “meron ding tropical flowers na dalang sa Laguna na sturdy talaga… yan yung gusto ko… we get to be known for flowers na reliable source of flowers also.”

Bukod dito, hinikayat din ni Tita Mimie ang mga kabataan na maengganyo sa larangan ng pagtatanim, na para sa kanya umano ay mahalaga sa pagpapanatili ng tuloy-tuloy na suplay ng pagkain. 

Hindi buhay ang cell phone. It can be very helpful pero kasi right now… ‘pag hawak nila yung cell phone nila hindi na yan sila mag work sa farm. So, ang message ko lang is… they’re very, very lucky to have such farmlands so gamitin niyo ‘yun,” saad niya.

Bagaman hindi pa tuluyang namumulaklak ang kinabukasan para sa mga miyembro ng SMPBM at LBTFFGA, nananatiling masigla at masigasig ang kanilang loob para sa ikauunlad nito. Pinadapa man ng mga sakuna at iba’t ibang hamon sa kabuhayan, nananatiling buo ang pag-asa ng mga magsasakang tulad nina Tita Elsie, Tita Myrna, at Tita Mimie na uusbong ang mga talulot ng kaunlaran para sa kanilang kabuhayan, at kanila ring matatamo ang halimuyak ng tagumpay.