Ulat nina Beatrix Zaira Daysor, Dana Sachi Garcia, Jesu-Christina Ferrer

NASA LARAWAN: Sama-samang nanawagan ang Gabriela Youth-UPLB at Gabriela Southern Tagalog para sa pagpuksa sa karahasan laban sa kababaihan at LGBTQIA+ community sa WAR Show 2025, kaalinsabay ng UPLB February Fair noong Pebrero 12, 2025. Kuha ni Dana Sachi Garcia.
LOS BAÑOS, LAGUNA – Pinaigting ang mga panawagan ukol sa karapatan ng mga kababaihan at LGBTQIA+ community mula sa samo’t-saring sektor sa Women Against Repression (WAR) Show 2025 noong ika-12 ng Pebrero, sa ikalawang araw ng UPLB February Fair.
Sa pangunguna ng Gabriela Youth-UPLB at Gabriela Southern Tagalog, umalingawngaw ang mga panawagan ng mga kababaihan at LGBTQIA+ community sa edukasyon, kabuhayan, kalusugan, at ang pagpuksa sa karahasan at diskriminasyon.
Ayon kay Makabayan bloc senatorial candidate Alyn Andamo, na kumakatawan sa sektor ng kalusugan, marami pa ring problemang kinakaharap ang kanilang sektor, kagaya ng kakulangan sa serbisyo ng mga health personnel dahil sa understaffing, contractualization, at mababang sweldo.

NASA LARAWAN: Ang kumakandidatong senador na si Alyn Andamo, at ang kanyang pahayag patungkol sa problemang pangkalusugan. Kuha ni Beatrix Zaira Daysor.
“Ang pagsali ko po sa senatorial race ay isang protesta–protesta sa karakalang umiiral, patuloy na paglala ng sitwasyong pangkalusugan. Protesta sa paghihirap sa ating mga kababayan. Nasaksihan ko nahirapan at namatay nang walang tulong mula sa pamahalaan,” giit ni Andamo.
Kasabay nito, nanawagan ang Health Workers Partylist na pinangungunahan ni Alysa Villahermosa, para sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan.

NASA LARAWAN: Si Alysa Villahermosa, isang student nurse at ang National Coordinator ng Health Workers Partylist, habang binibigay ang kanyang talumpati. Kuha ni Beatrix Zaira Daysor.
Ilan sa mga panawagang nabanggit ni Villahermosa ay ang pagtaas sa sweldo at maayos na kagamitan para sa mga health workers, kumpletong benepisyo tulad ng hazard pay at maternity leave, at pagpapataas ng bilang ng mga health officials sa mga opisina at barangay para sa kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Para naman sa sektor ng manggagawang kababaihan, nanawagan si Makabayan senatoriable Amirah Lidasan na ipaglaban ang mga Lumad schools, itigil ang campus militarization, at ipaglaban ang karapatan ng mga moro at katutubo.

NASA LARAWAN: Nanawagan si Amirah Lidasan para sa mga manggagawang kababaihan, partikular ang mga moro at katutubo. Kuha ni Beatrix Zaira Daysor.
“Ito po ang gusto naming ipaglaban–kung bakit ang katulad ko po mula sa grupo na Sandugo Movement of Moro Indigenous People– ay nagdesisyon na ipaglaban ang ating mga kapatid na moro at mga katutubo, mabigyan ng boses, at maipaglaban ang aming kultura at karapatan,” ani Lidasan.

NASA LARAWAN: Talumpati ni John Peter Angelo “JPEG” Garcia, ang ikatlong nominado mula sa Kabataan Partylist. Kuha ni Dana Sachi Garcia.
Hingil sa isyu ng pagpasa ng SOGIE-SC Equality Bill, nanawagan si John Peter Angelo “JPEG” Garcia, ang third nominee ng Kabataan Partylist na ipasa na ito upang mapuksa na ang diskriminasyon base sa kasarian.
“Ang gusto lang po natin mangyari ay palawigin ang mga karapatang tinatamasa ng bayan,” ani Garcia. Bukod pa rito, hinahangad din ni Garcia na magamit ang 2025 midterm elections upang makaboto ng tama para sa bayan.

NASA LARAWAN: Talumpati ni Arlene Brosas, ang representante ng Gabriela Women’s Partylist. Kuha ni Dana Sachi Garcia.
Kasunod nito, isinulong din ni GABRIELA Women’s Partylist Representative Arlene Brosas ang pagpasa sa mga panukala gaya ng Anti-Rape Law, safe kit for victims, Anti-Electronic Violence, divorce bill, at ang pagpapasa ng SOGIE-SC Bill.
Ayon kay Brosas, mahalaga ang pagpasa ng mga panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga kababaihan at LGBTQIA+ community, kabilang ang Anti-Rape Law, safe kit for victims, Anti-Electronic Violence, divorce bill, at SOGIE-SC Bill. “Mahalaga na magkaroon ng sinusulong na panukala,” ani Brosas.

NASA LARAWAN: Panawagan ni Cathy Estavillo, ang ikalawang nominado mula sa Gabriela Women’s Partylist, sa gitna ng ginanap na WAR show. Kuha ni Dana Sachi Garcia.
Mula rin sa GABRIELA Women’s Partylist, inihayag ni Cathy Estavillo ang mariing pagtugon sa isyu ng early pregnancy sa bansa, pagbibigay ng economic relief sa mahihirap na pamilyang Pilipino, at pagpapadali ng access sa mga serbisyong pangkalusugan.
Ilang representante rin mula sa mga partido at progresibong grupo, gaya ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan – Cavite, Gabriela Women’s Party Southern Tagalog, Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR), Kabataan Partylist, at Health Workers Partylist, ang nagbigay ng kanilang talumpati sa pagsuporta sa adbokasiyang ito.
Sa kabilang banda, nasilayan din ang pagtatanghal nina Grace Arias, UP Silakbo, Sandayaw Cultural Group, Gnarrate at Embi Steady, Shanne Dandan, Bita and the Botflies, at Imago.