Ulat ni Zol Brilliance O. Bautista

NASA LARAWAN: Inumpisahang ipinta ng isa sa mga kalahok ng Junior Category ang kaniyang obra para sa On-the-Spot Painting Contest na ginanap sa Los Baños Municipal Activity Area, Peb. 19. Kuha ni Zol Bautista.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Arts Month 2025, nagsagawa ng On-the-Spot Painting Contest at Art Workshop ang Pamahalaang Bayan ng Los Baños noong nakaraang Miyerkules, Pebrero 19. Naisulong ito sa pamamagitan ng Los Baños Municipal Tourism Office katuwang ang MakiSining: The Makiling Art Group na ginanap sa Municipal Activity Area.
Umabot sa 23 na kalahok ang naturang paligsahan na binubuo ng Junior Category na may edad 7 hanggang 14 taong gulang at Senior Category na may edad 15 hanggang 21 taong gulang.
Sentro sa selebrasyon ng Arts Month ngayong taon ang pagbabalik-tanaw at pagpapahalaga sa ika-80 anibersaryo ng Pagpapalaya sa Bilangguang Kampo ng Los Baños o ang Liberation of Los Baños Internment Camp na naganap noong ika-23 ng Pebrero 1945.

NASA LARAWAN: Tinalakay ni Paul Benjamin Hilario, isang visual narrative painter, ang kanyang mga payo patungkol sa mahusay na acrylic painting sa Los Baños Municipal Audio Visual Room (AVR), Peb. 19. Kuha ni Zol Bautista.
Nag-umpisa ang Art Workshop sa pagpapalabas ng isang pelikula na nagpakita ng kasaysayan ng Bayan ng Los Baños sa loob ng panahon ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Sinundan naman ito ng maikling lektura ni Paul Benjamin Hilario, isang visual narrative painter at isa sa founders ng MakiSining, patungkol sa mga teknikalidad at mga bagay na dapat isaalang-alang pagdating sa acrylic painting.
Ayon kay Hilario, bagaman hindi normal sa mga kompetisyon ang pagkakaroon mentorship, minabuti ng Tourism Office at ng Makiling Art Group na maisakatuparan ito upang mahasa at mapahusay pa ang kakayahan at obra ng mga kalahok at para na rin mas maitaas pa ang lebel ng paligsahan.
“Ang arts sa akin kasi expression talaga ‘yan eh. It’s your mind, it’s your thoughts; what you have to show on the canvas (Ang iyong isip, ang iyong mga pananaw; kung ano ang nais mong ipinta sa canvas). Sa’kin nangyari lang kasi it’s my expression that I want to share na naging source of livelihood ko na rin. It’s a good thing ‘di ba? Doing what you love and getting paid for it. Who wouldn’t like that? (Ginagawa mo ‘yung hilig mo at kumikita ka pa. Sinong may ayaw do’n?)” saad ni Hilario hinggil sa kanyang sariling depinisyon at pagtingin sa arts.
Sinabi pa ni Hilario, ang pagkakaroon ng town-wide Arts Festival na magiging bukas sa iba’t ibang mga paaralan sa bayan at ang pakikipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) ang ilan sa mga malaking hakbang upang mas mapayabong pa ang taunang paggunita sa Arts Month.
Hindi ito ang unang beses na nagdaos ng paligsahan ang Los Baños katuwang ang Makiling Art Group para sa selebrasyon ng Arts Month. Noong nakaraang taon lamang ipinagdiwang din ang Arts Exhibit at Painting Contest na may temang “Sining sa Makiling.”

NASA LARAWAN: Binibigyan ng payo ng isang mentor mula sa MakiSining: The Makiling Art Group ang dalawang kalahok ng On-the-Spot Painting Contest, Peb. 19. Kuha ni Zol Bautista.
Ayon kay Edmarie Calungsod, Tourism Officer ng Los Baños, isang mahalagang tradisyon ang pagkakaroon ng painting contest tulad nito dahil nakatutulong ito sa maagang paghubog ng kabataan sa pagtangkilik ng sining hindi lamang bilang isang aktibidad, kundi bilang isang bagay na maipagmamalaki nila hanggang sa pagtanda.
“Sa akin kasi ‘yung pag-appreciate, ‘yung pagkakaroon ng awareness is malaking bagay na para masabi na you appreciate art. Kasi hindi naman magiging tanyag ang mga artist natin kung hindi ia-appreciate ng tao, kaya as people parang inspiration na rin to support the artist,” giit ni Calungsod patungkol sa iba pang paraan upang ipagdiwang ang buwan ng sining.
Binigyang-diin din ni Calungsod ang patuloy na pagsulong ng kanilang tanggapan sa pagpapalaganap ng kamalayan at pagpapahalaga sa kultura ng bayan sa pamamagitan ng sining. Aniya, magdaragdag sila ng iba’t ibang tema at pamamaraan na hindi lamang limitado sa pagpinta o pagguhit upang maging mas makabago at makabuluhan ang mga programa.
Dagdag pa ni Calungsod, hindi lang tungkol sa mga sikat na produkto at destinasyon ang turismo kundi tumutukoy din ito sa pagpapakilala ng yaman ng kultura at kasaysayan ng bayan. Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, hindi lamang nahuhubog ang talento ng kabataan kundi natutulungan din silang magkaroon ng kumpiyansa at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan.
Napagtagumpayan naman ang panghihikayat sa mga mamamayan ng Los Baños na makilahok sa selebrasyon ng Arts Month ngayong taon sa pamamagitan ng Facebook post ng LB Tourism Office. Sa 40 na indibidwal na nais sumali, 24 lamang ang kanilang tinanggap dahil sa limitadong gamit. “Limited kasi ‘yung resources namin kasi free naman po lahat. ‘Yung canvas, ‘yung painting and also ‘yung prizes. Actually bukod sa mananalo, ‘yung non-winners ay may consolation prize kaya siya limited,” ani Revilyn Perez, Los Baños Tourism Operations Assistant.
Nakatanggap ang mga nagwagi sa On-the-Spot Painting Contest ng PHP 5,000 para sa 1st Place winner, PHP 3,000 para sa 2nd Place, at PHP 2,000 para sa 3rd Place winner ng Junior Category; nakakuha naman ang Senior Category winners ng PHP 8,000 para sa 1st Place, PHP 5,000 para sa 2nd Place, at PHP 3,000 para sa 3rd Place winner. Nag-uwi rin ng consolation prize na PHP 500 ang bawat kalahok na hindi nananalo sa paligsahan.
Isinagawa ang pampinid na palatuntunan ng National Arts Month 2025 sa Charles Baker Memorial Hall sa UPLB kailansabay ng paggunita sa ika-80 anibersaryo ng paggunita sa pagpapalaya ng Los Baños Internment Camp noong Linggo, ika-23 ng Pebrero.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin lamang ang Facebook page ng Los Baños Tourism Office at ng MakiSining: The Makiling Art Group.