Ulat ni Katrina D. Soriano
Naghandog ng isang mini-library ang University of the Philippines Alliance of Development Communication Students (UP ADS) sa Lopez Elementary School sa isinagawa nitong ADService 2025 na may temang “Sigla sa mga Pahina” noong ika-24 ng Pebrero 2025. Layunin ng proyekto na hikayatin ang mga mag-aaral na pahalagahan ang pagbabasa ng pisikal na libro sa kabila ng lumalawak na digital media landscape.
Ayon kay Charlie Centeno, Overseeing Head ng proyekto, napansin ng organisasyon ang mababang interes ng mga bata sa pagbabasa gayun din ang kawalan nila ng access sa mga pisikal na babasahin. “Importante rin na ma-appreciate ng kabataan yung mga physical books para hindi lang ma-boost yung kanilang imagination, [kundi] ma-boost na rin yung reading comprehension nila and to gain more knowledge,” aniya.

NASA LARAWAN: Binabasahan ni Adrianne Palomar, miyembro ng UP ADS, ng aklat na “Ang Malinis na Malmag” ang mga mag-aaral sa ikalawang baitang, pangkat Jose Rizal, ng Lopez Elementary School. Kuha ni Katrina D. Soriano
Bukod sa pagbibigay ng mga librong maaaring gamitin ng mga estudyante ay nagkaroon din ng mga aktibidad na naglalayong pataasin ang interes ng mga bata sa pagbabasa. Naging pangunahing benepisyaryo ng proyekto ang mga mag-aaral sa ikalawang baitang ng Lopez Elementary School.
Sinabi rin ni Centeno na naisakatuparan ang proyekto sa tulong ng kanilang iba’t ibang institusyon at indibidwal na nagbigay ng donasyong libro. Dagdag pa niya, isa sa mga alumni ng UP ADS ang naging bahagi sa pagbuo ng konsepto ng nasabing proyekto.
Ayon kay Centeno, upang matiyak ang sustainability ng mini-library, napagkasunduan ng UP ADS at ng Lopez Elementary School na pangangalagaan ng mga guro ang mga libro upang masigurong magagamit ito ng mga susunod pang henerasyon ng mga mag-aaral.
Ang ADService ay proyekto ng UP ADS na tumutugon sa mga pangangailangan ng komunidad. Ilan sa mga naunang proyekto nito ay ADService 2020: ADSerbisyong Makabayan, ADService 2021: Mental Health Mondays, at ADService 2022: Silay, isang Immersive Art Exhibit on Children’s Rights.

NASA LARAWAN: Ilan sa mga libro na opisyal na ibinigay ng UP ADS sa Lopez Elementary School upang magamit ng mga mag-aaral. Kuha ni Katrina D. Soriano
Sa pamamagitan ng ADService 2025, umaasa ang organisasyon na higit pang mapalakas ang pagpapahalaga at kasanayan ng mga batang Pilipino sa pagbabasa ng mga pisikal na libro.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na Facebook Page ng UP ADS sa https://www.facebook.com/theUPADS o makipag-ugnayan sa [email protected].