Ulat nina Micko Calaycay, Jhon Carl Tolentino, at Lourain Anne Suarez
Tunay namang kinagigiliwan ng nakararami ang likas na katangian ng mga hayop, partikular na sa mga maliliit na uri, gaya na lamang ng mga aso, pusa, ibon, hamster, at marami pang iba. Malaki na rin ang inusbong ng ideya ng “fur parenting” sa kasalukuyan. Marahil dahil ito sa kultura ng mga Pilipino na pawang mga kayamanan ang mga alagang hayop sa bawat tahanan. Kadalasa’y nagsisilbing mga “bantay” ng bahay, at sa ilan ay itinuturing na ring parte ng pamilya — na siya raw dapat na ituring sa mga hayop ayon kay Jean Capistrano, isang residente ng Los Baños, Laguna.
Sa kanyang katagalan sa bayan ng Los Baños, isa sa kanyang mga adbokasiya ay ang pagbibigay ng mga tahanan o ng isang komunidad para sa pagbibigay ng pagmamahal, aruga’t alaga, at kaligtasan sa mga alagang hayop.
Bunga ng kanyang kahiligan sa pag-aalaga mula pagkabata hanggang pagtanda, hindi nalalayo ang adbokasiya niya sa kanyang realidad sa araw araw. Ito ay siya ring naging punla ng marami pang mga tagapagtaguyod at tagapangalaga sa kapakanan ng mga hayop hindi lamang sa Los Baños, kundi pati sa mga karatig bayan nito. Ito ang kuwento ni Jean at ang kanyang nag-uumapaw na pagmamahal sa mga hayop.
Ang kanyang mga simulain
Mula pagkabata ay sa Los Baños na lumaki si Jean. Mahigit kumulang 50 na taon na siyang naninirahan at namumuhay sa bayang ito. Aniya, mula pagkabata, mahilig na siyang mag-uwi ng mga aso o pusa na nakikita niya lamang sa daan o kalye.
“Bata pa lang ako talagang nag-aalaga na ako, tinatago ko sila sa room ko para di makita ng nanay ko,” banggit niya. Saad rin niya na nadala na niya ang pagkahilig niya sa mga hayop hanggang sa nagkaroon na siya ng trabaho, at magkapamilya.
Sa kasalukuyan, mayroon siyang 12 na alagang hayop: siyam (9) na pusa, dalawang (2) aso, at isang (1) hamster, at ang lahat ng iyon ay ampon niyang mga alaga, ang ilan ay mga sinagip o mga nakuha mula sa kalye, ang iba’y mga naligaw sa kanilang bahay, at ang ilan daw ay mga bigay ng kanilang mga kamag-anak.
Sa lahat ng kanyang mga inaalagaan at naalagaan, isa raw sa mga ito ang tumatak sa kanyang puso. At ito ay ang kanyang matagal nang alaga na si Jake.
Ang puso ng hayop at tao ay iisa
“..Member ako ng isang animal welfare group before…nagre-rescue [talaga sila actively] sa street [and] buhat-buhat [nila] si Jake and talagang black siya all over, wala siyang fur pero super black siya, siguro gawa ng grease..tapos buto’t balat [siya],” kuwento ni Jean sa kung paano niya unang nakita’t nakilala si Jake.
2011 noong kanilang inampon si Jake mula sa organisasyon. Mula sa kanilang pag-ampon kay Jake, ay bitbit na rin nila ang responsibilidad na isalba at bigyan ng nararapat na aruga si Jake mula sa kalagayan nito noon. Kaakibat nito ang pagpapagamot at pagbibigay ng mga pangangailangan ni Jake para gumaling at bumalik ito sa dati niyang anyo at porma.
Binanggit ni Jean na si Jake ay mayroong kanser noon o mas kilala bilang “TVT” o Transmissible Venereal Tumor. Kung kaya’t balik-panaog raw sila sa mga pagamutang beterinaryo para sa mga eksaminasyon, at higit lalo ang chemotherapy. Sa dami ng pagsubok na kanyang dinanas sa pag-aalaga, partikular na sa pinansyal, kay Jake raw nito natutunang magkaroon ng mahabang pasensya, maging matiyaga, at mapagtiis. Bunga rin daw ni Jake ang mas lalong pag usbong ng kanyang adbokasiya para sa mga hayop.
Tulad ng kanyang lubusang pag-aalaga kay Jake, ganon din ang kanyang turing at trato sa lahat ng kanilang mga alagang hayop.
“Pinaka challenging is yung makukuha mo silang may sakit, kasi kailangan mo pa silang i-vet and then of course sobrang gastos kasi pag galing street di mo alam anong sakit ang meron sila, most specially if you have already pets at home baka makahawa so magkaka-problema..,” kuwento ni Jean.
Binanggit din niyang madalas ay nakakagastos siya ng PHP 5,000 para lamang sa pagdala at pagpapagamot ng mga alaga niyang hayop sa beterinaryo. Bukod dito, marami na rin daw silang sakripisyong nagawa upang mas maayos na maalagaan ang mga ito.
Silip sa pang araw-araw
Si Jean bilang isang work-from-home na ina ay may oras sa bawat aktibidad sa pang araw-araw.
“I wake-up at 5 kasi my work starts at 6. I wake-up at 5 at pinapakain ko na sila at nililinis ko ang litter box and then [pinapalabas ang mga aso], and then ayon binabantayan ko sila the whole day [while working], and then [sa] tanghali I allot 30 minutes to feed them, and that’s my [lunch na rin]. Tapos after dinner namin ni Mandy siya naman ang magpapakain and I also clean up the litter box…”
Bukod pa rito, sa usaping badyet para sa pagkain, halos sila raw ang nag-aadjust para sa kanilang mga alaga. Aniya’y mas malaki pa raw ang inilalaan nilang badyet para sa mga alaga nila kaysa sa sarili nilang pagkain. Kung minsan ay kuntento na sila sa itlog at kanin, habang ang diyeta naman ng kanilang mga alagang aso ay manok — madalas nga raw ay lagi na ring manok ang kanilang ulam para makipagsabayan sa pagkain ng mga alaga nila. Bukod pa rito ang pagkain para sa pusa, cat food na madalas ay may halong isda at mackerel, at iba pa ang pagkain ng kanilang alagang hamster. At esensyal din para sa kanila ang libangan ng mga ito, kung kaya’t binibili rin daw nila ang mga ito ng mga laruan, higaan, at iba pa.
“I work from home ever since, so nung nag start na akong mag rescue, nasa bahay na ako, I don’t go out, I don’t go on a vacation. Ito yung sinasabi nilang malungkot pero I don’t think it’s malungkot for me kasi sanay akong sa bahay lang. Ang challenge is ‘pag gusto kong mag overnight sa mga pinsan ko kailangan may matitira saming isa ni mandy sa house, diba? Sabi nga nila kumuha ka ng aso para may taga-bantay pero you will end up ikaw ang magbabantay,” dagdag niya.
Bagaman ganito ang pang araw-araw para kay Jean at sa kanyang anak, binibigyang diin nito na hindi siya para magkomprormiso, dahil una sa lahat ay gusto at mahal niya ang kanyang ginagawa para sa kanyang mga alagang hayop. Banggit pa niya na bagaman magkaiba ang ating uri, pareho lang naman daw ang sistema ng pagbibigay at pagtanggap ng pagmamahal ng isang tao at isang hayop — kung kaya’t kanyang ipinagpapatuloy ang ganitong mga gawain.
Ang adbokasiya ni Jean para sa mga hayop
“Ang vision ko is to really have [a] farm where I could take more dogs and cats..”

NASA LARAWAN: Si Jean (sa gitna) at si Sara (sa kanan) mula sa LB-AAW, kasama ang isang residente na nag-ampon ng aso mula sa municipal dog pound. Litrato mula sa Los Baños Advocates of Animal Welfare (LB-AAW)
Maraming pamamaraan upang maipakita ang malasakit sa mga hayop, ngunit para kay Jean, ito ay sa pamamagitan ng isang pangarap, isang tahanang puno ng pag-aaruga, kung saan bawat hayop ay ligtas at minamahal. Dito makikita kung gaano kalalim ang adbokasiya at pagmamahal ni Jean sa kanyang mga alaga.
Bata pa lamang siya, hindi lang niya ipinupuhunan ang kanyang emosyon, kundi pati ang sariling pera upang makatulong sa mga hayop na walang masisilungan. Kalaunan, sumali siya sa mga grupo ng animal welfare, hindi lang upang tumulong, kundi para maramdaman ng mas maraming hayop ang tamang dama ng pag-aaruga.
Ngunit sa kabila ng kanyang pagsisikap, may mga pangyayaring nagbigay sa kaniya ng pangangamba. Isa na rito ang patuloy na panghuhuli ng mga hayop sa Los Baños. Nang malaman niyang dinadala ang mga asong gala sa dog pound, hindi niya kayang ipikit ang kanyang mga mata. Dahil dito, kasama ang kanyang anak na si Mandy, binibisita nila ang mga hayop upang pakainin at damayan.
Ang mga aktibidad na ginagawa ni Jean ay kanyang ibinabahagi sa social media, at di nagtagal, marami ang naantig sa kanyang dedikasyon, kung kaya’t dumami rin ang mga taong nakisama rito.
“They joined me, lumaki na yung group namin and we adopted more than a hundred dogs and cats before,” kuwento ni Jean.
Dahil dito, naging mitsa ito upang isilang ang Los Baños Advocates of Animal Welfare noong 2015. Ang organisasyong ito ang nagsilbing tulay upang makapagligtas ng mas maraming hayop. Ilan sa mga aktibidad nila ay ang pag-organisa ng feeding programs, makipag-ugnayan sa mga beterinaryo para sa libreng pagpapakapon at pagpapagamot, at paghahanap ng responsableng mag-aampon sa mga nailigtas nilang hayop. Dahil dito, mahigit 100 hayop na ang kanilang nailigtas at nabigyan ng bagong tahanan, malayo sa panganib ng dog pound.

NASA LARAWAN: Mga volunteer mula sa UP Society of Men at Societas Mulierum, kasama si Jean at ang Los Baños Advocates for Animal Welfare (LB-AAW), habang nagsasagawa ng paglilinis at pagpapakain sa municipal dog pound noong 2015. Los Baños Advocates of Animal Welfare (LB-AAW)
Mahigit sa 100 hayop na ang naalagaan at napakain ni Jean. Kaakibat ng kagustuhan niyang makatulong, nais din niyang maranasan ng mga aso’t pusa na magkaroon ng katuwang at mapadali ang kanilang buhay.
“More than a hundred, kasi na empty namin yung dog pound noon, that was February 2016, as in wala lahat na pa adopt namin” sambit ni Jean
Walang magandang kamatayan, ngunit para kay Jean, ang pagkamatay dahil sa katandaan ng isang aso o pusa ay isang himala. Para sa kanya, ito’y simbolo na namatay ang isang alagang may pamilya.
“As in lahat, napa-adopt namin. I’m really glad na nakikita mo silang mag old age, at least ‘di ba? Namatay silang may family.”
Ngunit sa kabila ng kanilang tagumpay, dumaan ang organisasyon sa matinding pagsubok. Dahil sa kakulangan ng kanilang pondo at hindi pagbibigay ng sapat na pagkilala, ay kalaunan silang napilitang ihinto ang kanilang operasyon.
“Parang hindi siya narerecognize at nagkaproblema sa budget,” paliwanag ni Jean.
Bagaman natigil ang pormal na operasyon ng organisasyon, hindi nito napigil ang diwa ng adbokasiya ni Jean. Kasama ang kanyang mga naging kaibigan sa organisasyon, patuloy nilang ginagawa ang mga aktibidad sa abot ng kanilang makakaya. Bukas pa rin ang kanilang Facebook page para sa mga nangangailangan ng tulong, nais magpa-adopt, nangangailangan ng pondo, o gustong tumulong.
“We just continue rescuing on our own but still active yun aming page for the public..”
Sa kabila ng lahat ng hamon, hindi napapagod si Jean sa kanyang adbokasiya. Naniniwala siyang hindi kailangang mahalin ng lahat ang mga hayop, pero kailangang may malasakit tayo sa kanila.
“Lagi kong sinasabi, not everyone will like pets.. But if you have a heart, you have an option.”
Sinasabi ni Jean na may iba’t ibang paraan upang makatulong tulad ng pag-ampon, pag-foster, pagpapakain, pagbibigay ng edukasyon sa iba, o pag-volunteer sa mga programa para sa hayop.
“There are ways to help, be part of the advocacy,” wika niya.
Sa kuwento ni Jean, pagmamahal ang naging pundasyon ng adbokasiyang kanyang ipinagpapatuloy. Mula sa lihim niyang pag-aalaga ng mga hayop noong bata pa siya, lumago ito at nagbunga ng maraming pagbabago. Maaaring ang mundong ito ay madalas ipinagwawalang-bahala ang kapakanan ng mga hayop, may isang tulad ni Jean na patuloy na nangangarap at naging inspirasyon sa iba upang makiisa sa adhikain ng pagmamalasakit at responsableng pangangalaga.
Gayunpaman, sa kabila ng adbokasiya ni Jean, hindi niya maitago ang panghihinayang sa mga batas na dapat sana’y pumoprotekta sa mga hayop tulad ng Animal Welfare Act, ngunit hindi nararamdaman ng mga hayop ang proteksyong ipinapangako nito.
“Actually, ang ganda ng law natin.. I think yung implementation ng law lang talaga.”
Nais niyang makita ang araw na ang batas ay hindi lang basta salita, kundi isang tunay na daan upang matigil ang pang-aabuso at kapabayaan sa mga hayop. Hiling niya na dumating ang panahon na maipatupad ang batas nang maayos dahil mismong sistema na ang nag-aalaga sa kanila.
Ang pagbibigay-kaalaman sa nakararami tungkol sa responsableng pag-aalaga ay libre at kayang-kaya ng kahit sinong indibidwal, ayon kay Jean. Para sa kanya, ito’y isang paraan upang makatulong at magmulat ng kamalayan para sa kapakanan ng mga hayop. Ang kagustuhan tumulong ay dapat may kasiguraduhan at may puso dahil ito ang pundasyon upang maibigay ang bahagharing buhay para sa mga alaga ng hayop.
Sakripisyo ng Isang Ina
Tila magkakapatid na chikiting ang mga furbabies ni Jean, may nakakabasag, may nakakasira, at may nagngangatngat, ngunit lahat ng ito ay walang-wala kumpara sa kasiyahang naibibigay ng mga furbabies niya.
Hindi madali para kay Jean ang umiwas sa mga asong gala at pusang kalye dahil sa kanyang malasakit. Gayunpaman, naniniwala siyang hindi maganda ang maghakot ng alaga kung hindi kayang sustentuhan.
“Minsan iiwas na ako kasi I also want to give my best, at hindi rin naman magandang mag hoard. Alam mo yon living within your means also,” dagdag niya.
Pikit-matang iniiwasan ni Jean ang mga asong gala at pusang kalye dahil alam niyang hindi niya kayang kupkupin ang lahat o magbigay ng mabuting buhay sa kanila. Mas naniniwala siyang mas mabuti pang hayaan ang mga hayop sa kalyeng kinalakhan nila, kung saan mas kabisado nila ang kanilang paligid at mas malaya silang makakahanap ng pagkain at masisilungan, kaysa dalhin sa isang lugar na hindi rin kayang suportahan ang kanilang pangangailangan.
“Ang pag-aalaga ay hindi lamang mag-uwi at magpakain, kundi dapat ito ay may kaakibat na puso at pagmamahal,” sambit nya. Hindi lang sila basta alaga o bantay; para kay Jean, sila’y parang anak na may buhay at karapat-dapat alagaan habambuhay.
“Mauuna naman sila satin eh but ayon nga give them the best life,” ayon kay Jean.
At gaya ng kanyang pangangalaga kay Jake, hanggang sa huling paghinga ng kanyang alaga, ay sakripisyo at pagmamahal pa rin ang kanyang inalay para sa kaniya. Mahirap man ngunit ang kapalit na pagmamahal at alaala na nabibigay ng mga alaga niya ay walang kapantay na ligaya’t barya.